Minaliit ng mga Babaeng Empleyado ang Matandang Janitress na Bulag sa Kumpanyang Pinagtatrabahuhan Nila; Wala Pala Silang Binatbat Dito

Mahigit dalawampung taon nang nagtatrabaho si Manang Loisa sa isang opisina sa Makati bilang janitress kaya isa siya sa mga pinagkakatiwalaan ng may-ari ng kumpanya kahit mayroon itong kapansanan. Ang matandang babae ay isang bulag ngunit daig pa nito ang may paningin pagdating sa kasipagan. Kung pagtitiwala at respeto ang ibinibigay sa kaniya ng kanilang boss, iba naman ang tingin sa kaniya ng ibang empleyado.

“Ang tagal-tagal na rito ng Manang Loisa na iyan, pero janitress pa rin ang trabaho niya,” natatawang sabi ni Marie.

“Hindi na umasenso ang matandang bulag na iyon. Siguro ay dahil hindi naman iyan nakapagtapos sa pag-aaral kaya hindi ma-promote dito!” sabad naman ni Lexi.

“Mukha naman kasing tatanga-tanga ang matandang kaya hanggang pagiging tiga-linis na lang talaga ang gagawin niya,” saad ni Lorna.

“Huwag niyo naman masyadongpagtulungan ang bulag na iyon. Paborito kaya siya ni boss,” hirit pa ni Jobelle.

“Kung paborito ni boss, eh bakit janitress pa rin? Naaawa lang si boss sa kaniya kaya naririto pa siya. Kung ako ang may-ari nitong kumpanya, matagal ko nang pinaalis dito ang matandang iyan!” nakangising sabi ni Lexi sa mga kasama.

Habang nilalait ay mas lalo pang pinagtawanan ng apat na babae ang pobreng matanda.

Isang araw, sinabi ng kanilang boss na magkakaroon ng awarding sa kanilang opisina. Pararangalan ang natatanging empleyado ng taon. Tuwang-tuwa naman ang apat na may matataas na posisyon sa kumpanya dahil siguradong isa sa kanila ang mapipili.

Advertisement

“Kung sino man ang mapili sa ating apat, kino-congratulate ko na, ha? Kasi natitiyak kong isa sa atin ang makakasungkit ng award na iyon,” buong kumpiyansang sabi ni Lexi sa mga kasama.

“Eh, sino pa bang mapipili? Tayo lang naman ang nararapat sa parangal na iyon. Matagal na rin tayo sa kumpanya at walang mas hihigit pa sa mga nagawa at naiambag natin dito,” pagyayabang ni Marie.

“Balita ko, bukod sa plake ay makakatanggap din ng pera ang masuwerteng mapipili ni boss,” sabad ni Lorna.

“Talaga? Good luck, girls! Manlibre kung sino man ang magwawagi ha?” sabi naman ni Jobelle.

Magkakasamang ipinagdiwang ng apat ang posibleng nalalapit nilang tagumpay. Lumabas sila nang gabing iyon at nagpakasaya.

Dumating ang araw ng pagbibigay ng parangal sa natatanging empleyado ng taon. Sabik ang mga empleyado kung sino sa kanila ang makakatanggap ng pinakamataas na parangal na taon-taong ibinibigay ng kumpanya. Mayamaya ay dumating na ang kanilang boss na si Mrs. Dela Paz.

“Magandang araw sa inyong lahat! Nais kong ipaalam sa inyo na nakapagdesisyon na ako kung kanino ko ibibigay ang award para sa natatanging empleyado. Hindi naging madali ang aking pagpili dahil lahat ng empleyadong pinagpilian ko ay kwalipikado ngunit isa sa inyo ang pinakanatatangi sa lahat,” paunang salita ng may-ari ng kumpanya.

Hindi na mapakali sina Marie, Jobelle, Lorna at Lexi. Atat na atat na silang malaman kung sino ang makakatanggap ng pinakamataas na parangal. Nagsesenyasan pa ang mga ito na binabati na ang isa’t isa.

Advertisement

“Ibinibigay ko ang natatanging empleyado ng taon kay Loisa Arambulo!” hayag ni Mrs. Dela Paz.

Hindi makapaniwala ang mga empleyado lalo na ang apat na magkakatrabaho nang tawagin ng kanilang boss ang pangalan ni Manang Loisa. Agad nila itong kinuwestyon.

“M-ma’am, bakit po siya na isa lamang janitress ang napili niyong tumanggap ng parangal?” pagkontra ni Lexi.

“Oo nga naman po. Porket mas matagal na siyang nagtatrabaho rito sa kumpanya ay siya ang inyong pinili? Napaka-unfair naman, boss!” gatol ni Jobelle.

“Ano po ang mayroon sa janitress na iyan na wala ang ibang empleyado, sir?” hirit naman ni Lorna.

“Di hamak na mas magagaling naman po kami kaysa sa kanya at isa pa, ibibigay niyo ang parangal sa isang bulag?” sabad ni Marie.

Bumuntong-hininga muna si Mrs. Dela Paz bago muling nagsalita.

“Ano’ng masama sa pagiging bulag? Walang masama sa pagkakaroon ng kapansanan. Ang pagiging natatanging empleyado ay hindi lamang nasusukat sa tagal at galing ng isang tao sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya, ito ay ibinibigay sa taong nakapagbigay rin ng magandang ehemplo hindi lang dito sa opisina maging sa kaniyang tahanan at pamayanan. Si Manang Loisa ang nararapat na makatanggap nitong parangal dahil sa ipinakita niyang natatanging sipag, tiyaga at determinasyon sa trabaho bilang janitress ay napag-aral at napagtapos niya ang kaniyang limang anak sa kolehiyo. Sa trabaho niyang iyan ay nagawa niyang makapagpatapos ng mga anak na propesyunal. Alam niyo rin ba na dapat ay matagal nang na-promote si Manang Loisa ngunit tinanggihan niya ang promosyon dahil para sa kaniya ay masaya na siya sa trabaho niya? Kaya wala akong nakikitang rason kung bakit hindi siya maaaring makatanggap ng parangal. Isa pa, hindi lang siya maaasahan dito sa opisina, isa rin siyang masipag na tagapagsilbi sa kanilang barangay na kahit mayroon siyang kapansanan ay napagsasabay niya ang trabaho rito at sa kanilang lugar. Tandaan ninyo na hindi mahalaga ang posisyon, ang mahalaga ay nagagawa nang tama at matapat ang trabahong ibinigay sa inyo. Kaya ako, saludo ako sa iyo, Manang Loisa! Ipinagmamalaki kita,” hayag ng may-ari ng kumpanya sabay abot ng plake at sobre na naglalaman ng malaking halaga kay Manang Loisa.

Advertisement

Isang masigabong palakpakan ang iginawad ng mga empleyado kay Manang Loisa. Sa wakas ay nagbunga rin ang kaniyang pagsisikap at pagiging masipag na empleyado sa kanilang kumpanya.

Labis namang napahiya ang apat na babae na nagmamadaling umalis sa lugar na iyon para isalba ang kanilang mga sarili sa kahihiyan.