Inday TrendingInday Trending
Akala ng Personal Nurse na Ito ay Hindi Mabubuko ang Ginagawa niya sa Anak ng Kaniyang Amo; Salamat na Lamang at May CCTV sa Loob ng Kuwarto

Akala ng Personal Nurse na Ito ay Hindi Mabubuko ang Ginagawa niya sa Anak ng Kaniyang Amo; Salamat na Lamang at May CCTV sa Loob ng Kuwarto

Ipinatawag ng Head Nurse si Adeline matapos ang shift nito. Kabadong-kabado si Adeline dahil alam niyang marami silang nurses sa pribadong ospital na iyon, at baka isa siya sa mga tatanggalin. Huwag naman sana, naisaloob niya.

“Have a seat, Nurse Adeline,” seryosong sabi ng Head Nurse. Bantulot namang naupo si Adeline. Hindi niya kakayanin kung sasabihin sa kaniyang wala na siyang trabaho kinabukasan. Marami siyang bayarin, at siya ang bread winner ng pamilya.

“Ma’am, bakit po?” nag-aalalang tanong ni Adeline.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. You have been one of the competent nurses of this hospital, kaya ikaw ang naisip kong i-assign as personal nurse ng isang VIP. Hiling niya kasi, pinakamahusay ang ibigay ko sa kaniya. Huwag kang mag-alala, well-compensated ka at may mga bonuses pa. Big time ito,” sabi ng Head Nurse.

Nakahinga nang maluwag si Adeline. Hindi naman pala siya mawawalan ng trabaho; bagkus ay magkakaroon pa. Tinanggap naman niya ito. Dahil personal nurse, kinailangan din niyang manatili o stay-in sa kaniyang magiging alaga.

Nang sumunod na araw, nakaharap na niya ang mga magiging amo niya. Medyo seryoso pala ang mga ito at halatang-halatang mga career-driven.

“Doble ang magiging suweldo mo bukod pa sa mga benepisyo na maibibigay namin. Ang pakiusap lamang namin, huwag mong kausapin ang anak namin dahil ilang nurses na ang napaalis niya. Hindi niya gusto na kinakausap siya. Medyo masungit kasi dulot ng kaniyang pagkalumpo.”

Sumang-ayon naman si Adeline. Isang batang babaeng nalumpo dahil sa polio ang kaniyang aalagaan. Hindi ito ngumingiti at tila sanay na itong inaalagaan lamang ng yaya o personal nurse.

Naging masigasig naman si Adeline sa kaniyang pag-aalaga kay Claire, ang kaniyang alaga. Umisip siya nang paraan kung paano niya makukuha ang loob nito, upang mapasaya ito.

Isang araw, habang natutulog ang kaniyang alaga, naisipan niyang patugtugin ang kaniyang karimba, isang uri ng instrumentong pangmusika. Naiinip kasi siya. Hindi niya namalayang gising na pala ang kaniyang alaga, at narinig nito ang kaniyang pagpapatugtog. Ngayon lamang siguro ito nakakita ng karimba.

“Anong tawag diyan?” usisa nito.

Napapitlag si Adeline. Saglit na huminto. Subalit nakangiti itong sumagot.

“African Karimba ang tawag dito, Claire. Gusto mo bang turuan kita kung paano ito gamitin?”

Kimi namang tumango si Claire. Lumapit sa kaniya si Adeline at tinuruan siyang gumamit nito. Hanggang sa hindi na nila namalayan ang oras. Ito ang kanilang naging libangan, hanggang sa unti-unti, natuto nang magpatugtog si Claire gamit ang naturang instrumento.

Habang dumaraan ang mga araw, kapansin-pansing madalas na ang pagngiti ni Claire, dahil hindi lamang karimba ang itinuturo sa kaniya ni Adeline, kundi iba pang mga instrumento gaya ng gitara at plawta.

Kung may talento man si Adeline, ito ay ang pagtugtog ng iba’t ibang mga instrumentong pangmusika. Maganda rin ang boses niya. Kaya sa tuwing siya ay tumutugtog ng gitara at sinasaliwan ng pagkanta, napapangiti na lamang si Claire. Kapansin-pansin ang kakaiba nitong sigla simula nang maging personal nurse nito si Adeline.

Isang gabi, pinatawag ng mga magulang ni Claire si Adeline. Seryoso ang mukha ng mga ito.

“Hello po, Ma’am, Sir. Ano pong problema?”

“Hindi ba’t kabilin-bilinan namin sa iyo na huwag mong kakausapin si Claire? Hindi ka sumunod sa ating usapan,” saad ng ina.

“P-Pasensiya na po kayo. Hindi ko naman po sinasadya,” nanginginig na pagpapaumanhin ni Adeline.

“Sa akala mo ba, hindi namin malalaman ang ginagawa ninyo ni Claire?” tumayo ang ama at binuksan ang isang telebisyon, na nagsisilbing monitor pala ng CCTV sa kuwarto ni Claire. May monitor din sila ng CCTV sa kani-kanilang mga mobile phones.

“Nakita namin kung paano mo inaalagaan at pinapasaya ang aming anak, Nurse. Kitang-kita namin ang malaking pagbabago sa behavior ng aming anak simula nang dumating ka sa buhay niya. Maraming-maraming salamat sa extra mile na ibinibigay mo. Hindi ka lamang personal nurse ng aming anak. Naging tila mas magulang ka pa niya. Hindi mo alam kung paano kami maligayang-maligaya sa nakikita naming kasiyahan sa mukha ng aming si Claire,” naiiyak na pasasalamat ng ina.

“Maraming-maraming salamat, Nurse Adeline. Kaya naman sana, hayaan mo kami na masuklian namin ang kabutihan mo. Kaunting pasasalamat lamang,” segunda naman ng ama. May iniabot ito sa kaniyang brown envelope.

Naglalaman ang envelope ng mga papeles ng pagkakaroon niya ng bagong kotse at isang tseke na naglalaman ng isang milyong piso!

“Ma’am, Sir, maraming salamat po sa lahat ng ito, pero hindi ko po matatanggap. Parang masyado naman po ito, hindi naman po ako humihingi ng ganitong halaga sa lahat ng mga ginawa ko para kay Claire,” sabi ni Adeline.

“Hindi kami papayag, Nurse Adeline. Magtatampo kami sa iyo kapag hindi mo tinanggap ang aming paraan ng pagpapasalamat. Deserve mo iyan,” sabi naman ng ina.

Nagtungo silang tatlo sa kuwarto ni Claire.

“Maraming salamat, Nurse Adeline! Sana huwag ka pong magsawang alagaan ako at turuan akong gumamit ng mga musical instruments,” pakiusap ni Claire sa kaniyang personal nurse.

“Oo naman, Claire. Malakas ka sa akin eh!” pangako naman ni Nurse Adeline.

At tinanggap na nga ni Nurse Adeline ang pabuyang ipinagkaloob sa kaniya ng mga magulang ni Claire. Si Claire naman ay marunong na talagang ngumiti; salamat sa mga katulad ni Adeline na hindi lamang tumutugon sa tawag ng tungkulin, kundi higit pa rito.

Advertisement