Malikhaing Pagsulat ang Trabaho ng Babaeng Ito, na Talagang Hilig Niya Simula Pagkabata; Ngunit Paano Kung Isang Araw, Mawalan Siya ng Paningin?
Isang mahusay na manunulat si Alondra, at talaga namang maraming sumusubaybay sa kaniyang mga kuwento, mapa-maikling kuwento, dagli, o nobela man. Hilig at passion talaga ni Alondra ang pagsusulat. Bata pa lamang siya, mahilig na siyang magsulat ng sariling kuwentong-bayan, alamat, pabula, at kung ano-ano pa, at inilagagay niya ito sa kaniyang kuwaderno.
Hindi na nagulat pa ang kaniyang mga magulang nang kumuha siya ng kursong Creative Writing sa Unibersidad ng Pilipinas. Sinuportahan nila ang passion ng kanilang anak. Hindi naman isyu sa kanila kung anoman ang landas na gustong tahakin ng kanilang anak. Ang totoo niyan, mabibilang sila sa pamilyang middle class. May maliit na negosyo ang kaniyang ama, at may magandang trabaho naman ang kaniyang ina.
Hanggang sa unti-unti na ngang nakilala si Alondra sa pagsusulat niya ng mga romantikong maikling kuwento, na patok na patok sa kabataan. Sinusubaybayan naman ng mga nanay at iba pang medyo may edad na ang kaniyang mga nobela, na hinahati-hati niya sa bawat kabanata. Naging plataporma niya ang social media.
Kapag buhos na buhos ang atensyon ni Alondra sa kaniyang pagsusulat, walang sinoman ang maaaring umistorbo sa kaniya. Tila may sariling isip at kaluluwa ang kaniyang mga kamay sa pagtipa sa keyboard. Hindi umaalis ang kaniyang mga mata sa screen ng kaniyang laptop. Hindi niya namamalayan na lima hanggang walong oras na pala siyang nakatingin sa kaniyang laptop, hindi niya namamalayan ang gutom o uhaw, tila tumatakas ang kaniyang kaluluwa at nagtutungo sa daigdig na siya mismo ang lumikha.
“Anak, huwag masyadong tumutuok sa screen ha, at baka mapagod naman ang mga mata, huwag masyadong abusuhin,” paalala sa kaniya ng kaniyang ina. Pinagdalhan na siya nito ng makakain at inumin. Napatingin naman si Alondra sa kaniyang orasan. Hapunan na pala. Kanina pa siyang 3:00 ng hapon nakaharap sa kaniyang laptop at nagsusulat. Buhos na buhos ang kaniyang atensyon dahil bumabalong ang mga ideya at ayaw niyang pakawalan.
Tinapos niya ang kaniyang ginagawa, hanggang sa 9:00 ng gabi, dahil nanlalabo na ang kaniyang mga mata. Kahit na medyo nababad ang kaniyang mga mata, hindi pa rin niya nalilimutang maghilamos at gawin ang kaniyang evening routine bago matulog.
Sa kaniyang panaginip, tumatakbo raw siya sa isang madilim na lugar, na hindi niya halos makita ang lupang tinatapakan niya. Basta’t tumatakbo lamang siya. Hanggang sa hindi raw niya napansin ang isang malaking halimaw na bigla na lamang sumagpang sa kaniya.
Dito na napatili si Alondra. Ngunit nagulat siya dahil madilim pa rin ang kaniyang paligid. Nananaginip pa ba siya? Pakiramdam niya naman ay dilat na dilat ang kaniyang mga mata. Ipinikit-idinilat niya ang mga mata. Kadiliman. Kadiliman. Kadiliman. Napatili ulit si Alondra.
Narinig na lamang ni Alondra ang humahangos na tinig ng kaniyang ina at ama.
“Anong nangyari, anak? Anong nangyari?”
“Ma… nakadilat ba ang mga mata ko? O masyado ba talagang madilim sa kuwarto ko? Pabukas naman ang mga ilaw… wala akong makita…”
“A-Anak… b-bukas ang mga ilaw. Narito kami sa harapan mo, anak…”
At bumalong ang mga luha sa mga mata ni Alondra. Wala siyang makita. Dilim ang nakikita niya.
Dinala nila sa espesyalista si Alondra, at tila pinagbagsakan ng langit at lupa si Alondra. Ito na ang bunga ng mga panlalabo ng mata na hindi niya pinansin, ilang buwan na ang nakalilipas. Hindi lamang niya ininda ang paminsang pawala-wala ng kaniyang paningin, sa pag-aakalang napagod lamang.
Isang buwan. Isang buwan ang ibinigay na taning kay Alondra. Kapag lumagpas sa isang buwan na hindi bumalik ang kaniyang paningin, tuluyan na siyang mabubulag.
Sa loob ng isang buwan, bawal ang stress. Bawal ang anomang aalalahanin. Hindi siya makasulat. Halos sumabog ang kaniyang ulo sa dami ng mga naiisip, mga alalahanin, na sumasabay sa magagandang ideya ng kuwento na naghihintay lamang na magkaporma at balangkas sa pamamagitan ng kaniyang pagtipa sa keyboard. Ngunit hindi niya magawa dahil nga bulag siya. Bulag na siya.
Mabuti na lamang at nakaalalay sa kaniya ang mga magulang na nagsilbing tanglaw niya. Kahit paano, naibsan ang kaniyang mga alalahanin. Subalit hindi niya matanggap ang nangyari sa kaniya, lalo’t mga mata ang kaniyang puhunan sa trabaho. Paano siya makakasulat kung hindi siya titingin sa keyboard at laptop? Wala namang sariling mga mata ang kaniyang mga kamay.
Bukod sa kaniyang paningin, dumaan din sa depresyon si Alondra, lalo na nang lumagpas ang isang buwan, na hindi pa rin bumalik ang kaniyang paningin.
Ngunit isang araw, biglang nakaisip nang paraan si Alondra. Hindi puwedeng ganito ang gagawin niya. Hindi magiging hadlang ang kaniyang pagkabulag upang hindi mangyari ang mga gusto niya. Magpapatuloy siya sa pagsusulat.
Kaya naman, sinabihan niya ang kaniyang mga magulang na maghanap ng isang mapagkakatiwalaang typist. Susuwelduhan na lamang nila ito. Wala itong gagawin kundi i-type ang anomang salitang sasabihin niya. Ididikta niya sa typist ang mga salita at kuwento, at ito lamang ang magta-type sa platform nila. Nang sa gayoin, makasusulat siya, gamit ang mata at kamay ng iba.
At nagtagumpay naman si Alondra. Hindi naging hadlang ang kaniyang sitwasyon upang magbigay-kasiyahan sa kaniyang mga mambabasa na hinahanap-hanap na siya. Mas lalo silang humanga nang malaman nila ang sitwasyon niya, sa pamamagitan ng ginawa niyang bukas na liham para sa lahat.
Nawalan man siya ng paningin, hindi naman nawala ang kaniyang malikhaing pag-iisip. Para sa kaniyang mga mambabasa, patuloy siyang lilikha.