Kinatatakutan ang Matandang Hinihinalang Mangkukulam; Mapanganib nga Kaya Talaga ang Matanda?

Kinatatakutan ang Matandang Hinihinalang Mangkukulam; Mapanganib nga Kaya Talaga ang Matanda?

KarmaMysteryStories

“Criselda, ang tigas talaga ng ulo mo. Sinabi ko nang ‘wag kang maglalapit sa matandang ‘yun. ‘Yan ka na naman, dadalhan mo na naman ng pagkain!” 

Napailing si Criselda sa sinabi ng kapitbahay. Araw-araw ay walang sawa siya nitong sinasabihan na mapanganib ang matandang nakatira sa maliit na kubo sa ‘di-kalayuan.

“Kawawa naman ang matanda. Nag-iisa na lang sa buhay. Bibigyan ko lang naman ng pagkain,” sagot niya sa babae.

Sumimangot ito. “Bahala ka! Kapag minalas ang pamilya mo, ikaw rin!” nakaingos na saad nito.

Diretsong tinahak niya ang daan patungo sa bahay ng matanda. Kahit na maraming tsismis tungkol sa matanda ay hindi siya naniniwala.

Para sa kaniya ay isa lamang itong matanda na nangangailangan ng tulong. Isa pa, kahit ni minsan ay wala naman siyang naranasang kakaiba sa t’wing binibisita niya ang matanda.

Kagaya ng inaasahan niya ay naabutan niya ito na nakatalungko sa labas ng bahay. Mula sa malayo ay kitang-kita niya ang pagsilay ng matamis na ngiti sa labi ng matanda.

“Criselda! Salamat naman at binisita mo ako!” masayang bungad ng matanda.

“‘Nay Linda, nagluto po ako ng paksiw na isda. Hindi ba’t nabanggit mo na paborito mo ito?” aniya sa matanda.

Halos mapapalakpak naman ito sa saya.

“Naku, masarap ‘yan! Bihira na nga ako makakain ng isda. Halika’t kumain tayo!”

Sinabayan niyang kumain ang matanda kahit na ang totoo ay kumain na siya. Alam niya kasi na minsan lamang itong may makasabay kumain.

Salat sa anumang yaman si Nanay Linda ngunit may maliit itong bakuran na tinaniman nito ng gulay at prutas.

Ang mga inaani nito ang naging pangkain ng matanda. Kaya naman kapag may niluluto siya ay dinadalhan niya na rin ito ng makakain.

Madalas din siya makipagkwentuhan sa matanda. Lagi kasi nitong nababanggit na batong-bato na ito sa bahay at wala itong makausap.

Marami kasi ang usap-usapan na may lahing mangkukulam daw ang matanda. Kaya walang naglalakas loob na lumapit dito.

Hindi siya naniniwala roon dahil napakabait ng matanda. Nakilala niya ito nang minsan siyang magawi sa bakuran ng matanda. Dumating sila sa puntong wala silang makain, kaya nang makita niya ang bakuran ng matanda na punong-puno ng gulay ay lumapit siya.

Hindi naman siya pinahindian ng matanda. Sa katunayan,a hanggang ngayon ay madalas siya nitong pabaunan ng gulay at prutas sa t’wing binibisita niya ito.

Kaya naman kaibigan na kung ituring niya si Nanay Linda.

“Naku, napasarap ang kwentuhan natin, ‘Nay. Maggagabi na pala. Uuwi na ho ako, dahil magluluto pa ako ng hapunan,” bulalas niya nang mapansing nagdidilim na.

Lumungkot ang mukha ng matanda.

“Sige, basta bumisita ka ulit, ha?” pakiusap ng matanda.

“Oo naman, ‘Nay. Bibisitahin ulit kita,” pangako niya sa matanda.

Kinabukasan, habang nagluluto siya ng adobong manok ay naalala niya ang malungkot na mukha ni Nanay Linda.

Kaya naman nang maluto ang ulam ay agad niyang ipinagbalot ang matanda.

Nang makarating siya sa bahay ng matanda, ipinagtaka niya na hindi ito nakatambay sa labas ng bahay.

