Inday TrendingInday Trending
Wala ng Martir Ngayon

Wala ng Martir Ngayon

Mahilig mambabae ang mister ni Jacky na si Danilo. Sa loob ng labindalawang taon ng kanilang pagsasama ay hindi na mabilang sa darili ang mga ibang naging karelasyon ng asawa. Wala namang ginawa si Jacky kung ‘di patawarin nang patawarin ang mister sapagkat ayaw niya raw magkaroon ang kaniyang mga anak ng hiwalay na mga magulang.

“Hindi ka ba nagsasawa sa asawa mo, ate?” naiinis na tanong ng nakababatang kapatid ni Jacky na si Marlyn. “Diyos ko po, tuwing ikaapat na buwan yata kung magpalit ng babae ‘yang asawa mo. Hihingi ng tawad kapag nahuli mo tapos ikaw naman itong si t*nga patatawarin mo naman. Wala kang awa sa sarili mo!” nayayamot na wika ni Marlyn.

“Kapag nagkapamilya ka na rin, Marlyn, ay maiintindihan mo ako. Mahirap magkaroon ng sirang pamilya. Paano na lamang ang mga pamangkin mo kung lalaki sila na walang nakikitang ama,” pagpapaliwanag naman ni Jacky.

“Una sa lahat, ate, kung ako ay magkakapamilya ay hindi ako maghahanap ng lalaking kagaya niyang asawa mo. Walang awa at pakiramdam niya sa kaniyang sarili ay napakagwapo! Tsaka hayaan mong walang makitang ama ‘yang mga pamangkin ko. Mas mainam pa ‘yon kaysa makita nilang niloloko ka ng harap-harapan. Baka makita mo na lang hindi ka na nirerespeto niyang mga anak mo,” patuloy ang kuda ng nakababatang kapatid.

“Basta ako, ate, kung ako sa’yo ay hiwalayan mo na ‘yang si Kuya Danilo kung hindi pa tuluyang magbabago. Kung hindi mo kaya ay ipagtatayo na lamang kita ng rebulto sa Luneta!” galit pa ring sambit ng dalaga.

Sa totoo lamang ay ilang beses ng tinangkang iwan ni Jacky ang kaniyang asawa. Ngunit wala siyang magawa sapagkat mabuti naman ang pakikitungo ni Danilo sa kanilang mga anak. Hindi naman siya nagkukulang sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga ito. Sa katunayan ang lahat ay nag-aaral sa mga magagandang paaralan at hindi rin naman sila nagkukulang sa panggastos. Madalas niya lang hindi matagpuan ang mister sapagkat madalas itong naglalagi sa kaniyang mga kerida.

“Hindi ko nga alam kung ano ang nagugustuhan ng mga babae riyan sa asawa ko. Siguro ay hinahainan niya lagi ng mga regalo at salapi ang mga ‘yon kaya mabilis kumagat. Halos mga dalaga kasi ang nahuhumaling sa kaniya,” kuwento ni Jacky sa kaniyang kapatid.

“Naku, ate, baka mamaya pala ay mahawa ka ng sakit diyan sa asawa mo, ha! Mag-ingat ka!” pagpapaalala ni Marlyn sa kaniyang ate.

“Hindi na kami nagtatabi ng Kuya Danilo mo. Matagal na panahon na. Alam ko naman na nawalan na rin siya ng gana sa akin sa kama. Madalas nga niyang ipamukha sa akin na losyang na ako at hindi na kaaya-aya sa kaniyang paningin. Nasasaktan man ako ay tinatanggap ko na lamang. Baka nga kasi totoo ang mga ‘yon. Hindi naman talaga ako nakakapag-ayos ng aking sarili at tumatanda na rin ako,” nalulungkot na pahayag ni Jacky.

“Ngunit hindi sapat na rason iyon, ate, para mambabae siya! Kung ako talaga sa’yo ay palayain mo na siya upang mapalaya mo na rin ang sarili mo!”

Ilang araw matapos ang pag-uusap na iyon ng magkapatid ay biglang umuwi si Danilo at may dala itong babae.

“Dito na titira si Layla. Siya na ang bago kong asawa. Kung gusto mong manatili dito ay manatili ka. Kung hindi mo naman siya matatanggap ay umalis ka na dito kasama ang mga anak natin!” mariing sambit ni Danilo sa asawa.

“Ang kapal ng mukha mo! Hindi ka pa nakuntento na mambabae ng ilang beses. Talagang iniuwi mo pa dito sa bahay natin! Walang kasing itim ang budhi mo! Huwag kang mag-alala. Aalis kami ng mga anak mo! Magpakasasa kayo rito niyang babae mo! Parehas kayong mga wal*nghiya!” halos maputulan ng litid si Jacky sa pagsigaw habang nag-iiyakan naman ang kanilang mga anak.

