Inday TrendingInday Trending
Dahil Anak-mayaman, Napakababa ng Tingin ng Dalaga sa mga Mahihirap; Isang Iglap ay Nawalang Parang Bula ang Kayamanan ng mga Magulang Niya

Dahil Anak-mayaman, Napakababa ng Tingin ng Dalaga sa mga Mahihirap; Isang Iglap ay Nawalang Parang Bula ang Kayamanan ng mga Magulang Niya

Mayaman ang pamilya ni Lisbeth. Matinik sa negosyante ang kaniyang mga magulang. Kilalang-kilala ang mga ito sa mundo ng business. At dahil si Lisbeth ang nag-iisang anak ng mag-asawa ay nasusunod ang lahat ng layaw nito. Ang resulta, lumaki itong arogante at matapobre.

“Get your hands off my dress! Pag nadikit diyan ang germs mo baka hindi ko pa iyan maisuot!” Bulyaw ni Lisbeth kay Leoning, ang anak ng kanilang kasambahay.

Hangang-hanga si Leoning kay Lisbeth. Gandang-ganda siya dito, napaka-elegante. Nais niya sanang makipagkaibigan dito ngunit mailap ito sa mga tulad niyang mahihirap lang. Mas gusto nitong makihalubilo sa mga kauri nitong upper-class kung tawagin. Walang magawa si Leoning kung hindi busugin ang sarili sa pasulyap-sulyap tuwing nakatalikod ito.

“Umalis ka nga dito! Nakakasira ka ng tanawin! Doon ka sa kusina kung saan ka nababagay! Ay, hindi pala! Linisin mo yung c.r. ko. Dumumi ako doon kanina.” Mangiyak-iyak na sinunod ni Leoning ang utos ng amo.

Dumating ang panahon na naging mas abala ang mga magulang ni Lisbeth sa kanilang negosyo. Bihira na silang makita ng dalagita. Dumadami na rin ang mga utang nila sa anak na kinaiinis nito ng sobra. Umabot sa sukdulan ang tampo niya sa kanila nang maudlot ang pinakaaabangan niyang trip to Paris.

Ito ang ipinangako nilang regalo niya sa kaniyang 16th na kaarawan. Sa inis niya ay nagpunta siya sa mall at binili ang anumang maibigan niya. Bahala na kung mag-maxed out yung card tutal naman ay ang mga magulang niya ang magbabayad. Isang tawag ang pumutol sa masaya niyang pagsho-shopping.

Umiiyak ang kaniyang ina habang sinasabi sa kaniya ang masamang balita, “Na-stroke ang papa mo. Sinugod siya sa ospital.” Hindi nakayanan ng ama ni Lisbeth nang malamang malaking halaga ng pera ng kumpanya ang kinulimbat ng business partner nito.

Sa isang iglap ay naubos ang kanilang yaman. Para matustusan ang pagpapagamot ng ama ay napilitan ang ina ni Lisbeth na ibenta ang kanilang mga ari-arian. Pati ang mga paboritong kagamitan ni Lisbeth ay binenta rin. Lumipat ang kanilang pamilya sa mas maliit na bahay. Kinailangan ding umalis ng dalagita sa exclusive niyang paaralan.

Kasabay ng pagbagsak ng kanilang pamilya ay naglaho din ang inaakalang mga tunay na kaibigan. Dalawa lamang ang natitirang umaagapay sa pamilya, si Leoning at ang ina nito. Hindi mahalaga sa kanila kung hindi muna mababayaran ang kanilang serbisyo. Naging maganda ang trato sa kanila ng mag-asawa kaya gusto nilang suklian ang kabaitan ng mga ito.

Napilitang matuto si Lisbeth ng mga gawaing bahay. Wala na silang mga katulong. At dahil alam ni Leoning na wala itong kaalam alam sa mga ganitong bagay ay lihim niyang sinusundan ang mga ginagawa nito. Alam niyang nahihiya sa kaniya ang dalagita kaya iniiwasan siya nito.

Isang gabi ay naalimpungatan si Leoning mula sa kaniyang pagkakatulog. Nakarinig siya ng mga kaluskos sa kusina. Nakapatay ang mga ilaw kaya hindi niya makita kung sino ang tao sa loob. Sa pag-aakalang napasukan sila ng magnanakaw ay tahimik niyang tinungo ito at malakas na pinaghahampas ng walis ang naaninag niyang gumalaw na tao.

“Aray! Aray! Tama na! Masakit iyan!” Sigaw ni Lisbeth.

Mabilis na binuksan ni Leoning ang ilaw. Pagkatapos ay kumuha siya ng first aid kit para magamot ang sugat na natamo ni Lisbeth mula sa kaniyang pagkakahampas.

“Maaari mo ba akong ipagluto ng makakain? Kanina pa kasi ako nagugutom. Baka magkasunog pa kung magbubukas ako ng kalan.” Nakayukong tanong ng dalagita.

Bagama’t nahihiya ay kinain ni Lisbeth ang kaniyang pride. Tutal wala na siyang maipagmamalaki pa. Hindi na sila mayaman. Hindi nila binabayaran si Leoning at ang ina nito kaya wala siyang karapatang mag-utos.

Marami siyang natutunan nung naghirap ang kanilang pamilya. Masyado siyang mapagmataas. Nagbulagbulagan siya sa mga paghihirap ng iba. Kinaibigan niya ang mga pekeng tao imbes na yung mga tunay na nagmamalasakit sa kaniya.

Ipinagluto ni Leoning ang dalaga na may ngiti sa mga labi. Ito ang unang pagkakataon na humingi ng pabor si Lisbeth sa kaniya. Sisiguraduhin niyang masasarapan ito sa ihahanda niyang pagkain.

Unting-unti nagbago ang paguugali ni Lisbeth. Natuto siya kung paano magpakumbaba. Nakahanap din siya ng tunay na kaibigan sa katauhan ni Leoning. Madalas na silang makikitang magkasama. Ang paboritong nilang bonding session ay tuwing gumagawa sila ng mga gawaing bahay. Naging eksperto na si Lisbeth sa larangan ito dahil mayroon siya magaling na guro, ang matalik niyang kaibigan na si Leoning.

Tama ba ang turing ni Lisbeth kay Leoning dahil lang sa hindi niya ito kauri? Bakit gusto pa ring maging kaibigan ni Leoning ang dalagita sa kabila ng trato nito sa kaniya? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement