Ilang Taong Nanatili sa Piitan ang Lalaki; Sa Kaniyang Paglaya, Mararanasan Niya ang Diskriminasyon ng Lipunan

Huminga ng malalim si Mang Ramon at pinagmasdan ng mabuti ang kaniyang paligid. Halos dalawang taon din niyang hindi nakita ang mundo sa labas ng kulungan. Isang dating security guard si Mang Ramon sa isang bodega ng mga mamahaling gamit ng isang malaking kompanya.

Kakalaya niya lamang matapos pagbayaran ang kasalanang hindi niya naman ginawa. Napagbintangan siyang nagnanakaw ng mga gamit sa bodegang kaniyang binabantayan. Sinubukan mang depensahan ang kaniyang sarili ay wala pa rin siyang nagawa dahil hindi naman siya pinakinggan ng mga ito. Mabuti na lamang at hindi natutulog ang batas at sa huli ay napawalang sala rin siya.

Matapos makalaya ay agad din namang naghanap ng trabaho si Mang Ramon dahil may pamilya din siyang binubuhay. Ngunit sa kasamaang palad ay walang may gustong tumanggap sa kaniya dahil na rin sa nagkaroon na siya ng crim*nal record. Hindi malaman ni Mang Ramon ang gagawin. Kinakailangan niyang makahanap ng trabaho para buhayin ang kaniyang pamilya. Lalo na’t may mga anak pa siyang nag-aaral.

“Kahit anong trabaho basta ba’t marangal ay papatusin ko na talaga. Kailangan ko lang kasi talaga pre,” paki-usap ni Mang Ramon sa kaibigan.

“Pasensiya na pare pero hindi kita maipapasok sa’min. Gustuhin ko man pero siguradong hindi ka tatanggapin dahil sa crim*nal record mo,” sagot naman ng kaibigan ni Mang Ramon sa kaniya.

“Sige, okay lang, Naiintindihan ko. Pasensiya na sa abala,” ani Mang Ramon bago ito umalis.

Habang patuloy na naghahanap ng trabaho ay naisipan ni Mang Ramon na maglako ng mga ballpen at ibenta ito sa mga estudyanteng nakakasalubong o nakikita sa mga kainan. Nagbibigay siya ng isang munting sulat na nagpapahiwatig ng kaniyang sinapit at kalagayan. Minsan din sa dyip o tren na kaniyang nasasakyan.

Nahihiya mana ay wala ng ibang paraang naiisip si Mang Ramon para kahit paano ay kumita sa malinis at marangal na paraan.

Advertisement

Isang araw habang naglalakd si Mang Ramon ay may nakita siyang mga binatilyo sa gilid ng isang kilalang unibersidad sa Maynila. Lumapit siya sa mga ito upang pagbentahan sana ito ng kaniyang nilalakong mga ballpen. Laking gulat niyang may isang binata na halos nakahandusay sa sahig. Itinulak ito ng mga kasamahan kanina.

“Hoy ano yan?!” sigaw ni Mang Ramon sa mga binatilyo na agad namang nagtakbuhan ng marinig ang sigaw niya.

Dali-dali niyang pinuntahan ang binatang nakahandusay sa sahig. Putok ang ibabang parte ng labi nito at may pasa sa pisngi. Mukhang binugbog ang binata ng mga binatilyong kaniyang nakita. Binuhat niya ang binata at dinala sa pinakamalapit na hospital. Hindi siya umalis hanggang sa hindi dumarating ang pamilya o mga magulang ng bata. Gusto niyang tiyaking nasa mabuti na itong kalagayan bago siya umalis.

Nang nagkamalay na ang binata ay sinubukan niya itong kausapin.

“Hijo, ano ba ang nangyari at nabugbog ka nang ganyan?” tanong niya sa binatilyong nakahiga pa sa kama. Tumingin naman sa kaniya ang binatilyo at tinanong kung sino siya at kung ano ang nangyari at naroroon siya.

“Ah, ako nga pala si Ramon. Naglalako ako ng mga paninda kong ballpen na ito nang makita ko kayo sa gilid ng unibersidad. Lalapit sana ako sa inyo para pagbentahan kayo ng ballpen pero laking gulat ko nang makita kitang nakahandusay na sa sahig at may dugo sa mukha,” pagpapaliwanag niya sa banatilyo. Agad namang napa-isip ang binatilyo.

Agad din namang nagsidatingan ang mga magulang ng binatilyo kaya umalis na rin si Mang Ramon at ipinagpatuloy ang paghahanap at paglalako ng mga ballpen.