Nakituloy ang mag-iina sa bahay ni Marlyn.

“Ayan ang sinasabi ko sa’yo, ate. Buti naman ay natauhan ka na! Hayaan mo na ‘yang asawa mo. Tutal naman ay alam mo na kung sino ang pinili. Nasaan ang sinasabi mong mabuting ama ngayon?” panunumbat ni Marlyn sa kaniyang ate.

Umabot rin ng ilang taon ang panunuluyan nila Jacky kasama ang nakababatang kapatid. Nagsilakihan na rin ang kaniyang dalawang anak na may sama ng loob sa kanilang ama.

“Sa totoo lang, ma, kung puwede lang akong magpapalit ng aking apelyido ay ginawa ko na. Ayokong maiugnay sa lalaking ‘yon sa kahit na anong paraan,” wika ng panganay ni Jacky.

“Huwag ka namang magsalita ng ganiyan, anak. Tatay mo pa rin siya. Ipagdasal mo na lang na isang araw ay malinawan ang kaniyang isipan,” mahigpit na paalala ni Jacky sa anak.

Isang araw ay bigla na lamang silang nagulat nang makita nila si Danilo sa gate ng kanilang tinutuluyan.

“Anong kailangan mo?” pasigaw na tanong ng panganay nilang anak.

“Wala kang pamilya rito kaya makakaalis ka na!” pagtataboy nito sa kaniyang ama.

“Gusto kong makausap ang iyong ina,” pakiusap ni Danilo. “Para ano? Para bilugin na naman ang ulo niya?” patuloy ang anak sa pagtataboy sa ama.

Nang makita ni Jacky ang nangyayari ay agad niyang inawat ang kaniyang anak. “Anak, huwag mong ganiyanin ang papa mo. Hindi ganiyan ang pagpapalaki ko sa’yo!” sigaw ni Jacky habang inaawat ang kaniyang anak.

Nang kumalma naman ang lahat ay tinanong ni Jacky ang asawa, “Ano ba ang ginagawa mo rito, Danilo? Gusto mong makita ang mga bata? Bigyan mo sila ng panahon upang gustuhin rin nila na makita ka. Marami na ang nagbago. Sanay na ang mga bata na wala ka,” tuluy-tuloy na wika ng ginang. “Ikaw ang pinunta ko rito, Jacky. Alam kong mahal mo pa ako. Muli mo sana akong tanggapin,” pagpapakumbaba ni Danilo sa kaniyang asawa.

“May sakit ako, Jacky. Iniwan na ako ni Layla at sumama na siya sa ibang mas bata sa akin. Malungkot ang bahay. Nag-iisa lamang ako. Gusto ko sana kayong muling makasama,” patuloy niyang sambit.

Kita sa mukha ni Jacky ang awa sapagkat napalitan ang kaninang tapang ng kaniyang mukha ng panlulumo. Gusto mang tanggapin ni Jacky ang alok ni Danilo upang mabuo muli ang kaniyang pamilya ay naalala naman niya ang lahat ng pasakit na naidulot ng kaniyang asawa. Naalala niya ang sandali nung pinagtabuyan sila ni Danilo sa kanilang sariling pamamahay upang makasama ang kaniyang kalaguyo.

“Ngayong ikaw ay may sakit tsaka ka babalik sa akin? Ang tapang ng apog mo! Ang lahat ng lakas mo ay inubos mo sa iyong pambababae. Tapos ngayong na para ka nang nauupos na kandila ay bigla mo na lamang gustong buuin ang pamilyang ikaw mismo ang sumira. Danilo, hindi ako tau-tauhan mo na babalikan mo lamang kung ikaw ay wala ng pagpipilian. Hindi mo naisip ang pamilya nating pilit kong binubuo noon. Pinatawad kita kahit ilang beses kang nagkamali. Pero hindi na ako t*nga. Hindi mo na mabibilog ang ulo ko. Kung nalulungkot ka man ngayon sapagkat ikaw ay nag-iisa ay kasalanan mo ‘yan. Mas pinili mo ang tawag ng laman kaysa sa sarili mong dugo. ‘Yan ang kapalaran mo. Kung masasawi kang mag-isa ay masasawi kang mag-isa pero hindi mo na kami magagamit pa ng mga anak mo. Kaya makakaalis ka na!” matapang na sambit ni Jacky. Hindi rin siya makapaniwala sa kaniyang mga nasabi sa manlolokong asawa.

Sising-sisi naman si Danilo sa kaniyang mga nagawa. Huli na nang mapagtanto niya na sinayang lamang niya ang kaniyang buhay sa kaniyang pambababae kaya ngayon ay wala na siyang pamilyang mauuwian at maaari pa siyang bawian ng buhay na malungkot at nag-iisa.

Advertisement