Lumaki ang Ulo ng Babae nang Mangibang Bansa, Natutunan Niyang Magpahalaga Dahil sa Isang ‘Di Inaasahang Pangyayari
Si Beth ang bunsong anak ni Rosendo at Miling. Itong Marso ay magtatapos na ang dalaga mula sa kursong nursing. Kahit na mahirap ang buhay ay naitaguyod ng mag-asawa ang kanilang anak at napagtapos ito.
Ngunit ang kuya ni Beth na si Edie ay kinakailangang tumigil muna noon sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo para makatulong sa pagtatapos ng kapatid. Nais mang bumalik ni Edie sa pag-aaral ay mas pinili na lamang niyang magtrabaho upang makatulong sa pamilya.
Ilang taon ding nagtrabaho si Beth bilang nars dito sa Pilipinas bago siya nabigyan ng pagkakataong magtrabaho sa Hong Kong.
“Hayaan mo, tutulungan ka ulit namin, gaya ng pagtutulong-tulong natin noon,” sabi ni Edie sa kanyang kapatid.
“Thanks, kuya,” nakangiting sagot ni Beth.
Ilang buwan lamang ang lumipas at nakaalis din agad ang dalaga papuntang ibang bansa. Gaya ng pangako ng kanyang kapatid ay mabilis siyang nakaalis papuntang Hong Kong.
“Lagi tayong mag-uusap sa Facebook ha,” bilin ng nanay nito bago siya tuluyang sumakay ng eroplano.
Tatlong taong paglalagi ang kontrata ni Beth kaya naman sa mga unang buwan pa lamang niya ay talagang nagsipag ito.
Hindi naging madali para kay Beth ang buhay niya sa abroad. Kapag nakakaramdam ng lungkot ay tatawag ito sa kanyang pamilya sa Pilipinas.
May mga kasama rin naman siyang kapwa Pilipino sa bahay na kanyang tinutuluyan ngunit dahil iba-iba sila ng oras ng trabaho ay halos ‘di naman niya ito nakakakwentuhan.
Kahit malungkot ay pinili niyang magsipag na lamang sa trabaho, at dahil sa kanyang kasipagan, unti-unti siyang napansin hanggang sa nabigyan ng mataas na sweldo.
Hanggang sa siya ay naging head nurse sa ospital na kanyang pinagta-trabahuan.
Dahil doon ay malaki-laki na rin ang naipon ni Beth. Malaking pera ang palagian niyang naipapadala sa kanyang mga magulang maging sa kanyang kapatid na si Edie.
Nakabili rin siya ng dalawang bahay, isa para sa kanya at isa rin naman para sa kanyang magulang at kapatid.
Nakapagpundar din siya ng pambili ng sasakyan na plano niyang bilhin sa kanyang pag-uwi.
Matapos ang tatlong taong kontrata ni Beth ay umuwi muna siya ng Pilipinas.
“O sa makalawa pauwi na rin ako ha,” paalala ni Beth sa kanyang kapatid.
“Hinanda na nila mama yung kwarto mo neng,” nakangiting sagot nito.
“Ew! Anong kwarto? Eto si kuya naman parang hindi nag-iisip! Sa hotel na ko tutuloy ‘no, ilang linggo lang naman ako dyan tapos babalik na rin ako dito sa HK,” nagmamalditang sagot nito.
Hindi na sumagot si Edie at natapos na rin ang usapan nila.
Ngunit hindi mawala sa isip nito ang unti-unting pagbabago ng kanyang bunsong kapatid.
Sa pagbabalik ni Beth ay talaga namang marami siyang uwing pasalubong sa kanyang pamilya. Hindi lamang para sa kanila, ngunit para rin sa mga kamag-anak, kaibigan, at maging mga kapitbahay
“Hindi mo naman kailangang gawin itong lahat ng ‘to, neng. Alam mo namang makauwi ka lang ng ligtas ay sapat na,” paalala ng kanyang kapatid.
“E ano ka ba naman kuya? Syempre kailangan kong mag-uwi ng mga pasalubong. Ano na lang ang sasabihin ng iba ‘pag wala akong uwi sa kanila,” sambit ni Beth na may halong pagmamataas.
“Hindi ka naman ganyan noong umalis ka,” pagpapaalala ni Edie.
“Eh ano bang pakialam mo kuya, pera ko naman ‘yan?! Kung wala kang ganyan, ‘wag kang mainggit! Di mo ko ‘kailangang sabihan no,” pagmamaldita ng dalaga.
