Hindi Nag-Atubili ang Binata sa Pagbibigay Tulong sa Isang Aleng Nasagasaan; May Hatid Pala Itong Grasya na Hindi Niya Lubos Inaasahang Mangyayari

Naglalakad si Warren nang makita niyang may isang ginang ang nakaupo sa gitna ng kalsada at namimilipit sa sakit. Sumisigaw ito ng tulong at halata sa mukha ang hindi maipaliwanag na sakit, habang hawak-hawak ang nasaktan yatang balakang.

Mabilis ang mga hakbang na nilapitan ni Warren ang ginang upang alalayan at tanungin.

“Ano pong nangyari sa inyo, nanay?”

“Na side-swift ako ng isang motor. Kaya natumba ako at mukhang masama ang pagkakabagsak ng balakang ko, hijo. Hindi man lang ako hinintuan,” mangiyak-ngiyak na wika ng ginang.

“Hali po kayo. Tutulungan kitang makatayo,” ani Warren at inalalayan nga ang babae.

Mukhang masama nga ang pagkakabagsak nito, kaya habang tumatayo ay umaaray ito. Tumawag siya ng taxi, upang ihatid ang ginang sa ospital upang doon matingnan ang totoong lagay nito.

Binayaran ni Warren ang lahat ng gastos sa ospital maging maayos lang ang ginang. Baka kasi mas lalong lumala ang lagay nito, kapag pinatagal pa ang mga pangangailangang medikal nito.

“Salamat, hijo, sa tulong mo ah. Kung wala ka’y baka na lumpo na ako nang tuluyan,” malungkot na wika ng ginang na nakilala niya sa pangalang Fe.

Advertisement

“May awa po ang Diyos, Aleng Fe. Ako ang naging instrumento upang matulungan kayo. Hayaan ninyo, ipapahanap natin ang drayber na gumawa sa inyo niyan. Mabuti’t hindi malala ang natamo ninyong tama. Paano na lang kung may masamang nangyari sa inyo? Napakawalang konsenya ng taong iyon.”

“Itinawag ko na ang bagay na iyon sa mga anak ko, Warren. Tama ka. Dapat managot siya upang hindi na siya pamaresan pa ng ibang kagaya niyang tumatakas sa mga nagawang atraso,” seryosong wika ni Aleng Fe.

Matapos masiguro ni Warren na maayos na ang lagay ni Aleng Fe ay saka lamang siya umuwi. Nangako ang ginang na hahanapin siya at babayaran sa lahat na kaniyang nagastos.

Hindi na rin naman siya umasang maibabalik pa ang perang nagastos sa pagpapagamot sa ginang. Kusang loob niya itong tinulungan at hindi na naghangad pa ng kapalit.

Habang abala sa pagtatrabaho si Warren bilang isang bartender sa isang sikat na bar, ay bigla siyang tinawag ni Algie, ang kaniyang kasama sa trabaho. May naghahanap daw sa kaniya, ang pangalan ay Mrs. Dela Cruz.

Nagtataka man dahil wala siyang kilalang gano’n ang apelyido’y nilabas niya pa rin ito. Laking gulat niya dahil ang nakita niyang si Mrs. Dela Cruz na sinabi ng kasama ay si Aleng Fe, kasama ang anak nitong lalaki.

“Dito ka pala nagta-trabaho, hijo?” nakangiting tanong ni Aleng Fe.

Hindi niya naisip na mayaman pala ang babaeng kaniyang tinulungan noon. Lahat ng anak nito ay puro propesyonal. May abogado itong anak. May militar at mayroon ding businessman. Lahat ng anak nito’y lalaki. Ang kasama nito ngayon ay ang anak nitong abogado.

Advertisement

“Ang totoo’y naparito kami upang pasalamatan ka sa kabutihang ginawa mo sa mama ko. Utang niya sa’yo ang buhay niya ngayon. Hindi pa rin siya nakaka-recover sa nangyaring pagbunggo sa kaniya, kaya hanggang ngayon ay naka-wheel chair pa rin siya. Pero atleast alam kong darating ang araw na gagaling rin siya,” wika ni Simon, ang anak ni Aleng Fe.

“Nga pala, hijo, nahuli na nila ang drayber na bumangga sa’kin. Akala niya makakaligtas siya sa mga anak ko,” masayang balita ni Aleng Fe.

Masaya naman si Warren sa ibinalita ng ginang. Pero mas naging masaya siya sa tulong na ibinigay ng pamilya Dela Cruz sa kaniya. Bukod sa sobra ang ibinalik na utang ng mga ito ay binigyan siya ni Mrs. Dela Cruz ng trabaho sa kumpanya nito, at inalok rin siya ng ginang ng isang scholarship, kung nais niyang magbalik muli sa pag-aaral.

“Minsan lang ako nakahanap ng taong kagaya mo hijo. Sa mundong ginagalawan ko’y walang tutulong sa’yo kapag wala kang naibibigay sa kanilang kapalit.

Pero ikaw, tinulungan mo ako at hindi na nag-isip kung makakabawi pa ba ako sa’yo o hindi na. Nakita kitang nalungkot noon sa paghugot sa perang kailangan mong ibayad upang maasikaso na ng mga doktor ang kailangan nilang gawin sa’kin.

Narinig rin kitang nakiusap sa land lady mo na ipagpapaliban mo muna ang pagbabayad sa bahay kasi may emergency kang dapat unahin. Naisip kong hindi naman tayo magka-ano-ano pero bakit mo ako tinulungan ng gano’n.”

“Kasi po, naisip kong ikaw ang nanay ko,” mangiyak-ngiyak na wika ni Warren. “Bilang isang anak ay alam kong masasaktan ang mga anak mo kapag nakita ka nilang nahihirapan.

Kailangan mo ng agarang lunas, kaya ginawa ko lang ang parte ko. Hindi ko inisip na higit pa sa maliit na bagay ang ibabalik niyo sa’kin,” umiiyak nang wika ni Warren.

Advertisement

“Mabuti kang tao, hijo. Gaya ng sinabi mo noon, mabuti ang Diyos. Ako ang naging instrumento niya upang matupad mo ang lahat ng iyong pangarap,” nakangiting wika ni Aleng Fe saka niyakap ang umiiyak na si Warren.

Totoong kay buti ng ating Panginoon. Mayroon talaga tayong makikilalang tao na siyang tutulong sa’tin. Maliit na bagay man iyon o malaki ang mahalaga’y huwag tayong makakalimot sa ginawa nilang kabutihan.