Inday TrendingInday Trending
Nakaranas ng Maruming Pangyayari sa Patimpalak ang Dalaga, Ito ang Dahilan ng Kaniyang Pagkatalo

Nakaranas ng Maruming Pangyayari sa Patimpalak ang Dalaga, Ito ang Dahilan ng Kaniyang Pagkatalo

“Hija, sa’yo nakasalalay ang pangalan ng bansa natin, ha? Kaya, gawin mo ang lahat para makuha lamang ang korona at kapag sinabi kong lahat, wala ni isang ipag-uutos ng mga hurado roon ang hindi mo dapat sundin, naiintindihan mo?” bilin ni Marites sa dalagang nanalo sa pambansang patimpalak ng kagandahan at katalinuhan, isang hapon matapos niya itong ihatid sa paliparan para sa pag-alis nito bansa.

“Uutusan po ba nila kami roon? Hindi po ba’t patimpalak ‘yon, bakit kailangan nila kaming utusan?” walang muwang na tanong ni Jaya, lalo pa siyang napaisip nang siya’y tawanan ng ginang na ito.

“Napakabata mo pa talaga, hija! Kaya duda talaga ako kung ikaw ba talaga ang dapat naming ipadala sa ibang bansa, eh!” patawa-tawang sambit nito.

“Ano po bang nais niyong sabihin?” tanong niyang muli rito.

“Kapag natipuhan ka ng isa sa mga hurado roon, huwag ka nang magpakipot, sunggaban mo na agad! Mauuwi mo na ang korona, magiging mataba pa ang bulsa mo. Gamitin mo ang utak mo kung ayaw mong ikahiya ka ng mga Pilipino!” panakot nito sa kaniya na labis niyang ikinakaba.

“Pe-pero po…” hindi na niya natapos pa ang sasabihin dahil agad na siya nitong tinulak papasok ng paliparan.

“Sige na, lakad na, mahuhuli ka na sa flight mo!” sigaw nito saka agad na siyang iniwan doon.

Bata pa lang ang dalagang si Jaya, tumatak na sa puso’t isip niya na gagawin niya ang lahat upang maging isang Ms. Universe katulad ng idolo. Simula noon, sa murang pag-iisip, wala na agad siyang sinayang na oras.

Nagpaturo siyang maglakad, kumembot, sumagot sa mga tanong at mag-ayos ng sarili sa tiyuhin niyang binabae na labis namang ikinatuwa nito.

Ito ang naging dahilan nang kaniyang pagsikat sa murang edad. Minsang ilagay ng kaniyang tiyuhin ang bidyo niya habang siya’y rumarampa na talaga nga namang nagustuhan ng mga tao.

Hindi lang siya tumigil doon dahil pagtungtong niya sa legal na edad, agad na siyang sumali sa mga pambasang patimpalak at dahil nga sa ganda, galing at talino niya, kahit siya ang pinakabata, siya pa ang nakoronohan at ilalaban para sa pangdaigdigang patimpalak ng kagandahan at katalinuhan.

Ngunit, noong araw na ‘yon, bago siya lumipad patungong ibang bansa, bigla siyang natakot sa kahaharaping pagsubok dahil sa mga sinabi ng ginang na iyon. Pero dahil nga desidido siyang abutin ang kaniyang pangarap, lakas loob pa rin siyang lumipad at nagtungo sa bansang iyon.

Pagkarating niya roon, sumalubong sa kaniya ang sandamakmak na naggagandahang dalaga mula sa iba’t ibang bansa. Marami ring mga negosiyanteng naroon kau-kausap ang mga naturang kandidata.

Kung titingnan, parang normal lamang na nag-uusap ang mga ito ngunit kung tititigang mabuti, makikitang may mga patagong haplos at maruruming biro ang kaniyang nakikita at naririnig. 

Maya-maya pa, may lumapit na sa kaniyang isang ginoo na labis niyang ikinakaba at dahil nga ayaw niyang mapahiya ang bansa, magiliw niya itong kinausap at pinakisamahan. 

Lalo pa siyang namulat sa maruming pamamaraan sa industriyang ito nang makasama na niya ang ibang kandidata sa kanilang silid. Narinig niya sa kwento ng mga ito na may kaniya-kaniya na raw itong lilingkisang hurado upang matiyak na sila’y makapasok sa huling yugto ng patimpalak. Nang siya’y tanungin ng mga ito at sinabi niyang wala siyang nilalanding hurado, agad siyang nireto ng mga ito sa isang huradong biglang pumasok sa kanilang kwarto.

At dahil nga mataba ang utak niya, patago niyang kinuhanan ng bidyo ang pangyayaring ito habang siya’y naka-live sa kaniyang social media account. Hindi man kita sa bidyo kung anong ginagawa sa kaniya, rinig na rinig naman ang kaniyang pagpupumiglas.

Maraming tao, hindi lang Pilipino, ang nakapanuod sa bidyong ito kaya kahit siya’y pinagsasasampal ng mga namamahala sa patimpalak na iyon nang biglang mag-trending ang bidyong iyon, taas noo niya itong hinarap. Wika niya, “Pangarap kong manalo sa patimpalak na ito pero hindi ko masisikmurang makuha ang pangarap kong ito sa maruming paraan!”

Sa pagiging tapat niya, maraming kandidata ang humanga sa kaniya. Kaya naman kahit umuwi siyang walang dalang korona dahil nga siya’y napatalsik, labis pa rin siyang pinagmamalaki ng mga Pilipino sa kabutihang mayroon siya.

Hindi man niya natupad ang pangarap niya, sandamakmak na media entertainment agency ang nagkakahumayaw na makuha siya bilang artista na talaga nga namang lalong nagpasikat sa kaniya at nagbigay ng magandang buhay para sa kaniyang buong pamilya.

Advertisement