Sabik sa Kasikatan ang Babae; Ginawa niya ang Lahat upang Makamit ito Kahit ang Manggamit ng Ibang Tao

Sabik sa Kasikatan ang Babae; Ginawa niya ang Lahat upang Makamit ito Kahit ang Manggamit ng Ibang Tao

KarmaStoriesSuccess

“Alissa, totoo ba na sinisiraan ka ng mga fans ni Kyla?” curious na tanong ng isang interviewer kay Alissa, matapos mag-viral ang isang post kung saan galit na galit sa kaniya ang fan ng isa sa pinakasikat ngayong vlogger na si Kyla.

“Totoo po iyon. Pero, okay lang. Siguro, totoo nga pong wala akong talent at dapat tumigil na ako sa vlogging,” mangiyak-ngiyak namang sagot ni Alissa sa interviewer.

Sa naturang viral post ay inihayag ng isang fan ang pagiging inggitera kuno ni Alissa sa vlogger na si Kyla dahil nga sikat na sikat ito, hindi katulad niya. Lumaki ang naging issue dahil marami sa mga netizen ang kumampi sa kaniya laloʼt purong mga below the belt ang sinasabi ng naturang fan ni Kyla, slash, basher ni Alissa. Isa pa ay sinabi nitong hindi siya bagay maging isang vlogger dahil pangit siya at walang talent. Ngayon tuloy ay si Kyla ang bina-bash ng netizens. Ayon sa kanila, bilang isang social media influencer, dapat ay alam ni Kyla kung paano disiplinahin ang kaniyang mga fans. May nagsabi pa nga na mas deserve naman daw ni Alissa na sumikat kaysa kay Kyla na ang mga ipino-post na videos ay tungkol sa pangangalaga ng kalikasan. Si Alissa kasi ay make-up vlogger naman.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, si Alissa lamang din naman ang gumawa ng sarili niyang issue upang idikit ang pangalan niya sa sikat na vlogger at nang makasabay siya sa kasikatan nito. Ibig sabihin, siya lamang din ang may-ari ng kunwaring fan account ni Kyla upang siraan ang kaniyang sarili.

“Friend, seryoso ka ba sa ginagawa mo?” dismayadong tanong ng bestfriend ni Alissa na si Denny. “Bakit sinisiraan mo ang sarili mo? Ikaw ang mapapahamak diyan sa ginagawa mo!” Sinubukan ni Denny na patigilin siya.

“’Wag ka ngang makialam!” sagot naman ni Alissa, “good or bad publicity, is still publicity, friend. Sisikat ako kahit pa masama ang sinabi ko sa sarili ko. I will get sympathy from the netizen, at si Kyla? Siya ang masisisi at babagsak.”

Tila nahintakutan ang kaibigan ni Alissa sa sinabi niya at nanlaki ang mga mata nito. “Parang hindi na kita kilala, friend. Sana, huwag kang magpalamon sa kagustuhan mong sumikat.”

“Ewan ko sa ʼyo. Kaibigan kita, ʼdi ba? Dapat, sinusuportahan mo ako!” galit nang ani Alissa sa kaibigan. Paanoʼy kontra ito nang kontra sa kaniya!

“Friend, naniniwala kasi ako sa karma. Tandaan mo sana, kung saang hagdan ka dumaan habang umaakyat, doon ka rin babalik habang bumababa.”

Ngunit hindi siya nakinig sa paalalang iyon ng kaibigan. Ipinagpatuloy ni Alissa ang ganoon niyang gawain at bukod pa roon ay parang kinalimutan niya na rin ang kaniyang mga kakilala noong siyaʼy makatikim na ng kasikatan. Maging ang kaniyang bestfriend, na siyang tanging nakakaalam ng kaniyang sikreto ay dinispatsa na niya. Mataas na kasi ang tingin niya sa kaniyang sarili at wala na siyang iniisip pa kundi ang sarili niya at ang kaniyang labis na kasikatan.

Lingid sa kaalaman ni Alissa ay recorded pala ang naging usapan nilang iyon ng kaniyang bestfriend. Nagpasiya itong ilabas ang baho niyang iyon nang makita nitong sumusobra na siya sa kaniyang mga gawain.

“Alissa, oh em gee! Viral ka ngayon. Naka-video ka pala habang nag-uusap kayo ng bestfriend mo noon tungkol sa kung paano mo nakukuha ang publicity! Galit na galit sa ʼyo ang mga netizen at gusto na nilang i-turn down mo ang channel mo! Si Kyla? Gusto kaniyang kasuhan ng cyber libel dahil sa ginawa mo!”

Tila nabingi si Alissa sa narinig na iyon mula sa kaniyang pinsan, pagkagising na pagkagising niya pa lang nang umagang iyon. Agad niyang kinuha ang kaniyang cellphone upang i-check kung totoo nga ang sinasabi nito at halos matulala siya nang makumpirma ang nangyari!

Punong-puno ng hate comments, hate posts at hate messages ang kaniyang mga social media accounts, habang ang kaniyang channel ay halos maubusan na ng followers! Nanlumo si Alissa sa nalaman. Sa isang iglap lang, lahat ng kaniyang pinaghirapan ay naglaho nang parang bula. Ngayon ay may posibilidad pang makulong siya!

Wala nang nagawa pa ang dalaga kundi ang humagulhol at pagsisihan ang kaniyang mga kasalanan. Totoo nga ang sinabi ng kaniyang kaibigan noon at naiinis siya sa sarili dahil hindi niya ito pinakinggan noon.

More Stories