Makaraan ang ilang araw ay bigla na lamang siyang nakatanggap na tawag galing sa isang malaking kompanya. Laking gulat naman ni Mang Ramon na tinawagan siya ng mga ito dahil hindi naman siya nag-apply sa kompanyang iyon. Hindi nga siya matanggap sa maliliit na mga tindahan lamang dahil sa record niya, paano pa kaya kung sa malalaking kompanya.

Advertisement

May pag-aalinlangan mang nadarama ay pinuntahan pa rin iyon ni Mang Ramon. Nagbabakasali na swertehin na siya. Laking tuwa niya nang maipasa niya ang lahat ng mga interview at pagsusulit.

Sa wakas, may trabaho na siya! Labis na saya at kagalakan man ang nadara ay hindi pa rin maiwasan ni Mang Ramon na mapa-isip sa kung paano nangyari ang mala-himala niyang pagkakaroon ng trabaho. Nagpunta naman agad si Mang Ramon sa simbahan at nagsindi ng kandila bilang pasasalamat sa Diyos sa biyayang natanggap.

Umuwi siya sa kanila at masayang ibinalita sa kaniyang pamilya ang pagkakatanggap niya sa trabaho. Pagkaraan ng isang linggo ay nagsimula na siyang magtrabaho bilang isang sekyu sa kompanyang tumanggap sa kaniya. Bilang kapalit ng kabutihang loob at pagtanggap sa kaniya ay pinag-iigihan talaga ni Mang Ramon ang kaniyang trabaho. Wala siyang planong biguin o sayangin ang pagkakataong ibinigay sa kaniya.

Laking gulat niya na lamang nang isang araw ay bigla niya nalang nakita ang binatilyong kaniyang tinulungan. Lumapit ito sa kaniya at nagpasalamat sa tulong na kaniyang iginawad rito.

“Maraming salamat po Mang Ramon. Kung hindi dahil po sa inyo hindi ko po alam kung nasaan na po ako ngayon o kung humihinga pa ba ako,” malugod na pahayag ng binatilyo sa kaniya.

“Naku, wala po yun sir. Pero sino nga ba ang mga iyon at bakit nila nagawa iyon sa inyo?” tanong niya naman sa binatilyo.

“Wag na po kayong mag-alala at naturuan na naman po sila ng leksyon. Mga batang walang magawang matino lamang sa buhay nila ang mga iyon. Pinipilit kasi nila akong sumama sa kanila at sumama sa mga maling gawain. Tumanggi naman ako kaya pilit nilang nilang kinukuha ang wallet ko at nang hindi ko ibinigay ay pinagtulungan na nga nila ako hanggang sa nakita mo na kami,” sagot nito sa kaniya.

“Mabuti naman kung ganoon. O s’ya at pumasok ka na. Ay, maiba ako at kung ‘di mo masasamain eh ano ba ang ginagawa mo rito? Dito ba nagtratrabaho ang mga magulang mo?” tanong naman ni Mang Ramon sa binatilyo. Bahagya namang natawa ito at sumagot.

Advertisement

“Opo. Mga magulang ko po ang may-ari ng kompanyang ito,” nakangiting sagot nito at kinindatan siya.

“Ibig sabihin…” hindi na pinatapos pa ng binatilyo si Mang Ramon.

“Opo. At kilala na po kita bago pa man nangyari ang pagtulong mo sa akin. Nakikita kitang naglalako ng mga ballpen sa labas ng aming unibersidad. Alam ko na ang kwento mo,” hinawakan siya nito sa balikat, “huwag niyo sanang sayangin ang pagkakataong ito Mang Ramon. Sana po ay makapagsimula na kayo ng maayos.”

Naluha naman si Mang Ramon sa kaniyang nalaman. Tunay ngang basta malinis ang iyong kalooban at patuloy na magpursigi ay darating din ang biyaya sa iyo.

“Naku, maraming salamat po sir! Pangakong pagbubutihan ko po talaga ang aking trabaho. Hindi ko po kayo bibiguin!” puno ng emosyong pangako ni Mang Ramon.

“Aasahan ko po yan Mang Ramon, goodluck po!” nakangiting sagot sa kaniya ng binatilyo bago pumasok sa kompanya ng kaniyang mga magulang.

Gaya ng kaniyang ipinangako sa binatilyo at sa sarili ay pinagbutihan ni Mang Ramon ang kaniyang trabaho. Nakapagsimula siyang muli. Nabigyan niya ng maayos na buhay ang kaniyang pamilya at napag-aral ang kaniyang mga anak sa marangal na paraan.

Maraming pagsubok man ang dumating sa buhay ni Mang Ramon ay pinili niya paring maging tapat at marangal sa kabila ng lahat ng iyon. Nawa’y tularan natin siya at piliing maging mabuting tao sa kabila ng mga paghihirap na ating nararanasan sa buhay.