Inday TrendingInday Trending
Ilang Araw Nang Palaboy ang Lalaking Ito, Hindi Niya Akalain Kung Sino ang Tutulong sa Kaniya sa Huli

Ilang Araw Nang Palaboy ang Lalaking Ito, Hindi Niya Akalain Kung Sino ang Tutulong sa Kaniya sa Huli

“Pwede bang makahingi kahit isang basong palamig lang?” panglilimos Ynok sa nagtitinda ng iba’t-ibang klase ng inumin sa harapan ng isang eskwelahan.

“Naku naman, umalis ka nga rito, ang baho mo! Baka kumapit lalo ‘yung amoy mo sa mga inumin ko! Baka mas lalo akong mawalan ng benta dahil sa’yo!” sigaw ng tindera sa kaniya.

“Ilang araw na po akong walang kinakain,” pakiusap pang muli ni Ynok dito ngunit mas lalo lamang siyang pinagtatabuyan nito kaya naman sinubukan niya ang iba pang tindera na kahilera lamang ng babae ngunit sa kasawaing palad ay wala ring nagmagandang loob sa binata.

“Alam mo, nung isang araw pa kita nakikitang namamalimos dito. Wala ka na bang ibang pupuntahan?” wika ng isang lalaking lumapit sa kinauupuan ni Ynok.

Saglit na hindi sumagot si Ynok at tiningnan ang lalaki na mukhang katulad lang din niyang namamalimos.

“Nangangalakal ako ng mga basura, baka gusto mong sumama sa akin? Wala ka talagang makukuha sa mga tao rito, kilala ko na ang mga iyan. Kapag wala kang pera ay hinding-hindi ka nila papansinin kaya naman kung gusto mo ay sumama ka sa akin. Malapit lang naman ang pupuntahan natin,” yaya pang muli ng lalaki sa kaniya.

Hindi pa rin nagsalita si Ynok at tumayo lamang ito at tumango saka sumunod sa lalaki. Tahimik lamang si Ynok na nakikinig sa mga kwento ng lalaki at may kaunti man siyang kabang nararamdaman ay sumunod pa rin siya rito. Hinto, pulot ng basura, kwento at paulit-ulit lamang na ganoon ito sa kaniya hanggang sa makarating sila sa bundok ng mga basura.

“Ito ang totoong yaman!” sigaw ng lalaki saka lumanghap sa hangin na napakasangsang ng amoy.

“Mukhang ngayon ka lang nakarating sa payatas, taga saan ka ba at paano ka napadpad sa lugar na ito?” tanong pang muli ng lalaki sa kaniya habang abala pa rin ito sa pangangalkal ng basura.

“Ako nga pala si Marco, dito na ako lumaki. Basura na ang kinagisnan kong yaman at mas marami pa akong nakukuhang pera, pagkain at kung ano-ano pa rito kaya huwag kang matakot. Hindi kita aanuhin,” natatawang sabi pang muli ng lalaki sa kaniya.

Hindi pa rin nagsalita si Ynok at labis na namamangha pa rin sa pangangalakal ni Marco.

“O, tingnan mo ito, mukhang swerte ka ngayong araw kasi nakabalot pa ang pagkain na ito. Kaunting init lamang at panglaman tiyan na, tara sama ka,” yaya pang muli sa kaniya ni Marco at tahimik pa rin na sumunod si Ynok.

Nakarating siya sa bahay ng lalaki na pinagtagpi-tagping yero at tinabunan ng sako. May de-uling na lutuan at kaagad na pinabaga ng lalaki saka inilagay ang kawali.

“Pa-panis na ‘yan,” mahinang sabi ni Ynok sa kaniya habang binubulatlat ni Marco pagkain na mula sa basura.

“Siyempre naman panis na talaga! Bago pa man ito makarating dito sa kaharian ko ay sira na ito pero pwede pa naman. Magaling akong magluto ng ganito,” masayang sagot ni Marco sa kaniya.

“Ano kasi, hindi pa ako kailanman kumain ng ganiyan. Baka hindi kayanin ng tiyan ko,” nag-aalinglangang sabi ni Ynok sa lalaki at kaagad siyang yumuko at hinawakan ang kumakalam niyang sikmura.

“Sige na nga, tutal tatlong araw ka na kamong hindi kumakain. O, ito, isang daan ito, ikaw na lang bumili ng pagkain mo. Balikan mo nalang ako kung gusto mo rito o kaya kung wala kang mapuntahan,” wika ni Marco saka iniabot ang isang daang piso kay Ynok na may ngiti sa kaniyang labi.

“May pera ka? May pera ka naman pala e bakit hindi ka kumain ng masarap? Bakit binibigay mo ito sa akin?” nagtatakang tanong ni Ynok at hindi pa rin tinanggap ang pera.

“Mahirap kitain ang pera at mas madaling maghanap ng ganitong panlaman tiyan kaya naman sa’yo na ‘yan. Alam kong nagugutom ka na. Tulad nga ng sabi sa bibliya, bigyan ng pagkain ang mga nagugutom at tulungan ang mga nangangailang. Sige na, tanggapin mo na, wala ‘yan, sus, marami akong pera huwag kang mag-alala,” pagpupumilit pang muli ni Marco sa kaniya kahit ang totoo ay wala naman talaga siyang pera at benta niya iyon sa tatlong araw na pangangalakal.

“Paano ka?” nahahabag na tanong ni Ynok dito.

“‘Wag mo akong isipin, kikitain ko rin ulit ‘yan. Isa pa, alam ko ang pakiramdam na nagugutom at walang tumutulong. Mas lalong alam ko rin ang ikot ng sikmura kapag hindi sanay kumain ng ganito. Baka kulang pa ‘yang hawak mo kapag sumakit ang tiyan mo,” malakas na tawa ni Marco sa kaniya.

Kinuha ni Ynok ang pera at saka umalis. Patuloy pa rin sa pagluluto si Marco at masaya pa itong sumisipol.

Ilang minuto lamang ang lumipas at biglang bumalik si Ynok na may dalang mga grocery at pera. Hindi nakapagsalita si Marco at tila naguguluhan sa kaniyang nakikita.

“Halos tatlong araw akong naghanap ng good samaritan ngunit wala talagang tumulong sa akin. Kaya naman sobra akong humanga sa’yo nang ipakita mo sa akin ang mundo mo at hindi ka man lang nagdamot sa akin. Hindi man ako isang milyonaryo o artista pero nawa’y makatulong ang munting tulong na ito,” sabi ni Ynok sa kaniya at niyakap siya nito at napaluha pa ang binata. Hindi nakapagsalita si Marco at napaluha na lamang din siya.

Buong akala ni Ynok na mayroon at marami pa rin ang may mabuting puso na tumutulong sa mga pulubi ngunit sa tatlong araw niyang paghihintay ay hindi niya lubos akalain na sa isang katulad pa ni Marco siya makakatangap ng busilak na tulong.

Simula noon ay naging matalik na magkaibigan ang dalawa.

Advertisement