Inday TrendingInday Trending
Itinago ng Babae ang Karelasyong May Asawa sa Takot na Husgahan ng mga Kaibigan, Matinding Trahedya Tuloy ang Sinapit Niya

Itinago ng Babae ang Karelasyong May Asawa sa Takot na Husgahan ng mga Kaibigan, Matinding Trahedya Tuloy ang Sinapit Niya

Matalik na magkakaibigan ang tatlong babaeng sina Neri, Amy, at Tina. Si Neri ang pinakabata sa tatlo, kaya naman palagi siyang pinagsasabihan ng dalawa dahil kung tutuusin ay mas marami nang alam at karanasan ang mga ito. Mabait na kaibigan si Neri, ngunit minsan ay kapag nasasabihan ay mabilis itong nagtatampo.

Sa kanilang tatlo, si Amy lang ang masaya sa kaniyang love life. May mabait itong asawa at dalawang malulusog na mga anak. Habang si Tina naman ay hiwalay sa asawa at naiwanan ng isang anak na babae. Si Neri lamang ang single at wala pang anak sa kanilang tatlo.

Nagsimula ang lahat nang magkaroon ng karelasyon si Neri. Nang maikwento niya sa mga kaibigan ang mga ganap sa kaniyang lovelife, agad namang kinilig ang dalawa.

“Huy! Alam niyo ba, ang bait bait talaga ni Nathan. Dinala ako sa isang private resort kagabi. Edi syempre dilig na dilig na naman ang ate niyo!” Tuwang-tuwang kuwento ni Neri.

“Lande! Ikaw talaga. Pogi ba? Patingin nga!”, pangangatyaw ni Amy.

“Oo nga, patingin. Yummy ba?” Nakatawang tanong ni Tina.

“Oo! Eto o!” Sagot ni Neri habang pinakikita ang mga litrato sa Facebook ng lalake.

“Ay bakit ganon? MARRIED?! Gagang ‘to! Nahihibang ka na ba?!” Inis na sabi ni Tina. Malaki ang galit ni Tina sa mga pumapatol sa may asawa dahil siya mismo ay nakaranas na maagawan ng asawa.

“Ha? Married?! Baka sabunutan kita diyan! Ano ‘yan? Bakit nakalagay sa Facebook niya, married siya?” Tanong ni Amy.

“Ano ba kayo? Siyempre secret pa lang ‘yan. Saka ang sabi niya sa ‘kin, malapit naman na silang maghiwalay ng asawa niya. Wala e, talakera raw. At isa pa, wala raw kuwenta sa kama. Tamad!” Paliwanag ng in love na in love na si Neri.

“Aba’y kahit na! Sinong nasa matinong pag-iisip ang papatol sa may asawa? At saka alam mo ang lahat ng hirap ko dahil sa mga kabit kabit na ‘yan diba? Tigilan mo ‘yan, Neri. Sinasabi ko sa’yo!” Galit na sabi ni Tina.

“Oo nga! Hay nako, Neri. Umayos ka nga! Makinig ka sa’min. Sa una lang masaya ‘yan. Kapag nagtagal, tingnan mo ikaw mahihirapan diyan.” Payo ni Amy.

“Ano ba kayo? Sobra naman kayong magsalita. Hindi niyo pa nga kilala si Nathan. At isa pa, hindi niyo naman alam ang buong istorya. At lalong lalo na, hindi niyo ako naiintindihan!” Masama ang loob na sagot ni Neri. Kinuha niya ang kanyang bag at umalis na sa coffee shop na paborito nilang tambayan.

Lumipas ang ilang linggo na hindi nagpaparamdam si Neri sa mga kaibigan. Nagkita si Amy at Tina upang makapagkwentuhan.

“Nasaan na si Neri? Nagpaparamdam ba sa’yo?” Tanong ni Amy.

“Ano ka ba? Walang kailangan e. Tingnan mo. Kapag nangailangan ‘yan, lalapit din yan. O kaya kapag nasaktan na? Babalik yan!” Kampanteng sagot ni Tina.

Kumakain lang ang dalawa ng paborito nilang cheesecake nang biglang nagulat si Tina sa nakita.

“Huy! Diba si Nathan ‘yon? Tara sundan natin!” Paanyaya ni Tina.

“Baliw! Bakit susundan? Nako marami pa akong lakad. Ikaw na lang.” Sagot ni Amy.

At sinundan nga ni Tina ang lalake. Sumakay ito ng sasakyan, kaya’t sumakay din si Amy ng kanyang kotse para sundan ito.

Nakita niyang sinundo ng lalake ang kaibigang si Neri. Tinawagan agad ni Tina si Amy.

“Amy! Gaga talaga itong kaibigan mo. Tuloy pa rin pala sila oh. Eto, nasa labas ako ng condo ni Neri. Sinundo. Aba’y bihis na bihis, kala mo magha-honey moon e.” Kuwento ng babae kay Amy.

Sinundan pa rin ni Tina ang dalawa. Sinubukan niyang itext si Neri upang subukan kung magrereply ito. Nainis lang siya nang makita ang kaibigan na tiningnan ang cellphone at pagkatapos ay hindi naman siya pinansin nito.

Patuloy na sinundan ni Tina ang dalawa. Laking gulat nito nang tumigil ang sasakyan sa tapat ng isang liblib na bahay sa gitna ng damuhan. Nag-park ng malayo ang babae upang hindi siya mahalata.

Nagmadali naman si Tina upang tingnan kung ano ang ginagawa ng dalawa. Laking gulat nito nang makitang may dalang baril ang lalake. Hindi maintindihan ni Tina ang mga nangyayari, ngunit nakita niyang umiiyak si Neri at nagmamakaawa sa lalaki na huwag siyang sasaktan.

Buti na lamang at mabilis ang pag-iisip ni Tina. Agad agad siyang tumawag ng pulis, at salamat sa Diyos at mabilis rumesponde ang mga ito. Sampung minuto lamang ay dumating na sa lugar ang mga pulis.

Agad-agad hinuli si Nathan. Tarantang-taranta si Neri at takot na takot sa sinapit. Agad namang nilapitan ni Tina ang kaibigan. Maya-maya pa’y dumating na rin si Amy upang makibalita sa mga nangyari.

“Anong nangyari?! Bakit may dalang baril si Nathan?” Tanong nito.

“Nahuli na kasi kami ng asawa niya. Nakikipaghiwalay na siya sa’kin, pero syempre ayokong pumayag.” Sagot ni Neri habang umiiyak. Punong-puno ng pagsisisi ang mukha nito.

“O tapos? Bakit nauwi sa ganito? Bakit sumama ka pa?” Dagdag na tanong ni Tina.

“E kasi, ang sabi niya sa akin ay naisipan niyang tama ako at kami ang nakatadhana para sa isa’t isa. Ang sabi niya sa akin, magbabakasyon lang kami dito para pagtibayin pa ang relasyon namin. Hindi ko alam na plano na niya akong patayin para lang hindi na makarating sa misis niya ang panloloko.” Mahabang paliwanag ni Neri.

“Sinabi ko naman kasi sa’yo! Sa susunod, sana nama’y nakikinig ka. E paano kung hindi ka sinundan ni Tina? Pinaglalamayan na sana ngayon ang malamig mong bangkay?” Naiiyak na rin si Amy habang pinagsasabihan ang kaibigan.

Humingi ng kapatawaran si Neri. Nangako siya sa mga kaibigan niya na hindi na siya kakabit sa kung sino man, at nangako rin siyang hindi na maglilihim sa mga kaibigan upang maiwasan ang kapahamakan.

Advertisement