“‘Nay Linda?” pagtatawag niya na sinabayan pa ng katok.

“Criselda…” sagot nito sa tila nanghihinang boses.

Agad niyang itinulak pabukas ang pinto. Naabutan niya ang matanda na nakaratay sa papag.

“‘Nay, ano hong nangyari sa inyo?” nag-aalala niyang usisa.

“P-parang hindi na y-yata ako magtatagal…” utal-utal na anas nito habang nakapikit.

“‘Nay, ‘wag mo namang sabihin ‘yan!” nanlalaki ang matang saway niya sa matanda. 

“May ibibigay ako s-sa’yo. S-sa ilalim ng papag ay may alkansiyang gawa sa lata. K-kunin mo at sa’yo na ‘yan…”

Sinunod niya ang sinabi ng matanda. Agad niya namang nakita ang alkansiyang tinutukoy nito. Luma na iyon at kinakalawang na.

“‘Nay, bakit mo ibinibigay ito sa’kin?” naluluhang tanong niya sa matanda.

“Pasasalamat ko sa’yo ‘yan. Tanda ng pagkakaibigan natin. Nawa ay ‘yan ang magbigay ginhawa sa pamilya mo,” sagot ng matanda.

Napansin ni Criselda ang unti-unting pagbagal ng paghinga ng matanda.

“Maraming salamat sa pagkakaibigan… paalam…” 

Iyon ang huling salita na namutawi sa labi ng matanda bago ito tuluyang nalagutan ng hininga.

Hinawakan niya ang kamay ng matanda habang lumuluha.

“Salamat din sa’yo, Nanay Linda. Magpahinga ka na.” 

Siya ang nag-asikaso ng paglilibing sa matanda. Tila wala rin naman kasing pakialam ang iba dahil nga naniniwala pa rin ang mga ito na isang mangkukulam ang matanda.

Ilang araw matapos mailibing si Nanay Linda ay naalala niya ang alkansya na ibinigay ng matanda.

Nang buksan niya iyon, nakita niya ang ilang pirasong perang papel doon kasama ang maraming barya. Nang bilangin niya ang pera ay umabot din iyon sa higit tatlong libo.

“Hindi ko ito gagastusin. Ito ang mananatiling alaala ni Nanay Linda,” pangako niya sa sarili.

Subalit hindi niya rin natupad ang pangakong iyon dahil nang magkasakit ang anak niya, kinailangan niyang gastusin ang perang pamana ni Nanay Linda dahil wala na siyang ibang mapagkukunan.

Hanggang sa natuklasan niya may itinatago palang lihim ang alkansya.

Kasalukuyan siyang naglilinis nang muli niyang makita ang alkansya. Kinuha niya iyon at bahagya pa siyang nagtaka dahil mabigat iyon gayong nakuha niya na ang laman ng alkansya.

Nang buksan niya ang alkansya, nanlaki ang mata niya nang makita na puno iyon ng pera! Mas marami pa iyon sa dati nitong laman.

“Bakit may laman pa ito? Nagastos ko na ito, hindi ba?” takang-takang tanong niya sa sarili.

Nasa limang libo ang laman ng alkansya! Hindi niya pa rin matukoy kung saan nagmula ang pera.

Gayunpaman, napagdesisyunan siyang itago ang pera sa alkansya.

Subalit muli ay kinailangan niyang gastusin ang pera dahil nawalan ng trabaho ang kaniyang asawa.

At doon niya napagtanto ang hiwaga ng alkansya: kahit anong kuha niya mula roon ay hindi ito kailanman nasaid! 

Naalala niya tuloy ang sinabi noon ni Nanay Linda.

“Pasasalamat ko sa’yo ‘yan. Tanda ng pagkakaibigan natin. Nawa ay ‘yan ang magbigay ginhawa sa pamilya mo.”

Noon niya naunawaan ang ibig ipakahulugan ng matanda. Misteryoso ang alkansya.

Hindi makapaniwala sa ipinamana ni Nanay Linda. Kaya naman araw-araw siyang nagpapasalamat sa matanda. Salamat sa misteryosong alkansya, kailanman ay hindi na sila muli pang maghihikahos!

More Stories