Inday TrendingInday Trending
Pangarap Ko Ang Makita Ka

Pangarap Ko Ang Makita Ka

Si Milen ay isang simpleng mag-aaral lamang. Hindi mayaman hindi rin naman mahirap. Siya ay isang mag-aaral sa kolehiyo na ang tanging hangad lang ay ang maging mahusay din na manunulat katulad ng kanyang hinahangaang manunulat na si Christopher upang sa gayon ay maaari na niya itong makita sa personal.

Sa loob ng sampung taong pagkahilig niya sa mga isinulat ni Christopher ay hindi pa siya nagkakaroon ng pagkakataon na makita ito ng harapan. Hindi nga niya alam kung ano ang tunay na kasarian nito, kung lalaki ba ito o babae. Ipinagtataka rin ni Milen kung bakit wala itong apelyido. Ayaw ba talagang magpakilala ng manunulat na ito at pati ang apelyido ay ipinagdadamot?

“Wala bang apelyido si Christopher? Hindi ko tuloy mahanap sa facebook ang account niya,” pabulong na sabi ni Milen sa nanghihinayang na boses.

Hindi man niya lubusang kilala ang manunulat, pero nagkakaroon naman siya ng kaalaman kung sino ba talaga ito. Lahat ng libro ni Christopher ay nabasa na niya kaya’t ibinabase niya sa kung paano binibigyang diin ang bawat salitang ipinapahayag nito sa mga istoryang isinusulat nito. Para kay Milen, ang pagkatao ni Christopher ay mapagmahal na tao ngunit walang natatanggap na pagmamahal sa paligid niya. Isang tao na tila ba uhaw na uhaw sa pagmamahal. Iyan lamang ang tumatakbo sa isip niya tungkol sa hinahangaan niyang manunulat, ngunit ito’y hango lang sa kanyang sariling kaalaman at base lamang sa libro nito.

“Tila napakalalim na tao nitong Christopher na ito. Lalo tuloy ako humahanga sa kanya,” wika niya sa kaibigang si Karen.

“Hay naku, baliw ka na talaga sa manunulat na iyan. Sa dinami-rami ng manunulat bakit siya pa ang nagustuhan mo?” tanong ng kaibigan.

“Ewan ko rin e. Gusto ko ang mga libro niya. Gusto ko ang paraan niya ng pagsusulat. At gusto ko rin siya,” sabi niya sa mahinang tono.

Sa totoo lang, noong una ay ayaw niyang aminin sa sarili niya na ang kadahilanan ng pagkainteresado niya sa manunulat ngunit habang tumatagal ay napagtatanto niya na mas lalong lumalalim ang paghanga niya rito. Si Christopher at mga libro lamang nito ang nagbibigay inspirasyon at lakas sa kanya. Dahil sa mga libro nito ay nagkaroon siya ng pag-asa sa buhay.

“Anak, sobra na ang paghanga mo sa Christopher na iyan ha! Baka naman napapabayaan mo na ang pag-aaral mo?” tanong ng kanyang ina.

“Siya nga ang inspirasyon ko inay sa pag-aaral ko e. Gusto kong maging katulad niya, isang maging mahusay at sikat na manunulat,” sagot niya.

“Hindi naman kita pinipigilan sa pangarap mo anak pero tila kasi si Christopher na lang ang laman ng isip mo,” saad ng ina.

“Hindi ko rin alam inay pero sobra ko kasi siyang hinahangaan.”

Sa matinding kagustuhan niyang makita ng personal ang manunulat ay napagisip-isip ni Milen kung paano niya ito matatagpuan. Hindi niya malaman sa sarili kung paano at saan ito mahahanap. Ginawa na niya ang lahat-lahat, pati na rin ang paghingi ng tulong sa himpilan ng radyo maging sa iba’t ibang programa na pinapalabas sa telebisyon. Ngunit bigo siya, ni isa sa mga ito ay hindi makatulong at nahihirapan n maghanap ng impormasyon kung saan nga ba talaga matatagpuan at makikita ang manunulat. Ang ibang istasyon naman ay hindi pumapayag na magbigay ng impormasyon. Pumunta rin siya sa gusali ng kumpanya kung saan inilalabas ang mga libro ng mga mahuhusay at sikat na manunulat sa buong Pilipinas ngunit kahit doon ay wala siyang napala

“Nakakainis naman, kahit sila ay walang masabing impormasyon. Saan nga ba kita mahahanap Christopher?” wika niya sa isip.

Alam naman niya sa sarili na isa lamang siya sa milyong-milyong tagahanga ng sikat na manunulat pero hindi niya masisisi ang sarili kung gusto niya itong makita at makilala. Gagawa at gagawa siya ng paraan upang mahanap lang ito.

Ngunit lumipas na ang pitong taon. Nakapagtapos na siya ng kolehiyo at kasalukuyan ay isa na rin sa pinamahusay at sikat na manunulat sa buong Pilipinas maging sa buong Asya. Natupad na rin ang inaasam niyang pangarap ngunit may kulang pa rin sa buhay niya.

Sa tagal ng panahon nang paghahanap niya sa hinahangaan niyang manunulat, kahit kailan ay hindi siya nagkarooon ng pagkakataon na makahanap ng impormasyon tungkol rito. Tila ayaw talagang magpahanap nito. Nananatili pa ring ‘anonymous’ ang manunulat na si Christopher at kahit malawak na ang kanyang impluwensya sa mundo ng pagsusulat ay wala pa rin siyang makuhang detalye tungkol sa kanyang idolo.

“Hanggang sa pangarap na lamang yata kita makikita, Christopher,” wika niya sabay buntong-hininga.

Makalipas ang ilang buwan pa ay hindi na nagparamdam ang sikat na manunulat, wala na rin itong librong inilalabas. Hindi naman nagpadala sa emosyon si Milen kahit sobra talaga siyang nalulungkot sa nangyari. Nakatingin lamang siya sa kalangitan na punong-puno ng bituin at maliwanag na buwan.

“Sa libu-libong bituin sa kalangitan , saan ka diyan? Alin ka diyan Christopher?” bulalas ni Milen.

Isa pa ring palaisipan para sa kanya ang pagkatao ni Christopher. Ngunit wala na siyang magagawa, marahil iyon ang nakatadhana sa kaniya. Nakatadhana na hindi niya talaga makikita o makikilala man lang ang hinahangaang manunulat. Ang gusto niyang mangyari ay sa panaginip na lamang pwedeng matupad. Sa isip-isip ni Milen, siguro ay naging instrumento lamang si Christopher sa buhay niya para matupad niya ang kanyang pangarap na maging isang sikat at mahusay na manunulat.

Advertisement