Naungusan ng Dalaga ang Kaibigang Nagpasok sa Kaniya sa Trabaho; Dala ng Inggit ay Isang Kagimbal-Gimbal na Bagay ang Nagawa ng Babae
Hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Evelyn kaya naman hindi maipagkakailang nahihirapan siyang makahanap ng kompanyang tatanggap sa kaniya nang wala siyang naipakikitang diploma. Pangatlo kasi siya sa labindalawang magkakapatid kaya naman wala na rin siyang nagawa nang sabihin sa kaniya ng kaniyang mga magsasakang magulang na kailangan niya munang tumigil ng pag-aaral dahil mahina ang ani nitong mga nakakaraang buwan.
“‘Di bale, ‘Nay, nakausap ko na po ‘yong matalik kong kaibigang si Mara. Sa Maynila po siya nagtatrabaho at ang sabi niya, tumatanggap naman daw po ng hayskul lamang ang natapos sa kompanya nila. Ang maganda pa nga po, nag-aalok din po ang kompanya nila ng libreng paaral sa mga regular nilang empleyado,” pagpapagaan ng loob na sabi ni Evelyn sa kaniyang ina.
Agad naman itong sumang-ayon. Labag man sa loob nilang mag-asawa na malayo sa kanila ang anak na dalaga, wala rin silang magawa dahil aminado silang napakahirap ng kanilang buhay sa probinsya.
Sabado pa lamang ay bumiyahe na si Evelyn mula Bicol kaya’t Linggo ng gabi ay nakarating na siya sa Maynila. Doon ay agad siyang sinalubong ng kaibigang si Mara.
“Besh! Salamat talaga at ipinasok mo ako sa trabaho ha? Grabe, sa ilang kompanya kasi ang pinagsubmit-an ko ng resume, ni isa’y walang tumawag sa akin kahit para man lang sa initial interview,” bati at pasasalamat ni Evelyn kay Mara.
“Ano ka ba, besh? Siyempre naman, sino pa bang magtutulungan! O siya, halika na sa apartment ko. Doon ka muna mag-stay para makapag-ipon ka pa nang mas malaki at makapagpadala sa probinsya,” sagot naman ng dalaga sabay yakap sa kaibigang halos dalawang taon na niyang hindi nakikita.
Kinabukasan, unang araw ni Evelyn sa opisina. Baon niyang inspirasyon ang hirap ng kanilang buhay sa probinsya, kaya naman buong-buo ang kaniyang loob na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang paghusayan ang pagtatrabaho. Agad siyang nagpakitang gilas at ginawa ang lahat upang matutunan kaagad ang lahat ng mga nakatokang trabaho sa kaniya.
Pinag-aralan niya ring makisama sa lahat ng kaniyang mga katrabaho dahil turo sa kaniya ng kaniyang ama na dapat ay marunong kang makisama lalo na sa mga taong araw-araw mong makakahalubilo. Sa ganoong paraan daw kasi, mas gagaan ang trabaho.
Anim na buwan ang lumipas at nakatakda nang maging regular na empleyado itong si Evelyn. Sa sobrang pagkaabala sa kaniyang mga ginagawa, nakalimutan pa nga niyang iyon na ang araw na siya ay magiging regular na at mabibigyan na ng pagkakataong makapag-aral nang libre. Napansin iyon ni Mara, kaya naman naisipan niyang bumili ng cake at sorpresahin ang kaibigan sa opisina bilang pagbati sa pagiging regular nitong empleyado.
Nakangiti pa ang babae habang umaakyat patungo sa kanilang palapag, ngunit lahat nang iyon ay naglaho nang makita niyang nagdidiwang ang lahat. Nakatayo si Evelyn sa gitna habang pinalilibutan ng kanilang mga boss at katrabaho.
“Congratulations, Evelyn! Sa ipinakita mong husay sa trabaho, talaga namang pinahanga mo kami. Kaya naman bukod sa pagiging regular mong empleyado ngayong araw, napagdesisyunan naming ipo-promote ka na namin bilang head ng department na ito!” pagbati ng mismong may-ari ng kompanya na si Mr. De Luca kay Evelyn.
