Namamaalam ang Magkasintahan sa Isa’t-isa dahil sa Napakaraming Hindi Pagkakaunawaan; Ang Huling Paalam nila ay Nagdulot sa Kanila ng Labis na Kalungkutan
Bata pa lamang ay matalik nang magkaibigan si Lady at Darwin. Sabay na naglalaro, sabay na nag-aaral, sabay na lumaki at sabay na nangarap. Napakaraming bagay na ang kanilang pinagdaanan. Sa paglipas ng panahon ay nagmahalan sila bilang magkasintahan at hindi maikakaila ang wagas na pag-ibig nila para sa isa’t-isa.
“Paglaki natin Lady, saan mo gustong tumira? Pwede tayong magpatayo ng bahay sa bakanteng lupa malapit sa sapa.” Wika ni Darwin.
“Ayoko nga! Ikaw na lang don, gusto ko sa magandang bahay sa siyudad, malaking hardin, at pampamilyang sasakyan para sa atin habang nakatira tayo malapit sa matataas na building.” Sagot ni Lady.
Sabay man silang lumaki ay marami silang hindi napagkakasunduan, mataas ang pangarap na nais abutin ni Lady, kabaligtaran ng kasintahang si Darwin na kuntento na sa simpleng pamumuhay nila sa probinsya. Pagtagal ay nagumpisa na ang kanilang mga pagtatalo, maging ang maliliit na bagay ay pinag-aawayan na rin nila.
“Ayusin mo naman ang suot mo, dadalo tayo ng kasalan pero napaka simple ng damit mo, baka mapagkamalan kang waiter niyan.” Wika ni Lady.
“Ano ba’ng problema? Malinis naman ito at presentable ah. Lahat na lang ng bagay pinoproblema mo.” Sagot naman ni Darwin.
“Ewan ko sa ‘yo! Magpalit ka! Ayoko niyan.”
Dahil sa magkasalungat na mga pag-uugali ay naging malamig ang pakikitungo nila sa isat isa., away dito, away doon, at sa di inaasahang mga araw ay nagaganap ang sigawan at bulyawan. Lumalabas ang mga saloobing matagal nang itinatago at kinikimkim.
“Ano Darwin, anong plano natin? Ganito nalang ba tayo? Diba sabi ko sa ‘yo pangarap kong lumayo sa maliit na nayon na ito? Kailan natin tutuparin iyon?” Sigaw ni Lady sa kasintahan.
“Pangarap mo yun Lady, pero hindi ako, ayokong lumayo dito, ito ang buhay na kinagisnan ko, masaya ako dito, alam mo namang nandito ang pinamanang lupain ng mga magulang ko, pati ang aming mga sakahan, hindi ko ‘yon maaring iwan.”
Hindi inasahan ni Lady ang isasagot sa kaniya ng kasintahan. Ang buong akala niya ay handa itong ibigay sa kaniya anuman ang kaniyang naisin. Naalala niya kung paanong ipinangako sa kaniya ni Darwin ang mga bituwin sa langit noong sila ay bata pa. Isang paanyaya naman ang kaniyang natanggap mula sa kaniyang malayong kamag-anak na iniimbitahan siyang lumuwas sa siyudad para magtrabaho.
Matagal niyang pinag-isipan kung itutuloy niya ang pag-alis. Pinangako niya sa sarili na oras na makaalis siya sa kinagisnang nayon ay hindi na siya muling babalik. Sa pagtingala niya sa langit ay nakita niya ang kaniyang mga pangarap na maaari niyang makamit kung ito’y itutuloy niya. Pinagpasyahan niyang makipaghiwalay kay Darwin para sa sariling mga mithiin.
“Maghiwalay man tayo ay mananatili ang pagmamahal ko para sa ‘yo. Kung dumating man ang araw na makita kong nagtagumpay ka ay isa nang malaking tagumpay iyon para sa akin.” Ayon kay Darwin.
“At mananatili kang parte ng buhay ko, hinding hindi ka mawawala sa puso ko.” Sagot ni Lady.
Nagaatubili man ay hinawakan ni Darwin ang kamay ng kasintahang namamaalam. Mahigpit niya itong pinisil at tinitigan ang muka nito. Pareho na silang naluluha sa pagdating ng mga huling minuto na sila’y magkasama.
“Para sa kaligayahan mo ay magpaparaya ako. Paliliparin kita sa matayog na langit na nais mong maabot.” Wika ni Darwin.
“Gusto ko sana ay lumipad na kasama ka, pero kung hindi ito ang landas na nais mong tahakin ay tatanggapin ko.” Tugon ni Lady.
Tumayo ang magkasintahan at nagbigayan ng huling halik. Hinagkan ng mahigpit ni Lady ang nobyo. Tanda ng kaniyang wagas na pagmamahal para dito. Pareho silang nakaramdam ng pait sa kanilang mga puso, tila bumalik sila sa kanilang pagkabata ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na isang pirasong kendi ang kanilang iniiyakan kundi ang pag-ibig na palalayain.
“Mahal kita.” Ayon kay Lady.
“Mas mahal kita.” Sagot ni Darwin.
At tuluyan na silang nagtungo sa kani-kanilang direksyon. Dala ni Lady ang matayog na pangarap kapalit ng sinisinta, at hawak ni Darwin ang pag-asang sa bagong yugto ng kanilang mga buhay ay mahahanap nila ang kaligayahang ipinagkakait sa kanila.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!