Ipinagyabang ng Dalaga sa Kanilang mga Kaanak at Kapitbahay na Magtatrabaho na Siya sa Ibang Bansa; Subalit Bakit Nasa Maynila Siya?

“Ang yabang naman ng kapitbahay natin! Hindi naman kagandahan ang bahay nila,” komento ni Suzette habang nakadungaw sa kanilang kapitbahay na nagpapagawa ng kanilang bahay.

“Hoy Suzette! Huwag kang maingay riyan, at baka marinig ka nila,” saway ni Aling Naty na kaniyang ina.

“Niyayabangan tayo nitong kapitbahay natin eh. Huwag kang mag-alala, Ma. Kapag ako nagkatrabaho sa abroad, hihigitan pa natin iyang malaking bahay nila,” sabi ni Suzette.

“Wow talaga anak? Magdilang-anghel ka sana. Pero alam mo, masaya na ako at kontento sa bahay natin. Hindi naman natin kailangan masyado ng malaking bahay. Tatlo lamang naman tayo ritong aalog-alog; sila, malaking pamilya sila,” sabi ni Aling Naty.

Lumabi si Suzette. Ito ang pinakaayaw niya sa kaniyang Mama. Masyadong kampante at kontento na sa buhay. Hindi kagaya niya: ambisyosa at mataas ang lipad.

“Naku Ma, maling mentalidad iyan. Kailangan sa buhay hindi ka marunong makontento, kasi paano ka naman uunlad bilang tao? Kailangang nag-iisip ang isang tao kung paano niya mapauunlad ang kaniyang sarili,” sabi ni Suzette. Diyan sila nagtatalo ng kaniyang Mama at Papa.

“Sa mabuting paraan naman anak, hindi iyong nag-iisip ka ng hindi maganda sa kapwa mo. Ano na bang balita sa pag-aaplay mo ng trabaho sa ibang bansa? Nakatitiyak ka na ba na pupunta ka sa Singapore? Kaya mo na bang mamuhay mag-isa?” tanong ni Aling Naty sa anak.

Nilapitan ni Suzette ang ina. Inakbayan ito.

Advertisement

“Huwag kang mag-alala, Ma. Aasenso tayo. Huwag kang mag-alala. Lalampasuhin natin ang mga kapitbahay natin. Magpapagawa tayo ng mansiyon, tapos bibili tayo ng mga kotse. Tandaan mo iyan, Ma,” sabi ni Suzette. Tumawa naman si Aling Naty. Subalit para kay Suzette, totoo iyon.

Hanggang isang araw, isang magandang balita ang hatid ni Suzette. Aprubado na raw ang kaniyang mga papeles. Nakatakda na ang kaniyang pag-alis. Umabot sa 150,000 piso ang kaniyang nagastos kaya tuwang-tuwa siya. Ipinamalita nila sa kanilang mga kamag-anak ang magandang balita.

“Kailangang magkaroon tayo ng despedida party! Kailangan itong ipamalita sa lahat!” sabi ni Suzette.

Sa isang iglap lamang ay naging usap-usapan si Suzette sa kanilang barangay. Marami ang naghatid ng kanilang pagbati, habang ang ilan naman ay nainggit dahil sa wakas ay makakapagtrabaho na rin abroad si Suzette.

Kaya naman, isang magarbong party ang isinagawa nila bilang padespedida kay Suzette. Inanyayahan nila ang kanilang mga kamag-anak at kapitbahay. Inutang lamang nila ang pinaggastos dito, katwiran ni Suzette, makababayad naman siya kaagad kapag sumweldo na siya sa trabaho niya.

Sa araw ng kaniyang pag-alis, inihatid siya sa airport ni Aling Naty at amang si Mang Gusting.

“Lagi kang susulat ha?” sabi ni Aling Naty.

“Ma naman, bakit susulat? Makabago na ngayon. Video call tayo!” natatawang sabi ni Suzette.

Advertisement

Pagkapasok ni Suzette sa loob ng paliparan matapos ang mahaba-haba pang paalamanan at paghahabilin, umalis na rin at umuwi sina Aling Naty at Mang Gusting. Natutuwa sila sa pagtupad ng kanilang anak sa mga pangarap nito.

Kinagabihan, nakatanggap kaagad sila ng video call mula kay Suzette. Subalit sa halip na masayang mukha ang bumungad sa kanila, malungkot at tigmak sa luha ang nasilayan nila.

“Anak? Anong nangyari sa iyo?” nag-aalalang tanong ng mag-asawa.

Naloko pala ng illegal recruiter si Suzette. Sa airport pa lamang ay hinarang na siya dahil peke ang kaniyang mga papeles at tiket. Natangay ang kaniyang 150,000 pesos nang ganoon na lamang. Hindi na rin ma-contact ang recruiter at agency.

“Ma, anong gagawin ko? Ayokong bumalik diyan, nakakahiya! Anong mukha ang ihaharap ko sa mga kamag-anak at kapitbahay natin kapag nalaman nilang naloko lang ako? Na ang tanga-tanga ko! Tiyak na pagtatawanan lamang nila ako,” umiiyak na sabi ni Suzette.

“Anak, eh sa iyon ang totoo eh. Wala ka namang utang sa kanila. May utang tayo, oo, pero hindi sa kanila,” kambyo ni Aling Naty. Napalunok siya dahil naalala niyang umutang nga pala sila sa bumbay para sa pa-despedida party ni Suzette.

Dahil sa kahihiyan, ipinasya na lamang ni Suzette na mangupahan sa Maynila at maghanap ng trabaho upang hindi mapag-usapan ng kanilang mga kapitbahay. Kahit papaano, may trabaho pa rin siya, hindi nga lamang sa Singapore. Natanggap naman siya sa isang pabrika na pagawaan ng sabon. Hinayaan lamang siya ng kaniyang mga magulang, bagama’t may mga kapitbahay na rin silang nalaman ang tunay na nangyari kay Suzette, dahil sabi nga, “May tenga ang lupa, may pakpak ang balita.”

Nagsilbing-aral kay Suzette ang mga nangyari sa kaniya. Hindi maganda ang pagiging hambog at mapagmalaki. Hindi rin maganda ang pumuputak kaagad kahit na wala pa naman ang itlog.