Hindi na umimik ang kanyang kuya. Pinagmasdan na lamang siya nito habang isa-isang nakikipagbeso sa kanilang kapitbahay na pumapasok ng kanilang bahay.
Tila ay gusto ni Beth ang atensyon at papuri na naibibigay sa kanya ng mga tao, para siyang artista sa dami ng bumibisita sa kanila.
Dahil maraming naipundar ang dalaga ay nagpasya siyang ipaglpaliban muna ang pagbalik sa Hong Kong. Ang dalawang linggong bakasyon na unang plano niya ay ginawa na niyang tatlong buwan.
Naisip niyang mag-renew na lang ng kontrata matapos ang mahabang pahinga.
Sa tatlong buwan na siya’y nakabakasyon ay halos hindi rin siya napirmi sa kanilang bahay. Parati itong nasa labas at gumagasta ng kanyang pera.
Unti-unting lumayo ang loob niya sa kanyang kapatid dahil sa palagi na lang siyang sinasabihang magtipid at kung ano-ano.
“On the way na ko sa airport mga beh,” ang sabi ng dalaga sa telepono habang kausap ang mga kaibigan.
Halos linggo-linggo ay kung saan saan siya nagpupunta – Palawan, Batanes, Siargao at kung saan pa kasama ang mga kaibigan. Marami rin siyang pinapamiling mamahaling mga bag o sapatos. Aniya, para ito sa mga larawan na ipopost niya sa kanyang Facebook.
Walang habas sa paggasta ang dalaga, ni hindi niya namamalayan na nauubos na ang kanyang inipong pera. Naiyak na lamang siya nang naisip niyang baka hindi na siya muling makapag-abroad.
Kinausap ni Beth ang kanyang kapatid at nagbakasakaling may maipapahiram ito.
“Pasensya ka na Beth, maliit lang ang sweldo ko sa trabaho ko, bibilhan ko pa ng mga gamot ang mama at papa,” sagot nito.
Nagalit ang dalaga dahil ang buong akala niya’y tutulungan siya nito, “Ayan! Sige pag damutan mo ako! Pero ako lahat binigay ko sa inyo noong nag-aabroad ako, kahit hindi niyo hinihingi ibinibigay ko pa rin! Bahala na nga kayo!” galit na galit na sabi ng dalaga.
Kinagabihan, binisita siya ng kanyang kuya sa kwarto, “Pwede ba kitang makausap?” tanong nito.
Tinignan lamang ng masama ni Beth ang kanyang kapatid habang papasok ito sa kuwarto ng dalaga.
Nakita ni Edie na may kausap itong kapatid na pinagbebentahan ng kanyang naipundar na bahay at sasakyan.
“Hindi mo na kailangang gawin yan, kapatid,” sabay hawak niya sa kamay ng dalaga.
“Wala na akong pera, wala na ang ipon ko. Pasensya na pero kailangan ko na ‘tong ibenta. Puwede ba umalis ka na sa kwarto ko?!” pag mamatigas na sagot ng dalaga.
Inabot ni Edie ang isang maliit na bag na may lamang pera, “Ayan lahat ang pinadala mo sa aming pera, wala kaming ginalaw kahit isa. Malaki ang naitulong mo sa ating pamilya kaya sa’yo na ito dahil sabi ko naman sa ‘yo na magtutulong-tulong tayo ‘di ba,” sabay niyakap niya ang kanyang kapatid.
“Pero bakit ibibigay mo parin sa akin, kahit nagyabang ako sa inyo?” naiiyak na tanong ng dalaga.
“Eh syempre kapatid kaya kita, at pamilya tayo. Wala namang ibang magtutulungan kundi tayo lang din,” nakangiting sagot ng binata.
Doon naisip ni Beth muli ang lahat ng sakripisyong ginawa ng kanyang magulang at kapatid para siya’y makatapos ng pag-aaral at makapangibang bansa. Doon rin niya naisip na naging mayabang siya por que siya ay nagkaroon ng maraming pera. Hindi niya naisip na kung hindi dahil sa kanyang pamilya ay hindi niya rin makukuha ang kasaganahan sa buhay.
Ngunit dahil hindi pa huli ang lahat natutunan niyang huwag magyabang sa mga bagay na posibleng panandalian lang mapapasakanya. At maging mapagpasalamat sa mga taong handa laging sumuporta sa kanya kahit ano pa man ang mangyari – ang kanyang pamilya.
Kaya naman kahit matagumpay siyang nakabalik ng Hong Kong upang magtrabahong muli, hindi na siya bumalik sa pangit niyang naging pag-uugali.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.