Nanlaki ang mata ni Mara sa kaniyang narinig. Limang taon… Limang taon na siyang nagtatrabaho sa kompanyang iyon, pero hindi pa siya napo-promote ni isang beses! Kumirot ang kaniyang puso na tila ba nilamon na ng inggit at galit sa kaibigan. Hindi na siya nagpakita kay Evelyn at tumalikod na lamang sabay lakad papasakay sa elevator. Ibinato niya ang cake na hawak sa basurahan dala ng matinding emosyon na kaniyang nararamdaman. Tinawagan niya ang isa pa niyang kaibigan sa Maynila at agad nakipagkita sa malapit na bar doon.
“Grabe! Five years, Bea, five years! Limang taon na ako sa opisinang ‘yon, tapos naungusan pa niya ‘ko?! Ang nakakapikon pa, AKO ang nagpasok sa kaniya sa trabaho dahil nga walang tumatanggap sa kaniya. Isinusuka siya ng ibang kompanya dahil ‘di siya nakapagtapos. Tapos biglang ganito?! Sh*t naman, it’s so unfair!” gigil na gigil na sambit nitong si Mara habang lumalagok ng alak kasama ang kaibigang si Bea.
“E baka naman deserve niya? Magaling naman ata e,” sagot ni Bea na halatang nag-aalala na sa kaibigan. Galit na galit kasi ito at ngayon lang niya nakitang nagkaganoon.
Matalim at nagbabagang titig ang isinagot ni Mara sa kaniya. Dala ng takot, dahil kilala niyang gusto ni Mara na kinakampihan siya kapag ito’y naglalabas ng sama ng loob, naisipan na lang ni Bea na sakyan ito.
“Hmm… Paano ba? What if akitin mo yung boss niyo? Nako, for sure, kapag may nangyari sa inyo, hindi ka lang mapromote as head. Baka gawin ka pang stockholder ng kompanya, sis!” suhestiyon ni Bea sa kaibigan. Alam niyang hinding-hindi iyon gagawin ni Mara at inaasahan niyang tatawa lang ito sa sinabi niya, ngunit kinilabutan siya nang makitang napangisi ito.
Bigla na lamang tumayo ang dalagang halatang lango na sa pag-inom ng alak at saka kinuha ang kaniyang bag.
“Sige, sis, salamat sa oras at payo mo. Uwi na ‘ko, hilo na ata ako at antok na rin,” paalam ng babae kay Bea.
Sinubukang pigilan ni Bea ang kaibigan at inalok na ihahatid na lamang pauwi sa kaniyang apartment ngunit mariin itong tumanggi. Wala na siyang nagawa dahil agad itong sumakay ng taxi pagkalabas ng bar.
Alas onse pa lamang ng umaga noon. Nagpahatid si Mara sa kanilang opisina habang may tama ng alak. Walang ano-ano’y dumiretso siya sa palapag ng opisina ng kanilang boss. Nakita niya itong nakaupo at abala sa pagtipa sa kaniyang kompyuter.
“Hi sir, how are you?” wika ni Mara, halatang-halata sa itsura niyang siya ay nakainom.
Bakas sa mukha ng lalaki ang labis na pagtataka. Laking gulat niya nang bigla na lamang nitong hatakin ang kaniyang kwelyo at saka mariing hinalikan sa labi. Tuwang-tuwa naman si Mara dahil gumanti ng halik ang kaniyang boss. Ginawa niya ang lahat-lahat upang makasigurong may mangyari sa kanila sa mga oras na iyon mismo. Hindi nga siya nagkamali dahil sinunggaban agad ng kaniyang boss ang pagkakataong iyon hanggang sa nangyari na nga ang nais niya. Sa isip-isip niya’y tagumpay ang plano niya!
Makalipas ang kalahating oras, nagbihis na si Mara. Bago pa lumabas ng silid ng kaniyang boss, bumulong pa ito sa lalaki. “Salamat, Mr. De Luca. Alam kong nag-enjoy ka. Kung gusto mong maulit ito, i-promote mo ako. Sisiguraduhin kong araw-araw kang maligaya,” aniya sabay kindat pa sa lalaki. Naglakad na siya palabas ng pintuan.
