Walang Disiplina at Hindi Sumusunod sa Curfew ang Isang Karaoke Bar; Sino nga ba ang Nagmamay-ari Nito?

Ilang araw nang nagrereklamo ang mga tao sa maingay na karaoke bar sa kanilang lugar. Ayon sa pinapatupad na curfew ay hanggang alas dyes lamang ang oras na maaaring mag-ingay. Upang hindi makabulabog sa ibang mamamayang naninirahan sa naturang lugar.

Ngunit sadyang makapal ang mukha ng may-ari ng naturang bar, dahil kahit ala-una na ng madaling araw ay malakas pa rin ang tunog ng karaoke nito.

“Naiinis na nga ako sa karaokehan na iyan e. Ilang beses nang inireklamo ang bar na iyan, ngunit wala namang umaaksyon,” naiinis na wika ni Aleng Tinang.

“Palibhasa kasi, Tinang, si chairman daw kasi ang may-ari ng bar na iyan, kaya malalakas ang loob ng mga tauhan. Hindi nila naiisip na nakaka-istorbo na sila ng mga kapitbahay nila,” nakaismid na sagot ni Aleng Berna.

“Mga abusado talaga! Palibhasa malakas ang kapit!” inis na wika ni Myrna.

“Okay lang naman kung mag-ingay sila’t mambulabog kung ang gaganda ng boses ng kumakanta! Susmaryosep! Masakit sa tainga ang mga kumakanta, wala pa sa tono,” lukot ang mukhang wika ni Tinang.

“Sinabi mo pa, Tinang! Kaya sana nga may umaksyon na sa bar na iyan. Ilang buwan ng nambubulabog ang bar na iyan e. Ang asawa ko, hindi na nakakatulog nang maayos dahil sa ingay nila gabi-gabi,” wika ni Myrna.

“Naisip ko lang, Tinang. Subukan kaya nating isumbong ang bagay na iyan kay Ma’am Jessica. Hindi ba’t isa siyang pulis? Baka matulungan niya tayo,” ani Berna.

Advertisement

“Matagal ko nang naiisip ang bagay na iyan, Berna. Kaso nahihiya akong lumapit sa kaniya e. Baka kasi kaalyado niya si chairman. Baka mapahiya lang tayo,” dismayadong wika ni Tinang.

Mahirap kapag isa ka lang taong ultimo. Wala kang kakayahang magreklamo sa mga taong sa tingin nila’y nasa itaas, kagaya ni chairman na may-ari ng bar. Mga walang sentido kumon, hindi man lang nila naiisip na may mga tao silang naiistorbo.

“Magandang umaga po, Ma’am Jessica,” nakangiting bati ni Myrna. “May nais lang po sana akong ihingi ng tulong sa inyo, ma’am,” nahihiyang panimula ni Myrna.

Nagbakasakaling baka sa pamamagitan ni Ma’am Jessica ay mawala na ang pino-problema nila sa kanilang barangay.

Makalipas ang isang Linggo ay nagulat na lamang ang lahat ng biglang natahimik ang kanilang lugar. Nawala na ang maingay na karaoke bar. At nabalitaan na lamang nilang naipasara na ito.

“Sinong naglakas loob na ipasara?” Takang tanong ni Tinang.

“Hindi ko nga rin alam. Pero sa totoo lang, payapa ang tulog ko kagabi kasi wala nang nag-iingay,” nakangising wika ni Berna.

“Si Ma’am Jessica, yata ang nagpasara sa bar ni chairman,” ani Myrna.

Advertisement

Sakto namang dumaan si Ma’am Jessica, kaya sabay-sabay nila itong binati. Agad namang ngumiti ang babaeng pulis at ibinalik sa kanila ang masiglang pagbati na kanilang ibinigay.

“Magandang umaga rin. Maayos na ba ang tulog niyo kagabi?” Nakangiting tanong ni Jessica.

“Opo, Ma’am Jessica, sobrang ganda at payapa dahil wala nang maingay,” nakangiting sagot ni Berna.

“Mabuti naman.”

“Kayo po ba ma’am ang nagpasara sa bar ni chairman?” Tanong ni Tinang.

“Hindi naman ako mismo, pero ako ang naging instrumento,” ani Jessica. “Nang nilapitan ako ni Myrna, nagkaroon ako ng pagkakataong ipahayag sa mga kumander ko ang problema sa lugar natin. Si Myrna ang kasama ko upang patunayan na may abusadong may-ari ng bar nga talaga sa lugar natin.

Dahilan upang pag-tuunan iyon ng pansin ng mga kasamahan ko. Bilang isang pulis ay ayokong mag-reklamo, hangga’t wala namang nanghihingi sa’kin ng tulong. Iniisip ko kasi na baka isipin ng ibang inaabuso ko ang aking propesyon, kaya hangga’t maaari ay ayokong magsumbong ng magsumbong.

Kaya nga nagpapasalamat ako’t nagkalakas loob si Myrna na humingi ng tulong sa’kin. Kaya natulungan ko siyang pakiusapan ang mga taong pwedeng tumulong rin sa’kin sa problema natin. Ang mahalaga naman ngayon ay payapa at tahimik na tayo sa gabi,” mahabang paliwanag ni Jessica, dahilan upang maunawaan nila Tinang at Berna ang lahat.

Advertisement

“Maraming-maraming salamat po, Ma’am Jessica. Ang buong akala namin ay kaalyado mo si chairman, kaya hindi kami naglakas loob na hingin ang tulong mo. Mali pala kami. Maraming-maraming salamat sa tulong, Ma’am Jessica,” buong pusong pasasalamat ni Tinang sa pulis na si Jessica.

“Walang anuman iyon, Tinang. Wala akong pinapanigan na kung sinuman, basta ang usapan ay batas. Gaya nga ng sinabi ni Mr. President: No one is above the law. May mga abusado nga lang talagang tao, kagaya ni chairman. Pero marami pa namang mga nagseserbisyong matitino,” wika ni Jessica, saka nagpaalam sa mga ito.

“At isa na po kayo roon, Ma’am Jessica,” sabay na wika ng tatlo.

Salamat at sa pamamagitan ni Ma’am Jessica ay nawala na ang ingay sa lugar nila. Sa wakas ay magiging mahimbing na ang tulog nila sa gabi.

May mga tao talagang akala natin ay walang pakialam sa paligid, ngunit ang totoo’y naghihintay lang pala silang lapitan natin.