Grabeng Magyabang ang Feeling Mayaman na Dalagang Ito; Pahiya Siya nang Madiskubre ang Itinatago Niyang Lihim

Bagong salta lang sa Maynila si Jane upang doon mag-aral ng kolehiyo. Lumaki siya sa probinsiya sa pangangalaga ng lolo at lola habang ang kanyang mga magulang ay ilan taon na rin namamalagi sa Maynila upang magtrabaho.

Nag-iisang anak lamang si Jane kaya’t napaka-spoiled nito sa magulang. Kung anong magustuhan ay siya namang agad na ibinibigay. Kaya’t kahit laki sa hirap, eh tila ba mayaman kung umasta ang dalaga.

“Nay, gusto ko dito sa dorm na may aircon at swimming pool. Ayoko ng bed space lang ‘no! Ang init-init kaya!” pag-iinarte ng dalaga na tila ba ay hindi laki sa hirap.

“Anak, alam mo naman na baka hindi na sumapat ang kita namin ng tatay mo. Mahal ang matrikula. Tapos napakamahal pa ng eskwelahan na papasukan mo,” malumanay na tugon naman ng ginang.

“E bakit niyo pa ako pinauwi dito? Kung ‘di niyo naman kayang sundin ang gusto ko, uuwi na lang ako ulit sa probinsya!” pagmamaktol pa ng dalaga.

“S-sige, anak. Titingnan namin ng tatay mo kung paano kumita pa ng ekstra na pera,” saad muli ng ale.

Pansamantalang sa isang hotel tumuloy si Jane habang iniintay ang dorm na tutuluyan. Nilimas din niya ang pera ng magulang upang bumili ng bagong mga damit at ibang gamit.

Feel na feel ng dalaga ang paglustay ng perang hindi naman talaga sa kanya. Pero dahil mahal ng magulang, wala silang ibang pwedeng gawin kundi ibigay ang pangangailangan ng anak.

Advertisement

Nagsimula ang klase. Doon nakatagpo si Jane na mga bagong kaibigan.

“Hi! I am Danica, and these are my friends, Aicelle and Jen,” pagbati ng nakangiting babae.

“H-hello… I-I am Jane..” nauutal na tugon naman ng babae.

“Tara kain tayong lunch? Sagot ko since I found new friends naman,” pag-aaya ni Danica.

Napakagalante ni Danica. Kita ang pagiging sosyal nito, ngunit nananatiling mababa ang loob at palakaibigan.

Matapos ang klase, nagkaayaan ang magkakaibigan na pumunta sa isang mall. Doon, nag shopping sila ng ilang mga damit at sapatos. Tila ba medyo nahirapan makisabay si Jane sa yaman ng mga kaibigan, ngunit nais niyang makasama ang mga ito kaya’t nakaisip siya ng paraan.

“Nay, kailangan ko ng ekstrang allowance! Ang mamahal ng mga bilihin dito kasi,” ingit ng dalaga sa kanyang nanay.

“E anak, naibigay ko na lahat ng pera ko sa’yo nung nakaraan. Pero susubukan kong mag cash advance ha?” tugon naman ng ginang.

Advertisement

“Bilisan mo, ‘nay, ha? Kailangan ko kasi talaga!” pagmamadali pa ng anak.

Agad ngang nagpadala ang ginang ng malaking halaga sa anak.

Kinabukasan, pagmamayabang na nagpresinta si Jane na siya naman ang taya sa lunch ng mga kaibigan.

“Sure ka ba, Jane? Okay lang naman kami. May baon rin sila Jen na lunch kaya hindi naman need today, pero we appreciate it naman,” tanong ni Danica.

“Nako, treat ko na! Sumobra kasi ang allowance ko kaya ililibre ko na lang kayo,” pagmamayabang pang muli ni Jane.

Ginastos niya ang perang ibinigay ng ina upang ipakita lamang sa mga kaibigan na galante siya. Gusto rin niya kasi na magmukhang sosyal at mayaman sa mata ng mga kaibigan at ibang tao.

Halos araw-araw ay humihingi na ng pera si Jane sa ina. Namumuhay na ng maluho ang dalaga at tila ba kinalimutan na kung ano ang tunay niyang estado sa buhay.

