Hindi Makapaniwala ang Babaeng Ito sa Nakapagpagaling sa Kanyang Inang Halos Wala nang Buhay
Mag-iisang taon nang nakaratay sa ospital ang nanay ni Josephine at nawawalan na sila ng pag-asa na gigising pa ito. Na-comatose kasi ang matanda, sabi nga ng doctor ay 75-25 nalang ang chance na magmulat pa ng mata ang kanyang ina, 75% hindi na at 25% mabubuhay pa.
Gayunpaman ay hindi sumusuko ang pamilya, kahit pa magkandabaun-baon sila sa utang, titiisin nilang habangbuhay magbayad basta wag nilang pagsisihan na hindi nila ibinigay lahat upang madugtungan ang buhay ng nanay nila.
Halinhinan silang tatlong magkakapatid sa pagbabantay. Kapag may pasok sa office si Josephine ay ang dalawa niya namang ate ang papalit sa kanya, may kani-kaniya na silang pamilya pero dinidiskartehan nila ang paghati sa oras.
Papasok pa lang siya sa pinto ng kwarto ng kanyang ina sa ospital, bahagyang nakabukas ang pinto noon kaya nasilip niya ang loob agad. Naroon ang isang nurse, na sa pagkakatanda niya ay Charry ang pangalan, ang ingay ingay nito.
“Iyon nga lola, edi hinabol ko yung kapatid ko, tapos.. tapos sa sobrang pagmamadali niya ay nangudngod siya sa-” bumunghalit ito ng tawa, tapos ay itinuloy ang kwento.
“Sa tae ng manenok! Ay, manok pala! Manok ang tawag nyo dito sa Maynila di’ba. Sa amin sa probinsya, manenok. O baka mali lang ako ng rinig noong bata ako. Pero ayun, edi galit na galit ang nanay ko sa akin kasi nga ipinahamak ko raw ang kapatid ko. Napaka uhugin kasi at konting kibot ay iyak, nagbe-belat pa ako sa kanya habang nagsesermon ang nanay ko. Eh sinumbong ako ulit, ayun, pinaluhod po ako sa monggo!” sabi nito na nakangiti.
“Miss excuse me, sobrang ingay mo. Hindi yan makakabuti sa mom ko,” sabi ni Josephine na inirapan pa ang napahiyang nurse na noon ay namumula ang mukha.
“P-pasensya na po kayo ma’am,” sabi ni Charry, chineck nang bahagya ang dextrose ng nanay niya, tapos ay nakatungong lumabas na sa silid.
Dahil siguro pagod sa trabaho si Josephine kaya nasungitan niya ang babae, di rin naman kasi siya naniniwalang makakatulong pa iyon. Buong pananatili nila sa ospital ay tahimik lang silang nagbabantay, malungkot lang kasing kausapin ang taong alam nilang malaki ang pag-asang di na mabuhay pa. Naiiyak lang siya kapag naikukumpara niya ang nanay niyang walang kabuhay-buhay na nakaratay ngayon doon sa dati nitong kalagayan na madaldal at nagbubunganga sa umaga.
Kung alam niya lang, edi nakangiti niyang tinanggap ang mga sermon nito noong bata siya at never siyang sumagot. Naisip niya nga, sana di pa huli.
Kahit sermunan mo ako araw araw Nay, basta gumaling ka lang.. bulong ng kanyang isipan.
Mabilis lumipas ang isang linggo at hindi masyadong nakapagbantay si Josephine sa ospital, nilagnat rin kasi ang bunso niyang anak at may trabaho ang mister niya. Hindi pwedeng hindi kakayod ang lalaki dahil malaking parte ng ibinabayad nila sa gamutan ng kanyang ina ay nagmula sa sahod nito.
“Ako na dyan ate Jane,” sabi niya sa kapatid na babae. Kitang kitang wala pa itong pahinga, galing rin kasi sa night shift na trabaho at papasok na naman mamayang gabi.
Tumango ang babae, dinampot ang mga gamit at lumabas na. Bigla namang kumalam ang sikmura ni Josephine kaya naisipan niyang sumaglit muna sa Vendo machine sa di kalayuan.
Isang liko lang naman, sa kabilang hallway lang, bulong ng isip niya. Ayos lang naman sigurong iwan niya saglit ang ina.
Mabilis siyang pumunta sa vendo machine at pabalik na siya nang marinig niya muli ang isang pamilyar na boses. Mas mahinahon na ito ngayon kaysa noon na todo bigay magkwento.
“Buti nga po lola, nakapagtapos ako eh. Ako ngayon ang nagpapaaral sa kapatid kong bunso. Medyo mahirap kasi ang sahod ng nurse hindi rin naman ganoon kalaki lalo pa at wala pa naman akong experience pero laban lang. Ganun ka rin dapat lola, laban lang!” sabi nito at hinawakan pa ang kamay ng matanda.
“Ano, por que isang linggo akong di dumalaw akala mo di na kita mahuhuli? Miss can you stop the non sense, baka na-stress ang mommy ko dahil sa ingay mo.” nakataas ang kilay na sabi niya sa nurse. Nagulat naman ang babae.
“Sorry po. Mas hininaan ko na po ang boses ko ma’am,” sabi nito.
“I don’t really care kahit gaano pa kahina o kalakas ang boses mo. Nakakaistorbo ka, may sakit ang nanay ko. You know, ire-request namin na palitan na ang naka-assign na nurse sa amin.”
Hindi na umimik pa si Charry at tahimik na lamang na lumabas.
Hatinggabi na, nakahawak si Josephine sa kamay ng kanyang ina nang mapabalikwas siya dahil naramdaman niyang gumalaw ang hinliliit nito. Agad niyang tinawag ang doktor, chineck nila ang mata ng matanda at laking pasasalamat nila.. gising na ito!
“Mama, ano’ng gusto mong kainin? Kahit ano, kahit saan mo gusto mamamasyal tayo,” nakangiting sabi ni Josephine kinabukasan, naroon ang buong pamilya nila.
“Ayos lang ako anak, kahit saan basta kasama ko kayo’ng lahat. Si..Charry pala?” tila inisip pa nitong mabuti ang pangalang iyon.
Sinong Charry? Ahh! , sa isip ni Josephine.
” ‘Yung nurse?” nagtatakang tanong niya, bakit kilala ng nanay niya ang nurse? Wala nang malay ito nang isugod nila sa ospital noong isang taon kaya imposibleng makilala nito iyon.
“Oo. Ang mga kwento niya ang nagbigay pag-asa sa aking mabuhay, bawat araw na dumadaan akala ko wala na pero darating siya at magkukwento ng kung anu-ano. Napakalaking tulong na marinig ko ang boses niya sa paggaling ko. Nais ko lang magpasalamat,” nakangiting sabi ng matanda.
Nanlaki ang mata ni Josephine, sinungitan niya pa naman ng dalawang beses ang nurse! Siya na mismo ang naglakad patungong nurse’ station, naroon ang babae at tila nagulat nang makita siya.
Lalong nanlaki ang mata nito nang yakapin niya,
“Charry, sorry.. and thank you.”
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.