Nagkaroon ng Ibang Pinagkakaabalahan at Dagdag na Kita ang Ama; Tutuklasin Ito ng Kaniyang mga Anak—Sakay ng Kanilang Kalabaw

“Mga anak, may pasalubong akong istapegi!”

Nagtatakbo ang magkapatid na Darwin at Nicolas sa kanilang itay si Mang Nestor na isang magsasaka. Bibihirang pagkakataon na may uwi itong pasalubong na “istapegi” o tawag nila sa spaghetti. Ibig sabihin, may pera ang kanilang itay mula sa ani.

Jollibee menu, price, taste test, review - Business Insider

“Itay, nagpunta po kayo sa bayan?” inosenteng tanong ng panganay na si Darwin, anim na taong gulang, habang namumuwalan ang bibig sa pagkain ng biniling spaghetti ng kanilang itay mula sa sikat na fast food chain para sa mga bata.

“Kain lang nang kain mga anak,” nakangiting sabi ni Mang Nestor. Chicken meal naman ang ibinigay niya sa kaniyang misis na si Aling Auring, na pitong buwang buntis.

“Kumusta ang bago mong trabaho sa bayan?” pabulong na untag ni Aling Auring sa mister.

“Maayos naman. Medyo mainit doon. Ayos lamang,” sagot ni Mang Nestor.

“Medyo sumakit ang tiyan ko kanina. Nagtupi-tupi na ako ng mga gagamitin ko para sa panganganak. Isinilid ko na sa bag natin para nakahanda na, bibitbitin na lang,” sabi ni Aling Auring.

“Ikaw pala ang dapat kong tanungin kung ayos ka lang eh. Bakit sumakit ang tiyan mo? Kung ano-ano na naman ba ang ginawa mo?” tanong ni Mang Nestor.

Advertisement

“Ayos lamang ako, asawa ko. Huwag kang mag-alala sa akin,” nakangiting sabi ni Aling Auring sa kaniyang asawa.

Binaling ni Mang Nestor ang kaniyang pansin sa dalawang anak, na siyang nagpapapawi sa kaniyang pagod sa maghapong paggawa. Mahal na mahal niya ang dalawang ito. Nagsusumikap siya sa pagtatrabaho sa bukid upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga anak, na ayaw niyang matulad sa kaniya. Hindi kasi siya nakatapos ng pag-aaral dahil sa hirap ng buhay.

Tuwing umaga, nakasanayan na nina Darwin at Nicolas na paliguan si Kalakian, ang alagang kalabaw ng kanilang itay sa maghapong paggawa sa bukid. Kung ang alagang hayop ng kanilang mga kapitbahay ay aso o pusa, sila naman ay isang malaki at malakas na kalabaw.

“Itay, balang araw magiging isang magaling na magsasaka rin po ako gaya ninyo!” tuwang-tuwang sabi ni Nicolas. Ginulo ni Mang Nestor ang buhok ng anak.

“Anak, walang masama sa pagiging magsasaka. Marangal ang trabaho ng itay at mga kasama niya. Pero sa paglaki mo, malalaman mo talaga kung ano talaga ang gusto. Sa ngayon pagbutihin ninyo ang pag-aaral ninyo ha?”

Mula alas singko ng umaga hanggang alas tres ng hapon ay gumagawa sa bukid si Mang Nestor. Nitong mga nakalipas na araw ay lagi itong nagtutungo sa bayan tuwing hapon na inaabot hanggang gabi.

“Ano pong ginagawa ninyo sa bayan, itay?” minsan ay naitanong ni Darwin sa kaniyang itay.

“Wala iyon anak. May inaasikaso lamang ang itay,” ang isinasagot ni Mang Nestor.

Advertisement

Kapag tinatanong naman nila ang kanilang inay, ganoon din ang sinasabi nito.

“Huwag ninyong abalahin ang itay ninyo. Kayo talaga,” suweto ni Aling Auring.

Makalipas ang ilang linggo, hindi na umuuwi si Mang Nestor sa kanilang bahay. Nag-alala ang dalawang bata. Miss na miss na nila ang kanilang itay. Isang araw, may ibinulong si Nicolas sa kaniyang kuya.

“Kuya, sorpresahan kaya natin si itay sa bayan?”

“Ha? Paano? Wala naman tayong pamasahe papunta roon?” tanong ni Darwin.

“Eh ‘di si Kalakian! Sumakay tayo kay Kalakian. Hindi ba dati nagpunta na tayo sa bayan na sakay lamang sa likod niya?”

Sa kapipilit ng bunsong kapatid, nagpasya si Darwin na sundin ito. Sumakay nga sila sa likod ni Kalakian, at sa kumpas ni Darwin, sila ay naglakbay patungo sa bayan. Ilang oras ang kanilang nilakbay bago makarating doon. Pinagtinginan tuloy sila ng mga tao.

Nakuha ang atensyon nila sa isang mascot na sumasayaw-sayaw sa gitna ng plaza sa bayan. Tuwang-tuwa si Nicolas sa naturang mascot. Napahinto ang mascot nang makita silang dalawa kasama ang kalabaw. Subalit hindi ito makalapit dahil marami pang batang tuwang-tuwa sa kaniya.

Advertisement

Nang matapos ang pagsayaw-sayaw nito, lumapit ito sa direksyon nina Darwin at Nicolas. Laking-gulat nila nang alisin ng mascot ang ulo nito—si Mang Nestor pala ang nasa loob nito!

“Anong ginagawa ninyo rito? Alam ba ng inay ninyo na nagpunta kayo rito?” nag-aalalang tanong ni Mang Nestor sa dalawang anak.

“Hindi po, itay. Tumakas lamang po kami. Nami-miss na po kasi namin kayo, hindi na po kayo umuuwi eh. Paano po ang sakahan? May iba na po kayong trabaho?” tanong ni Darwin.

Niyakap ni Mang Nestor ang kaniyang mga anak.

“Mga anak, magsasaka pa rin si Itay. Pero kailangan ko lamang itong gawin para magpasaya ng ibang tao, saka para mapasaya ko rin kayo. Maraming istapegi akong iuuwi para sa inyo,” nakangiting paliwanag ni Mang Nestor sa kaniyang sideline upang makaipon ng pera para sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.

Masayang umuwi sa bukid ang mag-aama sakay sa likod ni Kalakian. Marami silang uwing istapegi para kay Aling Auring, na pihadong nag-aalala na sa kanila.