Inday TrendingInday Trending
Hinihingi Ko Ba ang Opinyon Mo?

Hinihingi Ko Ba ang Opinyon Mo?

“Hindi ‘yan allergy sa pagkain. Simpleng bungang-araw lang yan!” pagsingit ni Aling Soreng sa isang tumpukan ng mga nag-uusap na nanay habang siya ay nagsasampay.

Kilalang-kilala itong si Aling Soreng sa kanilang lugar na daldalera. Kahit kasi hindi siya hinihingan ng opinyon ay lagi siyang may komento. Madalas mainis sa kaniya ang mga tao sapagkat sa paningin ni Aling Soreng ay laging tama ang kaniyang mga sinasabi.

“Hindi ho, Aling Soreng. Napatignan ko na po itong si Junior sa doktor at hindi daw bungang-araw,” sagot naman ng nanay ng bata. “Naku! Nagpapapaniwala ka sa mga doktor na ‘yan! Ang gusto lang ng mga ‘yan ay kumita sila. Kaya sila magrereseta ng mga gamot ay para pagkalipas ng ilang araw ay babalik ka sa kanila ulit upang magpasuri. Kayong mga nanay, wala kasi kayong alam kung hindi dalhin sa doktor ang mga anak ninyo!” nakaismid na wika ng matanda.

“Ang hirap kausap niyang si Aling Soreng, ano? Walang tama sa kaniya kung ‘di ang mga sinasabi niya. Hindi ko na lang pinapatulan dahil nga matanda na,” wika ng nanay ni Junior.

“Pabayaan mo na ‘yang si Aling Soreng. Isang araw ay may makakatapat din ‘yan,” tugon naman ng isa pang nanay.

Patuloy sa ganitong gawain si Aling Soreng. Madalas ay makikita mo siya sa labas ng kaniyang bahay na parang naghihintay ng mapagbibigyan niya ng komento.

“Inilalabas mo pa ‘yang bata. Tignan mong napakainit ng panahon!” sita ni Aling Soreng sa isang kapitbahay kahit na hindi naman ganoon kainit at nakapayong naman ang mga ito.

“Hoy, ‘yan namang sinampay mo hindi matutuyo ‘yan kapag ganiyan ang paraan mo ng pagsasalansan!” sambit ni Aling Soreng sa isa pa niyang kapitbahay na nagsisimula pa lamang magsampay.

“Bakit ganiyan mo diligan ‘yang halaman ninyo? Malulunod ‘yan kapag ganiyan!” muli niyang paninita sa isa pang kapitbahay na unti-unti namang nagdidilig ng mga halaman.

Halos sawang-sawa na ang mga kapitbahay niya sa kaniyang bunganga.

“Siya na lang kaya ang gumawa, ano? Tutal lahat naman ng ginagawa natin ay mali para sa kaniya.” bulong ng isang babae kapitbahay niya.

Isang araw may dumaan na mag-ama sa harapan ng bahay ni Aling Soreng. Ang bata ay nasa sampung taong gulang na at hawak-hawak siya ng kaniyang ama. Walang patid sa pagkamangha ang bata sa lahat ng kaniyang nakikita.

“Papa, tignan po ninyo ‘yung mga dahon, gumagalaw!” tuwang-tuwang sambit ng bata. “Oo, anak, hinahangin kasi,” nakangiting tugon naman ng ama.

“Papa, tignan po ninyo naman ‘yong ulap, o! Gumagalaw din po!” Walang mapaglagyan ang galak ng bata. “Oo, anak, parang sumasabay ang ulap sa atin, ano?” tugon muli ng ama.

Napansin ni Aling Soreng ang mag-ama. “Ilabas mo rin ‘yang anak mo kahit paminsan-minsan para nalalaman niya kung ano ang makikita sa palagid,” medyo natatawang sambit ng matanda.

Tila walang narinig naman ang ama ng bata. Hindi na lamang niya pinatulan ang sinabi ni Aling Soreng sapagkat hangga’t maaari ay ayaw niyang makipagdiskusyon dito.