Pagbalik niya sa kaniyang istasyon, agad siyang nilapitan ni Evelyn. Kahit may poot pa rin siyang nararamdaman para rito, wala na siyang pakialam dahil alam niyang ilang araw lamang ay magiging mas mataas pa ang posisyon niya sa kinaiinggitang kaibigan.
“Besh, late ka ngayon ha. Saan ka galing? Maaga akong umalis kanina at ‘di na kita ginising kasi napakaaga pa,” bati ni Evelyn sa kaniya.
“Sumakit lang ang tiyan ko kaya na-late ako. Congrats nga pala sa promotion mo ah!” ani Mara, nagpapanggap na masaya para sa kaibigan.
“Uy, salamat! Utang ko ang lahat ng ito sa’yo. Iniimbitahan nga tayo ni Mr. De Luca mamayang gabi, may salo-salo raw sa restawran na pag-aari nila. Maaga nga siyang umalis kasi may aasikasuhin pa raw siya sa isa niyang negosyo, pero magkita-kita raw tayo doon mamaya. Sama ka ha? O siya sige, naghihintay sa office ni Mr. De Luca ‘yong pinsan niya e,” sagot ni Evelyn sa kaniya.
Nagpanting ang tainga ni Mara.
“Ano kamo? Pinsan? Pinsan ni Mr. De Luca?”
“Oo. Naku, bago umalis si Mr. De Luca, ang sabi sa akin ito raw ang unang assignment ko bilang head. Itong pinsan daw kasi niya na ito, napaka-pasaway raw at dating gumagamit ng bawal na gamot. Kalalaya nga lang daw niyan dahil ang dami daming gulong kinasangkutan. Black sheep nga raw ng pamilya nila. Pero bibigyan daw niya ngayon ng pagkakataon. Kaya bilang head, iinterview-hin ko siya ngayon. Pinakamababang posisyon lang daw muna kasi kahit elementarya e ‘di nakapagtapos e,” lahad ni Evelyn sa kaibigan.
Natulala naman siya sa narinig at talaga namang kinilabutan. Kaya pala kamukhang-kamukha ni Mr. De Luca ang lalaki dahil pinsan niya ito! Kaso’y wala naman siyang mapapala!
Bago pa makaalis si Evelyn ay nagulat siya nang bigla na lamang napasalampak itong si Mara sa sahig habang humahagulgol.
“Hala, uy! Ayos ka lang ba, besh? Besh!” pag-aalala ni Evelyn kay Mara.
Hindi na kinaya pa ni Mara kaya’t ipinagtapat na niya ang lahat kay Evelyn.
“B- bakit mo naman ako kaiinggitan? Bukod sa posisyon ko sa trabahong ito, anong mayroon ako na wala ka, Mara? May kaya ang mga magulang mo at nakakariwasa kayo, wala kang mga kapatid na nakaasa sa’yo para makakain sa araw-araw, marami kang mga kaibigan na tapat at nagmamahal sa’yo… E ako, anong mayroon?” umiiyak nang sambit ni Evelyn.
“Dahil sa oportunidad at suporta na ibinigay mo sa akin, nagkaroon ako ng pagkakataong makapagbigay agad sa pamilya kong kumakalam ang sikmura. Nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-aral. Lahat nang iyon ay utang ko sa’yo, Mara. Pero bakit kailangan mo pa akong kainggitan?” dagdag pa nito.
Nagulat ang dalawa nang biglang sumabat sa kanilang madamdaming pag-uusap ang isa sa mga pinakamatatandang empleyado roon, ang tinatawag ng karamihan na si Mommy Nadia.
“Alam mo, hija, ang totoo niya’y sa limang taong pagtatrabaho mo rito kumpara sa anim na buwan ni Evelyn, mas marami pa siyang nagawa kumpara sa iyo. Hindi sa ibinababa kita, pero tila naging kampante ka na dahil alam kong nakakariwasa ka at ‘di mo kailangan nga pera. Pero napapansin kong pumapasok ka na lamang pero halatang wala kang pagmamahal at dedikasyon sa trabaho mo. Kabaligtaran iyon nitong ipinakikita ng kaibigan mo. Kaya payo ko lang, ‘wag mo siyang kainggitan, gawin mo siyang inspirasyon at gabay para umangat ka sa kompanyang ito,” pahayag ni Mommy Nadia sa dalawang dalaga.