Ikinagulat ng Lahat ang Pagpapakasal ng Binata sa Matalik na Kaibigang may Pusong Babae; Ikaaantig Nila ang Dahilan Nito

Ikinagulat ng Lahat ang Pagpapakasal ng Binata sa Matalik na Kaibigang may Pusong Babae; Ikaaantig Nila ang Dahilan Nito

HeartbreakingLoveStories

“Diyos ko, anong kalokohan ito?!” sambit ni Lando nang mabasa ang imbitasyon sa kasal ng pamangking si Rodel.

Ikinagulat ng lalaki nang malaman kung sino ang pakakasalan ng pamangkin, kaya agad nitong tinawagan ang binata sa telepono at kinausap.

“Hello, Rodel, ano itong ipinadala mong imbitasyon sa amin ng tita mo? Ano’ng ibig sabihin nito?!”

“S-saka na lamang po kami magpapaliwanag sa mismong araw ng aming kasal, tito. Sana po ay makadalo kayo,” wika ng binata.

“Alam mo ba ang sinasabi mo, hijo? Kasalanan sa Diyos ang gusto niyong mangyari!”

“Buo na po ang desisyon namin, tito. May basbas na rin po nina itay at inay ang kasal namin.”

Mas lalong uminit ang ulo ni Lando sa sinabi ng pamangkin.

“Nababaliw na kayo! Ang mabuti pa ay hintayin ninyo kami riyan. Hindi kami papayag na matuloy ang kasal na ‘yan. Nakakahiya!” anas pa ng lalaki.

“Sorry po tito, pero nakahanda na po ang lahat. Hindi na namin maaaring ikansela ang kasal,” tugon ni Rodel sa kabilang linya.

Namomroblema tuloy ang mag-asawang Lando at Agatha sa nalalapit na kasal ng pamangkin. Kasalukuyan silang nasa Australia at inaasikaso na nila ang ticket pauwi sa Pilipinas. Dahil naipamahagi na ang iba pang imbitasyon ay samo’t sari na ang mga reaksyon ng mga kamag-anak, kakilala at malalapit nilang kaibigan.

“Tito, totoo po ba na ikakasal si Rodel sa kaibigan niyang b*ding?!” gulat na gulat na tanong ng isa sa mga kamag-anak nila na nasa probinsya.

“’Di ba lalaki ang pamangkin mo? Bakit pumatol sa bin*bae? At may balak pang magpakasal? Kasalanan ang gusto nilang mangyari. Bakit kinukunsinti ng mga magulang nila ang kalokohan nila?!” sabad naman ng malapit nilang kakilala.

Kahit ang mga kaibigan ni Rodel ay gulat na gulat din at ‘di makapaniwala sa nalalapit niyang pagpapakasal sa matalik na kaibigang b*ding. Bumuhos ang iba pang negatibong reaksyon mula sa mga ito.

“Ano’ng nakain mo pare at nagawa mo ‘yan? Palagi pa naman tayong sabay na maligo tapos lalaki rin pala ang hanap mo? Siguro ay pinagnanas*an mo rin ako, ano? Kadiri ka!” sabi ng matalik niyang kaibigan.

“Matalino ka pa naman at may pinag-aralan, tapos mababalitaan namin na ikakasal ka sa b*kla? Kasalanan ‘yan sa Diyos, pare. Saka bawal dito sa Pilipinas ‘yan, di ba?” gatol pa ng isa niyang malapit na kaibigan.

Kahit ano pang pagkontra at sabihin ng mga ito ay walang pakialam ang binata. Itutuloy pa rin niya ang kasal dahil mahal na mahal niya ang kaniyang matalik na kaibigan na si Kirby at gusto niyang maging masaya ito. Dahil mahigpit na ipinagbabawal sa Pilipinas ang pagpapakasal ng parehong kasarian ay ginawa na lamang itong pribado, isang beach wedding ang napili ni Rodel para sa kanila ni Kirby.

Makalipas ang ilang araw ay sumapit na nga ang araw ng kasal ng magkaibigan. Kahit labag sa loob ng mga kamag-anak at kaibigan nila ang pag-iisang dibdib na iyon ay dumalo pa rin ang mga ito. Ang ibang hindi sumipot ay mas piniling hindi na lamang pumunta dahil sa sobrang pagkadismaya. Nang dumating ang mag-asawang Lando at Agatha at iba pang mga bisita ay nagtaka ang mga ito. Umiiyak ang mga magulang nina Rodel lalo na ang mga magulang ni Kirby.

“O, akala ko ba ito ang wedding of the year? Bakit kayo umiiyak? Natauhan na ba kayo sa kalokohang ginagawa ninyo?” inis na sabi ni Lando.

Pinahid ni Rodel ang mga luha sa pisngi at hinarap ang mga bisita.

“Alam kong lahat kayo ay ‘di pa rin makapaniwala kung bakit nangyayari ang kasalang ito. Alam ko rin na ang karamihan sa inyo lalo na ang mga mahal namin sa buhay na naririto ay labis na nagagalit at ikinahihiya kami. Ang totoo’y ako ang may gustong matuloy ang kasal na ito. May malubhang sakit ang aking matalik na kaibigan na si Kirby, mayroon siyang kans*r sa dugo at may taning na ang buhay niya. Ang tangi niyang pangarap ay ang maikasal bago man siya pumanaw. Gusto kong pagbigyan ang kaniyang kahilingan kaya ako ang tatayong groom at magpapakasal sa kaniya. Kahit kunwa-kunwarian lang ang kasal na ito, ang mahalaga ay naging masaya ang aking kaibigan bago niya tayo iwan,” hayag ng binata na ‘di na napigilang muling maiyak.

Nang makita ng mga bisita si Kirby ay labis ang naramdamang awa ng mga ito. Payat na payat na ang bin*bae na nakaupo sa wheelchair at halos hindi na makapagsalita.

Lubos na naunawaan ng lahat ang dahilan ng kasalang iyon, kaya imbes na malungkot at umiyak ay nagawa nilang magsaya para sa pinakaimportanteng okasyon sa buhay ni Kirby. Kahit hindi iyon totoong kasal ay maligayang-maligaya sila dahil nakagawa ng paraan ang binata upang matupad ang kahilingan nito.

Napatunayan ni Kirby na handang gawin ng matalik na kaibigan ang lahat, maiparamdam lamang sa kaniya ang pagmamahal nito kahit sa mga huling sandali ng kaniyang buhay.

More Stories