Itinago ng Dalaga ang Selpon ng Katrabaho nang Makaramdam ng Inggit, Napahiya Siya nang Kausapin Siya ng Amo

“Monica, tingnan mo, o, may bagong bigay na alas na naman sa akin si madam! Alam mo bang kakabili niya lang daw nito,” sambit ni Arly sa kapwa niya kasambahay sa Saudi saka ipinakita ang bagong alahas.

“O, e ‘di mabuti, may maipapadala ka na naman sa mga anak mo sa Pinas,” malamig na sagot ni Monica habang abalang nagpupunas ng mga hinugasan nilang pinggan. 

“Oo nga, eh, ang saya-saya ko! Tapos alam mo ba, isasama niya ako bukas sa mall, ibibili niya raw ako ng bagong sapatos. Tingnan mo kasi itong sapatos ko, o, kita na talampakan ko,” patawa-tawang sambit nito saka pinakita sa kaniya ang sirang sapatos na suot. 

“Hanep no, galing mo talagang magpaawa’t sumipsip,” mataray niya pang sambit, halata sa kaniyang mukha ang pagkainis at inggit.

“Naku, hindi naman, sadyang magaling lang ata akong makisama,” kamot-ulong sagot nito nang maramdamang naiinis na siya. 

“Edi ikaw na!” bulyaw niya rito saka padabog na inilapag ang hawak na basahan at nagtungo sa kanilang silid.

Magtatatlong taon ng kasambahay sa Saudi ang dalagang si Monica. Sa loob ng ilang taong ito, maayos siyang pinakisamahan ng amo niyang Pilipino rin naman. Lahat ng gusto niya’t kailangan, bukal sa puso nitong binibigay sa kaniya.

Nang sumakabilang buhay nga ang kaniyang ama, agad siyang nitong pinauwi’t binigyan ng malaking halaga bilang abuloy na labis na nakatulong sa kanilang pamilya.

Advertisement

Ngunit nang dumating ang isa pang kasambahay, tatlong buwan lang ang nakakalipas, bigla na lamang siyang naitiyapwera.

Kung dati’y siya ang laging sinasama ng kanilang amo kung saan man ito magpunta, ngayo’y palagi na lang siyang naiiwan sa bahay upang magbantay ng mga bata, habang ang bagong kasambahay ang palaging kasama’t binibigyan ng mga mamahaling bagay na labis niyang ikinais.

Noong araw na ‘yon, habang nagpapalipas ng inis sa kanilang silid, nakita niyang nakabalandra ang mga gamit ng kaniyang katrabaho.

Nakabuyangyang ang maleta nito’t nakakalat ang mga bigay na gamit ng kanilang amo.

“Parang nananadya ka talaga, ha? Nagpapainggit ka pa talaga, yari ka sa akin,” sambit niya saka kinuha ang selpong nakalapag lang sa ilalim ng tinutulugan nitong kama.

Agad siyang lumabas ng silid matapos makuha ang selpon saka niya ito tinago sa loob ng isang flower vase sa sala ng bahay.

Nang mapansin niyang tapos na sa pagpupunas ng mga pinggan si Arly, agad na siyang nagtungo sa kusina upang magluto naman ng pananghalian ng kanilang amo.

Ngunit wala pang ilang minuto matapos siyang mag-umpisang magluto, agad na siyang pinuntahan ng katrabaho, mangiyakngiyak itong nagtanong sa kaniya, “Monica, nakita mo ba yung selpon ko? Doon ko lang nilagay ‘yon sa ilalim ng kama ko kagabi bago ako matulog, eh.”

Advertisement

“O, bakit sa akin mo itatanong? Kung saan-saan mo kasi nilalagay ang mga gamit mo. Napakaburara mo pa, ang kalat-kalat kaya ng kwarto dahil sa’yo, subukan mong maglinis, baka makita mo ‘yon,” sagot niya habang abala sa paggagayat ng mga gulay na iluluto.

“Oo nga ‘no, pasensiya ka na, Monica,” sambit nito saka nagtungo sa kanilang silid at naglinis. Napangisi naman siya nang makitang tumulo na ang luha ng katrabaho. 

Buong araw itong naghanap ng selpon sa buong bahay habang siya, simpleng patawa-tawa habang pinagmamasdan ang aligagang katrabaho.

Ngunit kinabukasan, nagising siya sa sigaw nito dahilan upang mapabangon siya’t sundan ang alingawngaw ng boses nito. Nadatnan niyang yakap-yakap nito ang kanilang amo habang patalon-talon. Agad siya nitong nilapitan nang makita siya at sinabing, “Tingnan mo, Monica, binigyan ako ni madam ng bagong selpon! Alam mo bang bagong labas lang ‘to?” dahilan upang agad siyang mapatungo. 

Aalis na sana siya nang tawagin siya ng kanilang amo dahilan upang labis siyang kabahan. Pinaalis nito ang bagong kasambahay saka siya pinaupo sa sofa.

“Nakita ko sa CCTV na nilagay mo doon sa flower vase yung selpon ni Arly. Bakit mo nagawa ‘yon? Naiinggit ka ba sa mga binibigay ko sa kaniya?” tanong nito dahilan upang mapatango-tango na lang siya, “Hindi mo kailangang mainggit, Monica, binibigay ko lang sa kaniya yung mga binibigay ko sa’yo dati, gusto ko rin na maging tapat siya sa akin katulad mo,” sabi nito sa kaniya saka siya niyakap, “Isauli mo ‘yon sa kaniya at humingi ng tawad. Kayo lang ang magtutulungan dito, matagal pa tayong magsasama, ayokong may inggit kayong nararamdaman sa isa’t-isa,” dagdag pa nito dahilan upang agad siyang mapabuntong hininga. 

Ginawa niya ang utos ng amo at sa kabutihang palad, naunawaan naman ito ng kaniyang katrabaho.

“Pasensiya ka na rin sa akin, masyado lang ako natutuwa kaya hindi ko sadyang napapainggit sa’yo yung mga bagay na binibigay sa akin,” sambit nito saka siya niyakap. 

Advertisement

Simula noon, nagbago na ang takbo ng isip ni Monica. Kung dati’y inggit ang kaniyang nararamdaman, masaya na siya ngayon para sa mga natatanggap ng katrabaho.

Sa buhay, hindi nating maiwasang makaramdam ng inggit. Nawa’y huwag nating hayaang diktahan tayo nito, dahil siguradong tayo’y mapapahamak lamang.