Ilang araw na palaging ganoon ang nangyayari. Sa tuwing dadaan ang mag-ama sa tapat ng bahay ng matanda ay lagi itong may nasasabi sa anak nito.

Isang hapon nung muli silang natapat sa bahay ni Aling Soreng ay tuwang-tuwa ang bata na makakita ng isang paru-paro.

“Papa! Papa! Ayun po ba ang tinatawag na paru-paro?” inosenteng tanong ng bata. Agad namang sinagot ng mahinahon ng ama ang tanong. “Oo, anak, ‘yan nga ang paru-paro,” magiliw na tugon nito sa anak.

“Papa, tignan ninyo po at lumalapit ang paru-paro sa mga bulaklak,” muling sambit ng bata. “Anak, ang tawag sa bulaklak na ‘yan ay santan.” paliwanag ng ama.

Marami pang tinanong ang bata ngunit agad naman itong sinasagot ng kaniyang ama.

Hindi na naman napigilan ni Aling Soreng ang kaniyang bunganga. “Bakit hindi mo patignan ang pag-iisip ng iyong anak. Sa aking pakiwari ay nasa sampung taong gulang na siya. Hindi pa rin niya alam ang itsura ng mga bagay-bagay? Baka naman may sakit sa pag-iisip ‘yang anak mo!” sambit ng matanda.

Pinipigilan ng lalaki ang kaniyang sarili sapagkat sa pagkakataong ito ay napipikon na siya sa mga komento ni Aling Soreng. Hindi naman sila lubusang magkakilala pero kung makapagsalita ito ay parang sigurado siya na may sakit sa pag-iisip ang kaniyang anak.

Muling nagpatuloy sa mga sinasabi niya si Aling Soreng. “Siguro ay hindi naipagbuntis ng tama ‘yang bata na ‘yan kaya hindi naging maganda ang pag-unlad ng isip niya, ano? Baka hindi uminom ng bitamina ang kaniyang ina.”

Hindi na naiwasang sumagot ng lalaki sa masasakit na opinyon ng matanda.

“Mawalang galang po sa inyo ngunit hindi ko na po kayang ipagwalang bahala ang mga opinyon ninyo tungkol sa akin, sa anak ko at sa aking asawa. Pasensya na ho kayo kung naiirita kayo sa pagiging inosente ng anak ko. Ngunit bata pa lamang siya nang mawalan siya ng paningin. Ang asawa ko naman po ay sumakabilang buhay na dahil sa isang aksidente sa sasakyan. Napagdesisyunan namin na ilagay sa bata ang kornea ng kaniyang ina upang bigyang tyansa naman ang aking anak na makakita. Kaya ho ganito kainosente ang aking anak ay dahil ngayon palang niya nagagamit ang kaniyang paningin. Lahat ng kaniyang nakikita ay bago pa lamang sa kaniya. Kaya mawalang galang po muli sa inyo. Hindi ninyo po kami kilala at hindi po namin hinihingi ang inyong mga opinyon kaya marapat lamang po sana ay itikom ninyo ‘yang bibig ninyo kung wala po kayong magandang masasabi,” pinipilit ng lalaki na maging magalang pa rin kahit na inis na inis na siya sa pangit na opinyon ng matanda.

Gulat na gulat naman si Aling Soreng sa malupit na dinanas ng mag-ama. Hiyang-hiya siya sa kaniyang mga nasabi. Ang akala kasi niya ay laging tama ang kan’yang opinyon. Mabuti na lamang sa pagkakataong ito ay mayroong nagparamdaman sa kaniya ng kaniyang kamalian. Nanghingi siya ng pasensya sa mag-ama at mula noon ay hindi na siya nagbigay pa ng kahit anong opinyon kung hindi naman ito hinihingi ng iba at naging magalang na rin siya sa pagsasalita sa kaniyang kapwa.

Advertisement