Probinsyanong Babaero Kung Tawagin ang Binatang Ito, Tumiklop Siya nang Gantihan ng Karma

“Pare, nakita mo na ba yung bagong dating na empleyado? Grabe, sobrang ganda na, balingkinitan pa ang katawan!” balita ni Jordan sa katrabaho niyang abala sa pagsasalansan ng mga pinggan.

“O, ano naman? May asawa’t anak ka na, Jordan, tumigil ka na sa pagiging babaero!” paalala nito sa kaniya saka siya hinagisan ng basahan upang tumulong sa pagpupunas.

“Naku, pare, huwag mo naman akong pagsalitaan nang ganyan. Gusto ko lang namang mag-aliw dito sa Maynila. Liligawan ko lang naman ‘yon, tapos kapag may nangyari na sa amin, tapos na,” bulong niya rito saka humagikgik ng tawa.

“Maling-mali ‘yan, pare, matakot ka sa karma,” pailing-iling na sagot ng kaniyang katrabaho.

“Mas natatakot ako sa’yo, eh, ibang-iba ka na simula noong magkaanak ka. Anong sikreto mo?” pabirong tugon niya.

“Pagmamahal,” seryosong sagot nito dahilan upang humagalpak siya.

“Lakas ng tama mo, hoy! Maiwan na kita d’yan, huwag mo akong ikakanta kahit kanino, ha?” sambit niya pa rito saka kumindat at tuluyan nang umuwi.

Isa nang padre de pamilya si Jordan. May isang na siyang anak na limang taong gulang at kasal na sa babaeng unang niyang minahal sa kinalakihang probinsya.

Advertisement

Mabuti naman talaga siyang ama at asawa noon, ngunit nang mapadpad sa Maynila upang magtrabaho bilang waiter sa isang sikat na hotel, doon na lumabas ang kaniyang pagkababaero. Isang beses sa isang linggo na lang kasi siya kung umuwi sa bahay nila dahilan upang makapagloko siya nang labis. 

Halos lahat ng bagong empleyadong napapadpad sa kaniyang pinagtatrababuhan, kaniyang pinopormahan at kapag siya’y naka-iskor na, iiwan niya na lang ito sa ere dahilan upang matagurian siyang “probinsyanong babaero”.

Tila sumasang-ayon naman ang tadhana sa kaniyang kalokohan dahil ni minsan, hindi pa siya nahuhuli ng kaniyang misis. 

Kinabukasan noong araw na ‘yon, pailing-iling na lang ang kaniyang mga katrabaho nang makitang pinopormahan na niya ang bagong empleyado. Nang mapansin niyang titig na titig na ang mga ito sa kaniya, nagpaalam na siya sa dalaga’t agad na nagtungo sa mga ito.

“O, kamusta ang pangbababae habang nagtatrabaho?” tanong ng isa niyang katrabaho.

“Ayos na ayos! Pumayag agad na sumama sa dorm ko sa Linggo, kakain lang naman kami,” patawa-tawa niyang sambit saka bahagyang kinagat ang kaniyang labi dahilan upang mabatukan siya ng mga ito saka sila nagtawanan.

Dumating na nga ang araw ng Linggo, sabik na sabik siya sa maaaring mangyari ngayong araw. Naligo siya’t nagbihis ng magarang damit, nagpabango, at masinsing sinipilyo ang kaniyang mga ngipin saka na siya tuluyang umalis upang sunduin ang naturang dalaga.

Agad siyang napangiti nang makitang naghihintay na sa kanilang tagpuan ang dalaga, kumaway ito sa kaniya dahilan upang mapatakbo siya palapit dito.

Advertisement

“Halika na?” nakangiting sambit niya.

“Ah, eh, pwede bang kumain muna tayo doon sa restawrang iyon? Gutom na kasi ako, eh,” ungot nito.

“Oo naman, walang problema,” magiliw niyang sabi saka sila nagtungo sa naturang restawran.

Ngunit wala pang limang minuto simula nang sila’y maupo, may tumabi sa kanilang mag-ina na labis niyang kinagulat.

“Ma-mariel, bakit kayo nandito?” nanginginig niyang sambit, napangisi naman ang dalagang kasabwat ng kaniyang mga katrabaho. 

“Hindi na kasi makayanan ng mga katrabaho mo ang kakatihan mo, kinanta ka na nila sa akin sa wakas,” gigil na gigil na sambit ng kaniyang asawa saka siya malakas na sinampal, “Maghiwalay na tayo, hindi mo na kailanman makikita ang anak natin! Tandaan mo ‘yan! Ngayon, malaya ka nang mangbabae!” bulyaw pa nito saka umalis sa naturang restawran.

Naiwan naman ang dalagang dapat ay popormahan niya, nakangisi ito sa kaniya saka sinabing, “Kung nakatali ka na, huwag ka nang magpumiglas dahil sigurado, walang matitira sa’yo kapag nahuli ka ng asawa mo, ” saka siya nito iniwan. Hiyang-hiya siya sa mga taong nakakita dahilan upang agad na rin siyang umalis at magkulong sa kaniyang tinutuluyan dorm.

Agad niyang tinawagan ang kaniyang asawa ngunit hindi siya nito sinasagot. Labis na siyang nag-aalala dahil tumawag na rin ang kaniyang mga magulang, galit na galit ang mga ito sa kalokohang ginawa niya dahilan upang mapilitan siyang umuwi ng probinsya. 

Advertisement

Ngunit, tila tumaliwas na talaga sa kaniya ang tadhana ngayon dahil bukod sa wantusawang mura ang inabot niya sa kaniyang mga magulang, hindi na niya naabutan ang kaniyang mag-ina sa kanilang bahay dahilan upang labis siyang magsisi sa lahat ng kaniyang ginawa.

Hindi niya na ring magawang bumalik sa kaniyang trabaho dahil sa kahihiyang nararamdaman niya.

Nawala sa kaniya ang lahat, ‘ika niya, “Dapat talaga, natakot na ako sa karma noong una pa lang,” hikbi niya habang pinagmamasdan ang litrato ng maliit nilang pamilya.