Isang araw, dumalaw ang in ani Jane sa kanyang dormitory, na labis ikinagulat ng dalaga.

Advertisement

“Nay! Anong ginagawa mo rito?! Bakit ‘di ka man lang nagsabi?” pabulong na sabi ni Jane na may halong pagkainis sa tono ng boses.

“Gusto lamang sana kitang kumustahin. Namili kasi ako sa palengke. Nakakita ako ng prutas kaya dinalhan kita,” sabi pa ng ginang na halatang pagod galing sa pamimili.

“Sa susunod magsasabi muna kayo kapag pupunta kayo rito o sa school ko, nay ha? Wag na ‘yung ganitong surprise pa,” inis na tugon ng dalaga.

“S-sorry anak. Gusto lamang din kasi kita makita,” sabi ng ginang na halatang nasasaktan sa sinabi ng anak.

“Sige na. Umalis na kayo! Marami pa akong assignments e,” pagtataboy ng dalaga.

“S-sige anak. Mag-iingat ka palagi ha?”

“Ay teka lang pala, nay! Baka may dalawang libo kayo d’yan, kulang na ang pera ko e,” pahabol na sabi ni Jane.

Matapos ibigay ng ina ang pera, agad na tumalikod si Jane at pumasok sa dormitory niya. Hindi man lang yumakap o nagpaalam sa ina bago ito umalis.

Advertisement

Isang hapon matapos ang klase, nagkita-kita muli ang magkakaibigan.

“Guys, gusto niyo ba ng milk tea? Libre ko!” pasigaw na alok ni Jane sa mga kaibigan.

“Jane, don’t you think it’s a little bit too much? I mean, no offense meant, pero nasa college tayo, kailangan din natin magtipid. Pera ng parents natin yung ginagastos natin,” pahayag ni Danica.

“Na-appreciate naman namin, Jane, pero nakakahiya rin na ikaw ang nanlilibre sa amin,” saad naman ni Aicelle.

“Nako, okay lang! Manager kasi ang mommy ko sa bank, kaya marami akong allowance,” pagsisinungaling pa ni Jane sa mga kaibigan. Lahat ay gagawin niya upang hindi mapag-iwanan.

Hindi na lamang umimik ang magkakaibigan dahil sa ginagawa ni Jane. Nag-aya naman si Danica nang hapon na iyon upang magkaroon ng maliit na salu-salo sa kanila. Birthday kasi ng ama ni Danica.

Pagkarating sa bahay ni Danica, namangha ang lahat nang makita ang mala-mansyong bahay nito.

“Grabe ang laki pala ng bahay niyo!” namamanghang sabi ng isa sa kaibigan.

Advertisement

Tila ba nakaramdam ng pagkainggit si Jane. Tumahimik na lamang siya at sinarili ang nararamdaman.

Pagpasok sa loob, ipinakilala ni Danica ang mga kaibigan sa magulang. Malugod naman silang tinanggap ng mga ito.

“Wait until you see my yaya. Siya nag-alaga sa akin simula pagkabata. Sobrang bait niya,” nakangiting sabi pa si Danica.

Maya-maya’y lumabas ang babae na may edad na, bitbit ang mga pagkain at inumin.

Nanlaki ang mga mata ni Jane sa nakita. Napalunok siya at namutla ng bahagya. Nais na sana niyang tumakbo palabas ngunit parang napako siya sa kinauupuan.

“Everyone, meet my yaya, Yaya Doray! Pinaka-the best yaya in the world!” pagpapakilala ni Danica.

Nagtugma ang mata ni Jane at ni Yaya Doray.

“Jane, anak? Narito ka pala, magkakilala pala kayo ni Danica?” sabik na sabi ng ginang. “Danica, siya yung kinukwento ko sa’yo na anak ko na lumaki sa probinsiya. Napakaliit ng mundo. Magkakilala pala kayo!” tuwang-tuwang sabi pa nito.

Advertisement

“S-si Yaya Doray yung mom mo?” tanong ni Danica.

“Anak ko siya, Danica. Tapos si Mang Kiko mo naman ang tatay niya,” tugon ng ginang.

