Inday TrendingInday Trending
Tiniis ng Nurse ang Masamang Ugali ng Matandang Inaalagaan, Hindi Niya Alam na Pamamanahan Siya Nito ng Ari-arian

Tiniis ng Nurse ang Masamang Ugali ng Matandang Inaalagaan, Hindi Niya Alam na Pamamanahan Siya Nito ng Ari-arian

Maingat na ibinaba ni Judith ang inihandang pagkain sa mesa, sa tabi ng kama ng matanda. Kanina ay sinubukan niya itong subuan ng lugaw pero pinagalitan siya nito dahil malamig na daw iyon, kaya heto siya ngayon, muling dala dala ang lugaw na mainitat muling susubukang pakainin ang matanda,sana ay hindi na siya sungitan nito. Hinipan muna ni Judith ang lugaw sa kutsara upang masigurong hindi nakakapaso iyon, saka inilapit sa bibig ng nakasimangot na matanda. “Ma’am Soledad, ahh po kayo.” sabi niya rito. Pagkasagi palang ng kutsara sa bibig ng matanda ay agad nitong tinabig iyon. Hindi na nabigla si Judith dahil di naman ito ang unang pagkakataon na ginawa iyon sa kanya ng amo. “Ano ba yan! Ang init! Tsaka maalat, ayaw mo ba talaga akong pakainin?” bulyaw nito sa kanya. Nakatitig lang naman ang dalaga sa matanda, alam niyang nagdadahilan lang ito dahil ang totoo ay ayaw lang nitong kumain. Hirap din siyang painumin ito ng gamot. Sinasadya nito iyon dahil masama ang loob ng matanda na iniwan na siya ng mga anak sa isang private nurse. Pinapasweldo lang sya ng mga anak nito para bantayan ang lola dahil wala ni isa man sa kanila ang gustong mag-alaga rito. “Ma’am Soledad, kailangan mo pong kumain.” sabi niya rito. Nagulat naman ang matanda na sinagot niya ito, kaya lalo itong nagalit at nagbato ng unan. Sa totoo lang ay naaawa siya sa sitwasyon nito, baka kasi iniisip nitong kapag lumubha ang kalagayan ay uuwi ang mga anak dahil mag aalala sa kanya, alam ni Judith na hindi mangyayari iyon dahil tila walang pakialam ang mga anak nito dito. “Ano ba’ng pakialam mo? Sino ka ba at nakikialam ka, eh kung ayaw kong kumain? Binabayaran ka lang dito ah?!” sigaw nito. Hindi napigilan ni Judith ang mapaluha. “Tama ho kayo, binabayaran nga ako ma’am. Pero may puso po ako, at kaya ko kayo pinapakain ngayon hindi dahil sa binabayad sa akin kung hindi dahil nag aalala ako sa inyo!” sabi ni Judith sa matandang binabantayan. Natahimik naman si Soledad, lumabas ng kwarto si Judith. Pagpasok niyang muli sa loob ay napansin niyang ubos na ang lugaw sa tabi nito at tulog ang matanda, alam niyang nagtutulug-tulugan lang ito dahil napansin niyang dumilat ito ng bahagya para silipin siya. Lumipas ang ilang buwan, masungit pa rin ang matanda at laging nakasimangot pero hindi na siya nito sinisigawan. Dumating ang araw na pinakakinakatakot ni Judith, at pinakahihintay naman ng mga anak nito. Pumanaw si Ma’am Soledad. Dahil doon ay nag uwian na ang mga anak mula Amerika dahil alam nilang hatian na ng mana. Naroon ang lahat sa sala, si Judith naman ay nagliligpit na ng mga gamit nyang dadalhin sa probinsya habang mugto ang mga mata. Kahit palagi siyang inaaway ng matanda ay napamahal na ito sa kanya. Sa gitna nagsalita ang attorney, ito ang nagbasa ng huling habilin ng matanda. “Ang lupa sa San Jose Nueva Ecija ay mapupunta kay Bianca, ang maliit na grocery ay para kay Pauline, tatlong kotse para kay Greg..” sabi nito. Tila mga asong ulol na nakaabang ang mga anak pero tumigil sa pagsasalita ang attorney. “Ano na? Yun lang? Ang pera ng mama at itong bahay?” sabi ni Bianca, ang panganay. Iyon ang pinunta nila, sobrang laki ng bahay na ito at tiyak na mabebenta sa malaking halaga. Muling binasa ng attorney ang habilin. “Ang bahay, at lahat ng natitirang pera sa bangko, na lagpas sa sampung milyong piso, ay mapupunta sa kaisa isang taong nagmalasakit kay Ma’am Soledad, ang taong hindi nandiri na paliguan, himudin ang pwet at alagaan siya sa kabila ng kanyang kagaspangan, si Judith. Napatingin si Judith ng marinig ang pangalan niya. Tama ba iyon? Ang sama ng tingin ng mga anak ni Ma’am Soledad sa kanya pero wala nang magagawa ang mga ito. Biglang yaman ang dalaga, sa totoo lang kahit hindi siya pamanahan ay aalagaan niya pa rin naman ang matanda. Bilang ganti rito, nagtayo siya ng isang Home for the Aged, isang bahay ampunan para sa mga matatandang inabandona na ng mga anak, mayaman man o mahirap.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement