Inday TrendingInday Trending
Ilang Beses nang Ipinagtabuyan ng Dalaga ang Manliligaw, Ngunit Nanatili Itong Tapat na Nag-hihintay; Nakakakilig Pala ang Bunga ng Kanyang Katapatan

Ilang Beses nang Ipinagtabuyan ng Dalaga ang Manliligaw, Ngunit Nanatili Itong Tapat na Nag-hihintay; Nakakakilig Pala ang Bunga ng Kanyang Katapatan

Si Hannah ang tipo ng bata na napaka-seryoso sa pag-aaral. Ang tanging buhay niya ay eskwelahan at bahay lamang, kaya’t nang makatapos ng high school ay agad siyang nakakuha ng scholarship sa isang magandang paaralan sa Maynila.

Todo habilin naman ang kanyang ina nang paluwas na siya sa Maynila. Mag-isa lamang kasi siyang titira doon.

“Mag-iingat ka doon anak, ha? ‘Wag basta-basta magboboyfriend! Kilalanin nang mabuti ang manliligaw pag nandoon baka kung mapaano ka kasi,” paalala pa ng ina.

“Wala naman akong planong magkaroon ng nobyo mama at saka pag-aaral muna ang aatupagin ko,” tugon naman ng anak.

Wala naman talaga siyang plano pang magkaroon ng kasintahan, ngunit kung mayroong dumating na karapat-dapat ay kanya rin naman sigurong pagbibigyan. Kaya ng makarating sa Maynila ay dumaan muna siya sa simbahan ng Quiapo at doon nagdasal.

“Lord, kung bibigyan ninyo man ako ng boyfriend, sana yung matino. Bigyan ninyo naman po ako ng sign kahit rainbow na bulaklak lang,” dasal pa ng dalaga.

Sa paaralan ay madami nagtangkang ligawan siya, ngunit wala sa kahit isa doon ang nagustuhan niya. Yung ibang manliligaw ay naging kaibigan na lamang, yung iba naman ay tuluyan nang hindi nagparamdam.

Pinagbutihan na lang niya ang pag-aaral at doon itinuon ang atensyon. Hindi naman din maiiwasan kasi na hindi siya ligawan, nagtataglay si Hannah ng kagandahang kaakit-akit na lahat ng madadaanan ay siguradong lilingunin siya.

Isang araw ay umuwi siya sa probinsiya upang ipagdiwang ang kaarawan ng ina, doon ay ipinakilala sa kanya ng kapatid ang isang lalaking nag ngangalang Nick. Matangkad si Nick, maputi ngunit payat at patpatin.

Marami daw nagkakagusto sa lalaki, sabi ng kapatid ni Hannah, ngunit hindi naman tipo ni Hannah ang ganoong lalaki. Balita niya ay nakakailang lipat na ito ng ilang kurso, at mukhang walang patutunguhan sa buhay.

May-ari ng isang flower shop ang ina ni Nick, kaya’t tuwing nasa probinsiya si Hannah ay pinapadalhan siya nito ng magagandang bulaklak. Ipinagtapat kasi ng kapatid ni Hannah na napupusuan daw ng binata ang kanyang ate.

Nang minsang umuwi si Hannah sa kanila ay natunugan ni Nick na nandoon siya. Kaya’t nagmadaling dumalaw ang lalaki dala ang isang bugkos ng rosas na kulay bahaghari. Tinanggap niya ang bulaklak at saka pinauwi din kaagad ang lalaki.

Nakatulala lamang siya sa bulaklak na nasa harapan niya. Ito ang senyales na hiningi niya noon sa kanyang dasal.

“Lord, ‘wag naman si Nick, pwede bang iba na lang?” bulong ni Hannah sa sarili.

Bago bumalik sa Maynila ay kinausap din muna ni Hannah ang binata.

“Pasensya ka na Nick, ha? Hanggang kaibigan lang talaga eh,” mahinang sabi ng dalaga.

“Naintindihan ko, pero mag-iintay pa rin ako sa’yo Hannah,” nakangiti sagot naman ng binata. Kahit nakangiti ito ay bakas sa kanyang mukha ang pagkalungkot.

Ilang taon pa ang lumipas at nakatapos na si Hannah. Nangibang bansa siya upang doon magtrabaho. Tuwing tatawag siya ay laging sinasabi ng kanyang ina na hinahanap daw ni Nick ang dalaga.

“Nako ma, ‘wag na ‘wag mong ibibigay ang number ko kay Nick ha? Tagal na niyang nangungulit sa akin,” inis na saad ng dalaga.

“Eh mukhang malakas ang tama sa’yo nun anak eh,” natatawang tugon naman ng ina.

“Basta ma, wag mong ibibigay ha? Ayokong kulitin na naman ako nun.”

Nagkaroon naman ng dalawang nobyo si Hannah noon, ngunit kahit isa sa mga ito ay walang nagbigay sa kanya ng kulay bahag-haring bulaklak. Di naman din nagtagal ang kanyang mga naging relasyon, kaya’t itinuon na lang niya ang atensyon sa trabaho. Tanging si John lamang ang lalaking nagbigay sa kanya ng rosas na ganoon ang kulay.

Nang makauwi sa Pilipinas ay nabalitaan niyang si Nick naman ang lumipad upang magtrabaho sa ibang bansa, ngunit bago daw ito umalis ay nag-iwan ito ng sulat para kay Hannah na naglalaman ng kanyang numero.

“Bakit hindi mo kasi subukang tawagan, ate? Para naman malaman mo kung bakit kinukulit ka pa rin hanggang ngayon ni Kuya Nick,” iritableng wika ng kapatid ni Hannah.

“Eh malay ko ba na patay na patay pa rin sa’kin yun hanggang ngayon,” pabalang ng tugon naman ni Hannah.

“Tawagan mo na kasi, para once and for all matapos na yan!”

Tila ba nabudol naman ang dalaga sa sinabi ng kapatid, kaya’t kinuha niya ang telepono at saka sinubukang tawagan ang numerong iniwanan ni Nick pero walang sumasagot.

Maya-maya ay may di kilalang numero naman ang tumawag sa kay Hannah.

“Hello?” pagbati ni Hannah.

“Hannah?”

Nabosesan naman agad ng dalaga ang kausap, “Nick? Kumusta?”

“Hannah, sobrang saya ko na makausap kita. Ayos lamang ako, ikaw kumusta ka na?” masiglang tanong naman ng binata.

“O-okay lang ako, s-sige baka naabala kita.”

“Uuwi ako sa isang buwan para magbakasyon Hannah, gusto ko sana ay magkita tayo,” wika ng binata.

Napaisip naman saglit ang babae, “sige, mag-iingat ka diyan palagi Nick,” matapos niyon ay ibinaba na ni Hannah ang telepono.

Sa unang pagkakataon ay kumabog ang dibdib ni Hannah nang hindi niya nalalaman kung bakit. Ilang taon na rin ang lumipas ngunit tila ba ay hindi pa rin kumukupas ang pagtingin sa kanya ng binata.

Dumating ang araw ng kanilang pagtatagpo. Nasa airport si Hannah noon upang sumundo sa binata, gaya ng kanilang napag-usapan. Namangha naman ang dalaga dahil halos hindi niya makilala ang binata sa hitsura nito ngayon.

Sobrang gwapo na lalo ni Nick ngayon. Hindi na siya patpatin at mas tumangkad pa ito. Para bang isang artista o modelo na ang kanyang kaharap. Dala-dala ni Nick ang kulay bahagharing rosas na nakalagay sa loob ng isang garapon.

“Salamat at kinatagpo mo ako dito ngayon Hannah,” masayang bati ng binata, “eto nga pala para sayo. Hindi nalalanta ang rosas na ‘yan,” inabot naman ng binata ang napakagandang regalo.

“Salamat Nick. Ibang-iba ka na ngayon ah?” nakangiting saad naman ni Hannah.

“Lahat ng ito para sa’yo Hannah. Binago ko ang sarili ko para maging karapat-dapat sa’yo. Ikaw lang talaga ang babaeng gusto ng puso ko.”

Hindi naman na makakibo si Hannah sa mga naririnig. Hindi siya makapaniwala na may lalaki pa pala na kayang mag-intay ng ganoon katagal. May lalaki pa pala na kayang baguhin ang sarili para lamang maging karapat-dapat sa pag-ibig ng isang babae.

‘Di naman nagtagal ay naging magkasintahan ang dalawa. Sinubukan ni Hannah na sumugal muli sa pag-ibig, dahil baka sa pagkakataong ito ay maging matagumpay na ang kanyang relasyon.

Sa araw mismo ng kasal, habang lumalakad papuntang altar ay pabirong nagsalita ang ina ni Hannah.

“Ilang taguan at iwasan pa ang ginawa niyo at kung saan-saang sulok ng mundo pa kayo nagtungo, eh sa isa’t isa din naman pala ang bagsak niyo,” natatawang sambit ng ginang.

Tunay ngang kay tagal na panahon ang naging proseso bago sila nauwi sa yakap ng isa’t isa. Mukhang kahit anong gawin ni Hannah noon na pag-iwas ay wala siyang magagawa, dahil ang senyales na kanyang hiningi ay ibinigay naman sa kanya ng Diyos.

Dahil sa tiyaga na ipinakita ni Nick at sa napakagandang pagbabago na ginawa niya ay kanya din naman nasungkit ang puso ni Hannah. Nagbunga na rin ang ilang taon niyang pag-iintay sa babae.

Ngayon ay may kambal na babaeng anak na ang mag-asawa at isa namang lalaki. Nagsasama sila ng masaya at mapayapa. Hindi nagkamali si Hannah sa pinili niyang lalaki dahil sobrang pagmamahal ang ibinibigay nito sa kanilang pamilya.

Advertisement