Inday TrendingInday Trending
Namumulot Lang ng Basura ang Dalagita para Magkapera; Sa ‘Di Inaasahang Pagkakataon ay Magbabago ang Takbo ng Buhay Niya

Namumulot Lang ng Basura ang Dalagita para Magkapera; Sa ‘Di Inaasahang Pagkakataon ay Magbabago ang Takbo ng Buhay Niya

Maaga pa lang ay gising na si Rona upang magtrabaho. Kahit kumakalam ang sikmura dahil sa gutom ay tiniis niya muna ang nararamdaman. Siya ay gumayak na papunta sa tambakan ng mga basura para mangalakal.

Araw-araw ay namumulot ng mga basura si Rona para kumita. Kapag nakuha na niya ang perang kinita ay saka lang siya makakabili ng pagkain.

“Ayan, makakabili na ako ng biskwit at tinapay. Puwede na ito hanggang mamayang gabi,” wika niya sa sarili.

Nang makapagpahinga ay agad niyang kinuha ang isang lumang libro at siya’y nagbasa. Napulot niya ang librong iyon habang namumulot siya ng basura. Marunong siyang magbasa at sumulat. Nakatuntong si Rona sa elementarya ngunit nahinto sa pag-aaral dahil pumanaw ang kaniyang ama sa isang malubhang sakit. Sumakabilang buhay na rin ang nanay niya nang siya’y ipanganak. Mag-isa na lang niyang binubuhay ang sarili.

“Balang-araw ay makakapag-aral din ako at magkakaroon ng magandang trabaho,” sabi niya sa isip.

Nang sumunod na araw, habang naglalakad siya papunta sa tambakan ng basura ay may nakita siyang batang lalaki na pilit kinukuha ang hawak na bag ng isang babae.

“Akin na ‘yan! Ibigay mo ‘yan sa akin!” sabi ng batang lalaki.

“Bitawan mo ang bag ko, bata!” sigaw naman ng babae.

Namulot si Rona ng mahabang kahoy at patakbong sinugod ang batang isnatcher.

“Hoy, bata, bitawan mo ang bag niya kundi ay ipupukpok ko itong kahoy sa ulo mo!” malakas niyang sambit sa bata.

Nang makita siya ng bata ay mabilis itong tumakbo palayo.

“Naku, maraming salamat sa tulong mo, bata! Muntik na niyang makuha ang bag ko,” pasasalamat ng babae.

“Walang anuman po, ma’am. Mag-ingat po kayo dahil marami pong batang mandurukot dito.”

“Ano nga palang pangalan mo, bata?”

“Ako po si Rona. Mabuti na lang po at nakita ko kayo. Papunta na sana ako sa trabaho ko,” tugon niya.

“Ang bata mo pa nagtatrabaho ka na?!” gulat na tanong ng babae.

“Opo. Namumulot po ako ng mga basura at ibinebenta para magkapera ako.”

“Nag-aaral ka pa ba?”

“Nahinto na po ako sa pag-aaral mula nang pumanaw ang aking mga magulang.”

“Kawawa ka naman. Ang mabuti pa ay sumama ka sa akin. Ako nga pala si Lucy. Nagtatrabaho ako sa isang non-government organization na tumutulong sa mga kabataan na makapag-aral nang libre.”

Isinama siya ng babae sa opisina nito at tinulungan siyang makakuha ng scholarship para muling makapag-aral.

“Mula ngayon ay hindi ka na mamumulot ng mga basura para kumita, tutulong ka na lamang sa mga gawain dito sa opisina. Bukod sa allowance na nakukuha mo para sa iyong pag-aaral ay susuwelduhan ka namin sa pagtatrabaho mo rito,” sabi ni Lucy.

“Salamat po sa ibinigay niyong pagkakataon sa akin, Ma’am Lucy,” sambit ng dalagita.

Hindi sinayang ni Rona ang magandang pagkakataon na ibinigay sa kaniya ni Lucy at ng organisasyon na tumulong sa kaniya para muling makabalik sa pag-aaral. Kaya naman habang nag-aaral ay pinagbutihan niya sa klase kung saan ito ang naging susi upang siya’y makapagtapos bilang Valedictorian sa elementarya at high school sa mga pinasukang eskwelahan. Dahil doon ay muli siyang nakatanggap ng scholarship sa kolehiyo.

“Congratulations, Rona, ipinagmamalaki kita!” masayang bati ni Lucy.

“Utang ko po sa inyo ang lahat, ma’am. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi ko narating kung anuman po ako ngayon.”

“Hindi, Rona. Narating mo ‘yan dahil matalino kang bata at dahil sa iyong determinasyon na makapagtapos sa pag-aaral kaya mo nakamit ang tagumpay. Nakikita kong malayo pa ang mararating mo kaya ipagpatuloy mo lang ‘yan!”

‘Di nagtagal ay nakapagtapos din siya sa kolehiyo bilang Summa Cum Laude. Sa kaniyang pag-akyat sa entablado para sa pagbibigay ng mensahe sa iba pang nagsipagtapos ay sinabi niya ang gusto niyang iparating.

“Hindi ko makakamit ang lahat ng mayroon ako ngayon kundi dahil sa tulong ni Miss Lucy at ng kaniyang organisasyon na tumutulong sa mga kabataang gaya ko na makapag-aral. Binigyan nila ng pag-asa ang isang tulad ko na mabago ang buhay at makamit ko ang aking pangarap. Sa lahat ng aking narating ay ipinagmamalaki ko pa rin ang aking pinagmulan at kung saan ako nanggaling. Hindi ko kailanman makakalimutan at ikahihiya na minsan ay namulot ako ng mga basura dahil ito ang dahilan upang ako’y magtagumpay. Nakahanda ko pa ring balikan ang aking pinanggalingan dahil doon ako unang natuto at naging matatag sa hamon ng buhay,” wika ni Rona sa kaniyang mensahe.

Nagsipalakpakan ang lahat sa sinabi ni Rona. Tuwang-tuwa naman sa kaniya si Lucy dahil sa pagsusumikap niyang makapagtapos ng may karangalan.

Sa kasalukuyan ay isa ng ganap na Certified Public Accountant si Rona sa isang malaking kumpanya sa bansa. Kahit malayo na ang pamumuhay niya sa pamumulot ng mga basura sa tambakan ay habangbuhay pa rin niyang ipagmamalaki ang naging buhay niya noon.

Patunay lang ang narating ni Rona na ang bawat pagsubok ay kayang malagpasan kung may matatag na pananalig at tibay ng kalooban na hindi sumuko sa buhay. Kapag dumating ang swerte ay huwag nang pakakawalan at gawin ang lahat upang ito ay pagtagumpayan.

Advertisement