
Inalagaan ng Mag-asawa ang Isang Batang Palaboy na Ipinagpalagay Nilang Pipi Matapos Nila Itong Matagpuang Nakahandusay sa Labas ng Kanilang Bahay; Tuluyan na Nga Ba Nila Itong Ampunin?
“Kumuha ka nga ng makakain at maiinom, Agnes, at kawawa naman ang batang ito…”
Pinaupo ni Herbert ang batang lalaking sa tantiya niya ay walong taong gulang, na nakita niyang natutulog sa kanilang tarangkahan. Kanina pa nila kinakausap ang bata subalit hindi ito nagsasalita. Ipinagpalagay nilang may diperensya ito sa pagsasalita: isang pipi.
“Heto, heto na… pakainin mo na rin ng cookies,” saad ni Agnes. Iniabot niya ang baso ng gatas at cookies na siya mismo ang nag-bake.
Gutom na lobo ang batang lalaki dahil sinagpang kaagad nito ang cookies. Gutom-gutom. Awang-awa namang pinagmasdan nina Herbert at Agnes ang bata. Tila umusbong sa kanilang mga puso ang kalungkutang matagal na nilang nararamdaman. Tatlong taon na silang nagsasama bilang mag-asawa ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin sila binibiyayaan ng supling, kahit na gustong-gusto na nilang magkaroon nito.
“Ano kayang nangyari sa batang ito? Palagay ko, mga isa o dalawang linggo na itong naninirahan sa kalsada,” saad ni Herbert. Mataman niyang pinagmasdan ang bata. Marungis at sira-sira na ang mga damit nito.
“Mabuti pa, paliguan mo siya at pagpalitin mo ng damit. Mabuti na lang may mga naiwang damit dito si John Andrei, puwede niyang magamit,” sabi naman ni Agnes. Si John Andrei ang pamangkin ni Agnes na minsan ay nakikitulog sa kanila.
Matapos makakain, pinaliguan na nga ni Herbert ang bata. Nagulat sila sa maamong mukha, makinis at maputing kutis nito.
“Mukhang mayaman ang batang ito, Agnes. Pero bakit kaya hindi nagsasalita? Baka pipi,” pabulong na sabi ni Herbert sa misis.
“Oo nga eh. Anong gagawin natin sa kaniya?”
“Mabuti pa, magtatanong-tanong ako sa munisipyo kung may nawawalan ba ng anak. Sa ngayon, dumito muna siya dahil mas ligtas. Baka hinahanap na rin ito sa kanila.”
Gayon na nga ang ginawa ng mag-asawa. Habang nasa kanila ang bata, itinuring nila itong tila tunay na anak. Sarap na sarap naman ang bata sa mga niluluto ni Agnes. Makikita ang nakabadhang kasiyahan nito sa tuwing may pasalubong si Herbert pag-uwi mula sa trabaho. Tuwing Sabado at Linggo, ipinapasyal nila ang bata sa mall at parke upang makasagap ng sariwang hangin. Masaya naman ito, ngunit hindi talaga nagsasalita.
Unti-unti, napapamahal na ang bata sa kanila, na tinawag nilang Angelito.
“Mahal, hindi tama ito… Paano kung nawawala si Angelito at kailangan natin siyang ibalik sa mga tunay niyang magulang?” saad ni Herbert sa kaniyang misis.
“Pero paano kung si Angelito na ang sagot ng Diyos sa ating mga panalangin? Pakakawalan na lamang ba natin siya?” tugon naman ni Agnes.
Naputol ang kanilang pag-uusap nang marinig nilang umiyak si Angelito sa silid nito. Agad nila itong pinuntahan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita si Angelito ng “Mama!” “Mama!” habang nakatingin sa isang babaeng umiiyak na nananawagan sa isang public service program sa telebisyon.
“Maawa na po kayo, kung nakita po ninyo ang anak kong si Jhonie Ursais, 8 taong gulang, ipagbigay-alam po lamang ninyo sa amin… nananawagan po ako lalo na sa sindikatong kumuha sa kaniya…”
“Anong gagawin natin, Mahal? Siya pala ang magulang ni Angelito,” tanong ni Herbert. Napasulyap sila kay Angelito na noon ay hindi matigil sa pag-iyak nang makita nito ang tunay na ina.
Kinabukasan, minabuti nilang ipakonsulta ang bata sa isang speech pathologist upang ipasuri ang kalagayan ni Angelito. Hindi pala ito pipi kundi nagkaroon umano ng trauma sa bata dulot ng matinding stress, kaya hindi ito nakapagsalita.
Kaya naman nakapagdesisyon na ang mag-asawa. Agad silang nakipagtulungan sa mga awtoridad upang makipag-ugnayan sa tunay na mga magulang ni Angelito, upang maisauli ito.
“Maraming-maraming salamat po sa inyo! Salamat at napunta sa mabubuting mga kamay ang aking anak na si Jhonie!” pasasalamat ng ina nito nang maganap na ang pagsauli kay Angelito sa kaniyang tunay na ina.
Kasama pala si Angelito, o Jhonie sa tunay na pangalan, sa mga batang nakatakas sa sindikatong nangunguha ng mga bata upang ipagbenta ang mga lamanloob, partikular na ang bato o atay, sa mga ospital. Mabuti na lamang at nakatakas ito.
Masaya sina Herbert at Agnes na kahit paano, ipinaramdam sa kanila ni Angelito kung paano maging magulang. Ipinasya nilang mag-asawa na huwag nang kuwestyunin ang Diyos kung bakit hanggang ngayon, wala pa silang sariling supling. Ipinaubaya na lamang nila ang lahat sa Kaniya.
Hanggang isang araw…
“Mahal, may ipakikita ako sa iyo…” sabik na sabi ni Agnes sa kaniyang mister. Nasa likod niya ang kaniyang mga kamay, tila may itinatago.
“Ano iyon, mahal?”
Sa halip na sumagot, iniabot ni Agnes ang kaniyang hawak. Isang maliit na puting bagay na may dalawang guhit.
“Ang ibig sabihin nito ay…” hindi makahinga at makapaniwala si Herbert. Tumango-tango lamang si Agnes habang nakangiti at naiiyak. Nagyakap silang mag-asawa.
Sa labis na kasiyahan, kinarga ni Herbert ang kaniyang misis: sa wakas, magiging tunay na Daddy na siya!