
Dahil sa Inggit kaya Inakit ng Babae ang Lalaking Malapit sa Kaniyang Kasambahay; Luha pala ang Idudulot Nito sa Kaniya
Kilalang suplada at mapagmataas si Leila. Lumaki siya sa mayamang pamilya kaya pakiramdam niya ay angat siya sa iba lalo na sa mga hindi niya ka-lebel sa antas ng pamumuhay.
Nang umuwi siya sa bahay galing sa trabaho ay laking gulat niya dahil may ‘di kilalang lalaki siyang nadatnan sa kanilang sala.
“Sino ka?!” tanong niya.
Napalingon ang lalaki.
“Magandang gabi po. Ako si Clinton, ang bagong houseboy.” sagot nito.
Imbes na batiin din ang kausap ay tinarayan pa ito ni Leila.
“Ikaw ang bagong houseboy namin? Eh, sino naman ang malakas na nagpasok sa iyo at agad kang tinanggap nina mama at papa?”
Napalunok ang binata. Hindi nito inasahan ang isasagot ng dalaga.
“Ah, eh, si Aling Lagring…’yung dati niyong kasambahay,” tugon ng lalaki.
Tinitigan ni Leila si Clinton mula ulo hanggang paa bago tuluyang nagsalita.
“Ah…okay…akala ko’y basta ka na lang nakapasok dito. Hindi kasi ako sanay na may ibang lalaki sa bahay namin. Kung aprubado kay mama at papa ang pagpasok mo rito’y wala naman akong magagawa. Basta ayusin mo lang ang trabaho mo, maliwanag? Ako nga pala si Leila ang nag-iisang anak ng may-ari nitong bahay,” wika ni Leila sa nagyayabang na tono.
“O-opo, makakaasa po kayo, ma’am,” magalang na sagot ni Clinton.
Matapos kilalanin ang bagong houseboy ay nagpasiya na si Leila na pumunta sa kaniyang kuwarto ngunit hindi maalis sa isip niya ang lalaki. Magkahalong emosyon ang nararamdaman niya.
“Ang guwapo ng mokong na ‘yon ah! ‘Yung s*x appeal niya, talagang grabe, nakakatuala! Kaya lang, ‘di kami magka-lebel,” sabi niya sa sarili.
Dahil sa malaki ang pangangatawan at lalaking-lalaki ang dating ni Clinton ay nabuhay ang pagkababae niya ngunit pilit niyang pinaglalabanan ang sarili dahil mataas ang pamantayan niya pagdating sa lalaki, lalo na sa lalaking magugustuhan niya.
“Sayang, hindi ko siya ka-lebel! Kung magkakaroon ako ng boyfriend dapat ay ‘yung kapantay ko ng estado sa buhay — mayaman at mataas ang pinag-aralan,” sabi pa ni Leila sa isip.
Tama nga naman siya, mula siya sa mayamang angkan at nakapagtapos sa prestihiyosong unibersidad samantalang si Clinton ay third year high school lang ang naabot at nagmula lamang sa mahirap na pamilya.
Isang araw, nakita niyang magkausap si Clinton at ang kasambahay nilang si Gera. Ang babae ay ang anak ng dati nilang kasambahay na si Aling Lagring. Nagdesisyon itong huminto na sa pagiging kasambahay dahil mahina na ang katawan nito. Ang pumalit sa posisyon nito ay ang anak nitong si Gera na lihim na kinaiinggitan ni Leila dahil mas maganda ito sa kaniya at mas matalino. Ang totoo’y hindi naman talaga siya matalino, nakapagtapos siya sa kolehiyo sa kilalang unibersidad dahil binayaran niya ang eskwelahan para maka-graduate at magkaroon ng diploma. Sa ngayon ay nagtatrabaho siya sa kumpanya ng mga magulang niya bilang manager kahit kulang ang kaalaman niya rito. Si Gera naman ay masipag mag-aral at working student. Nagtatrabaho ito bilang kasambahay sa gabi at nag-aaral naman sa isang pampublikong eskwelahan sa umaga. Nakaramdam ng inggit at selos si Leila nang makitang sobrang lapit nina Clinton at Gera sa isa’t isa.
“Aba, nag-uusap ang dalawang katulong!” inis na sambit ni Leila sa isip.
Si Clinton at si Gera, parehong anak-pawis pero nang malaman ni Leila na nagkakamabutihan ang dalawa ay hindi na siya natahimik. Isang plano ang naisip niya.
“Sa gagawin ko’y maaagaw ko ang atensyon mo sa buwisit na Gera na ‘yon, Clinton!”