Hindi naman makakibo si Jane. Labis na hiya ang nadarama niya. Nagsinungaling siya sa tunay na trabaho ng magulang tapos biglang yaya pala ito ng kaibigang pinagyayabangan.

Tumayo si Jane at saka tumakbo palabas, ngunit hinabol siya nila Danica. Nadapa si Jane at natumba. Dahilan para maabutan siya ng mga kaibigan.

“Jane! Sandali!” hingal na sabi ng mga kaibigan.

Tinulungan ng mga ito na itayo si Jane na ngayo’y umiiyak na.

“Alam niyo na ngayon ang lahat! Nagsinungaling ako at hindi ko kayo masisisi kung galit kayo sa’kin!” sigaw ng dalaga.

“Jane, hindi kami galit sa’yo. Oo, nagulat kami pero gusto lang namin malaman yung totoo sana,” sabi naman ni Danica.

Advertisement

“Hindi ako totoong mayaman! Gusto ko lang naman bumagay sa mundo niyo. Gusto kong maging katanggap-tanggap ako!” saad muli ni Jane.

“Pero Jane, tanggap ka namin kahit na sino o ano ka pa. Kahit ano pa ang estado mo sa buhay. You didn’t have to lie about who you are. Hindi ganun kababaw yung pagmamahal namin sa’yo bilang kaibigan.

You know what hurts the most? Laging nagka-cash advance si Yaya Doray para daw sa eskwela ng anak niya. Wala na siyang suswelduhin dahil doon, tapos Jane, ginastos mo lang yun sa kagustuhan na mag fit in. Mas karapat-dapat na sa magulang mo ikaw humingi ng tawad,” pahayag ni Danica.

“Jane, ako, security guard ang papa ko dito tapos OFW naman ang mama ko sa Qatar, pero hindi ako nahihiya na ganun ang trabaho nila,” sabi ni Jen.

“Ang mama ko, DH sa Hong Kong tapos welder naman ang papa ko sa Middle East, pero never ko rin silang ikinahiya…” dagdag pa ni Aicelle.

“Jane, walang masama sa trabaho ng magulang mo. Marangal ito at iyon ang dahilan ng ikinabubuhay mo. Walang mababago sa pagkakaibigan natin. Mas lalo ka namin mamahalin ngayong wala na tayong itinatago sa isa’t isa.

It’s time na kausapin mo na si Yaya Doray and say sorry sa lahat. That way, magiging malaya ka na sa lahat. Mahal ka namin, Jane,” payo naman ni Danica.

Bumalik sila Jane sa bahay nila Danica at doon personal na kinausap ang ina. Ipinagtapat ni Jane ang lahat at humingi ng tawad.

Advertisement

Ngumiti lamang noon si Aling Doray at niyakap ang anak.

“Mahal kita, anak. Sana ay natutunan mo na ang aral sa mga nangyari. Ang tunay na kaibigan, hindi titingnan kung presidente ba o janitor ang magulang mo, tatanggapin ka nila dahil puso mo ang kanilang titingnan,” payo ng ginang kay Jane.

Natutunan ni Jane magpakatotoo at tanggapin ang kanyang sarili dahil doon. Nag apply siya ng part time job upang maging magaan ang binabayaran ng mga magulang at makatulong sa ibang gastusin.

Mas lalong tumatag naman ang pagkakaibigan ni Jane at nila Danica dahil doon. Magandang impluwensya ang mga ito dahil napakaraming mabubuting bagay ang natutunan ni Jane sa mga ito.

Nawa’y kahit ano pa ang estado ng buhay natin, matutunan sana natin na ipagmalaki at tanggapin ito ng buong puso lalo na kung ang mayroon tayo ay bunga ng pagpapagal ng ating mga magulang. Mataas man o mababa ang trabaho ng ating magulang, kung ito’y marangal naman, karapat-dapat lang na sila’y ipagmalaki.

Sa pagkakaibigan naman, ang tunay na kaibigang nagmamahal ay hindi titingnan kung gaano ka kayaman, dahil ang totoong kaibigan, tanggap ka ng buong puso kahit na ano pa ang estado mo sa buhay. Itutuwid nila ang mga nakikita nilang mali at hindi ka itatakwil dahil doon.