
Isang Dekadang Hindi Umuwi ng ‘Pinas Ngunit Walang Ipon, Saan nga ba Napunta ang Pera ng Lalaking Ito?
“Kuya, may sorpresa ako sa’yo. Saan ka ngayon?” masayang wika ni Lido, bunsong kapatid ni Rene.
“Nagtratrabaho ako ngayon siyempre, anong mayroon at napatawag ka yata?” tanong ni Rene habang nagmamaneho ito ng sasakyan.
“Kuya, nandito ako sa Dubai! Surprise!” sigaw ni Lido sa telepono habang tuwang-tuwa ito. Hindi naman na nakasagot pa si Rene at dali-dali ring sinundo ang kaniyang kapatid sa aiport.
Halos isang dekada ng hindi nakakauwi sa Pilipinas si Rene kaya naman ganun na lang din ang pagkasabik niyang makita ang nag-iisang kapatid nito na iniwan niya sa Maynila nang pumanaw parehas ang kanilang magulang.
“Hindi ba’t kakatapos mo lang sa kolehiyo? Bakit nandito ka? ‘Wag mong sabihin sa’kin na dito mo gustong magtrabaho? Sasayangin mo lang ang diploma mo rito, Lido,” saad ni Rene sa kaniyang kapatid.
“Ayun nga kuya, tapos na ako ng kolehiyo, ibig sabihin may napatapos ka na. Alam mo naman, nakakastress ang mag-aral kaya naisip kong magkabakasyon muna ng ilang buwan dito sa Dubai kasama ka! Ayaw mo ba nun? Ayaw mo kasing umuwi ng Pilipinas kaya naman ako na ang nagpunta rito,” sagot sa kaniya ni Lido.
“Nakakapagod pa ang mag-aral niyan? Baka dagukan kita, Lido! Hindi madali ang buhay rito kung sa akala mo!” natatawa-tawang saad nito sa kapatid.
“Ayos lang ‘yan, big time naman ang kuya ko!” muli pang sagot ni Lido rito at natawa na lamang si Rene sa kaniyang kapatid.
Lumipas pa ang ilang linggo hanggang sa umabot na ng dalawang buwan ay puro palabas ang pera ni Rene na siya niyang kinakabahala. Kahit nga tatlo na ang kaniyang trabaho ay todo kayod pa rin ito.
“Lido, dalawang buwan ka na rito sa Dubai. Hindi naman sa pakikialam, pero ano bang balak mo?” seryoso nitong tanong sa kaniyang kapatid.
“Si kuya naman, dalawang buwan pa lang nga tayong magkasama e halos sampung taon tayong hindi nagkita! Nagsasawa ka na kaagad sa’kin? Isa pa, hindi ba marami ka namang ipon. Kaya mo pa naman siguro kahit hindi ka nga muna magtrabaho para naman makapamasyal tayo. Mag-tour naman tayo, kuya, palagi na lang tayong umaalis sa bakanteng oras mo. Nabuburyo na rin ako kakalaro rito sa bahay ng PS4,” wika ni Lido habang nakataas pa ang paa nito.
“Anong pinagsasabi mo, Lido, na maraming ipon? Hindi ba’t pinag-aral kita sa Pilipinas, pinapasok sa magandang kolehiyo at ngayon ay nagbabakasyon dito sa Dubai na akala mo milyonaryo ako,” baling ni Rene at hindi na niya napagilan pa ang sarili sa pagtaas ng boses nito.
“Bakit? Tatlo ang trabaho mo rito tapos sakto lang pinapadala mo sa akin sa ‘Pinas. Minsan nga ay nanghihiram pa ako kina tita dahil kulang. Sabi nila puntahan daw kita rito dahil baka may pamilya ka na kaya hindi ka makapagpadala ng malaking halaga. Pero wala naman, napakagahaman mo naman yata sa pera, kuya, at halos hindi ka na nagpapahinga sa kakatrabaho mo. Wala ka namang naiipon,” baling na rin ni Lido rito.
“Kaya ka ba pumunta rito para bilangin kung magkano ang kinikita ko? Para masigurado kung may binubuhay na ako at mara malaman kung may ipon ba ako? Anong klaseng kapatid ka, Lido?” galit na sagot ni Rene sa kapatid.
“Ikaw ang anong klaseng kuya! Mas pinili mong magpadala na lang ng pera kaysa sa makasama ako sa loob ng sampung taon. Sampung taon kong tiniis na maging saling pusa sa pamilya nila Tita Malou dahil wala ka at wala na sila mama at papa. Mas pinili mo ang pera kaysa sa pamilya at ngayon na nandito ako ay parang gusto mo na akong ipagtabuyan. Sampung taon kang nandito, kuya, wala kang ipon? Ano ‘yun? Kalokohan?” galit na rin na sumagot si Lido saka siya umalis. Hindi na sinundan pa ni Rene ang kapatid dahil na rin sa sama ng kaniyang loob.
Pinili ni Lido ang mamasyal na lamang at kumain sa kung saan man siya abutin ng kaniyang mga paa at kung saan maraming Pilipino. Hanggang sa may tumawag sa kaniya.
“Lido? Lido, ikaw nga! Ikaw ‘yung kapatid ni Rene ‘di ba? Sakto, baka naman pwedeng pakibigay ito sa kuya mo para naman hindi na siya pumunta pa rito. Sabihin mo salamat, ha,” saad ng isang aleng nagtitinda ng pagkain sa isang bangketa ng Dubai.
“Kilala niyo po ako? Paano niyo ako nakilala at para saan itong pera na ibibigay ko kay Rene?” tanong niya rito.
“Naku, kilalang-kilala ka rin dito sa Dubai kasi wala namang ibang binibida ang kuya mo kung hindi ikaw. ‘Yang pera ay bayad ko sa kaniya, salamat talaga sa inyong dalawa,” sagot nito sa kaniya.
Naguguluhan man ngunti mas pinili pang magtanong ni Lido sa ilang Pinoy na naroon at doon niya nalaman na takbuhan ang kaniyang kapatid ng mga kapwa Pilipinong nangangailangan ng pera. Doon niya rin napag-alamanan na kaya pala hindi nakakauwi ang kaniyang kapatid dahil sa palaging sumasabit ang pera nito para sa mas nangangailagan.
“Pag-uwi mo sa ‘Pinas, dito ka na umuwi. Bahay natin ‘yan,” wika ni Rene nang makauwi ang kaniyang kapatid. Hindi na sumagot pa si Lido at niyakap na lamang ito. Ngayon alam niyang mabuting tao ang kaniyang kapatid at isang maasahang kuya. Pag-uwi ni Lido sa ‘Pinas ay kaagad niyang inasikaso ang bahay na pinatayo ng kaniyang kapatid at nagtrabaho na ring maigi. Pangarap niyang pauwiin na ito nang magkasama na sila kaya naman magsisikap na siyang makahanap ng magandang trabaho upang maibalik ang lahat ng sakripisyong ibinigay ng kuya niya sa kaniya.