Kinagabihan ay inalok niya ng inuming nakakalasing ang lalaki. Hindi naman ito tumanggi sa paanyaya niya dahil siya ang amo ngunit madaling tinablan ng espirito ng alak si Clinton. Isinagawa na ni Leila ang balak na akitin ito at hindi naman siya nabigo. Lalaki si Clinton at babae siya at pareho silang lasing kaya nangyari ang hindi dapat nangyari. Buong magdamag na ipinaubaya ni Leila ang sarili kay Clinton.
“Ako ang nakauna kay Clinton at hindi ikaw, Gera!” natatawang sabi ni Leila habang nakikipagn*ig kay Clinton.
Ilang buwan ang lumipas ngunit ‘di inasahan ni Leila na ang isang gabing pagkakamali ay magbubunga ng kahihiyan para sa kaniya.
“Positive ang findings… you’re pregnant, Leila!” sabi ng doktor nang minsang magpatingin siya sa ospital dahil bigla na lamang siyang nahilo sa trabaho.
“Huh? H-hindi!” gulat na sambit ni Leila sa nalaman.
Dahil sa nangyari ay hinding-hindi niya matatanggap ang kaniyang sitwasyon. Mas nangibabaw pa rin sa kaniya ang matayog niyang pamantayan. Mas prayoridad pa rin niya na magkaroon ng boyfriend na mayaman at may mataas na pinag-aralan, ang kaniyang ideal man kaya kailangan niyang lumayo at itago kay Clinton ang naging bunga ng isang gabing kamalian nila kahit pa nakahandang panagutan ng lalaki ang nangyari sa kanila.
“I’m sorry, Clinton. Kailangan kong umalis. Pansamantala ay sa Amerika muna ako kasama ang pinsan ko. Gusto kong kalimutan na natin ang namagitan sa atin,” pagpapaalam niya kay Clinton.
“P-pero, paano ang nangyari sa atin? Handa kong panagutan ang namagitan sa ating dalawa,” sagot ng lalaki.
“Lasing tayo nang nangyari ‘yon kaya wala kang pananagutan sa akin. At isa pa, magkaiba tayo ng estado sa buhay. Hindi ko gugustuhin pa na magkaroon pa ng ugnayan sa iyo,” tugon niya sa kausap at tuluyan nang lumayo.
Marahil nga’y niloob ng langit nang manirahan si Leila sa ibang bansa ay ‘di sinasadyang nalagot ang alaalang dulot ni Clinton. Nawala ang sanggol na dinadala niya. Sa nangyari ay napag-isip-isip niya na ipaalam na kay Clinton ang katotohanan.
“Ipapaalam ko na sa kaniya na nalaglag ang naging bunga ng aming kapusukan,” aniya sa sarili.
Ngunit huli na pala ang lahat. Akmang tatawagan niya ang lalaki ay may nabasa siya sa Facebook…
“Huh?! I-ikakasal na sina Clinton at Gera!” gulat na sambit ni Leila sa kaniyang nalaman.
Dahil nga pinili niyang umalis at talikuran ang namagitan sa kanila ni Clinton ay napalapit ulit ang loob ng lalaki sa kasambahay nilang si Gera na noon pa man ay may nararamdaman na sa dalaga bago pa siya dumating sa buhay nito. Ngunit sa kaniyang natuklasan ay matinding sakit sa kalooban ang naramdaman niya dahil ngayon lang niya napatunayan na kapag umibig nang tunay ay masisira ang anumang pamantayan na pilit niyang isiniksik sa kaniyang isip.
“Bakit ngayon pa? Ngayon pang nang mapalayo ka sa akin ay saka ko natiyak na mahal na pala kita, Clinton,” lumuluhang sabi ni Leila na puno ng pagsisisi at panghihinayang.
Kung kailan pa na natutunan niyang mahalin si Clinton ay saka ito nawala sa kaniya. Sinayang niya ang pagkakataon na magkaroon ng masayang pamilya sa piling ni Clinton at ng magiging anak sana nilang dalawa. Sa huli ay natalo pa rin siya ni Gera na isa lamang kasambahay dahil dito pa rin napunta ang lalaking ginamit niya para pasakitan ito, ang lalaking minahal na niya. Napagtanto ni Leila na siya pala ang totoong nasaktan sa ginawa niyang pang-aakit kay Clinton. Walang ibinungang maganda ang inggit niya kay Gera.
Masakit man ang nangyari ay natuto na siya, para kay Leila ay tuloy pa rin ang buhay niya. Bibigyan na lang niya ng konsolasyon ang sarili na sa takdang panahon ay matatagpuan din niya ang lalaking para sa kaniya. Balang araw ay darating din sa buhay niya ang lalaking mamahalin siya anuman ang kaniyang naging nakaraan.