Gumuho ang Mundo ng Babaeng ito Nang Aksidenteng Mawala ang Kaniyang Ama; Mabuti na Lamang at Nandiyan ang Kaniyang Ina para Alalayan Siya

Gumuho ang Mundo ng Babaeng ito Nang Aksidenteng Mawala ang Kaniyang Ama; Mabuti na Lamang at Nandiyan ang Kaniyang Ina para Alalayan Siya

FamilyHeartbreakingInspiringLoveStoriesSuccess

Matatawag si Lalyn na isa sa mga matatalinong mag-aaral ng kanilang paaralan, mula elementarya hanggang hayskul ay napakaraming medalya na ang kaniyang natanggap. Inspirasyon niya ang ama at ina na kahit magkandakuba na sa paghahanapbuhay ay pilit na kumakayod para sa kinabukasan niya.

“Tay, pag ako nakatapos at nakahanap ng magandang trabaho, una kong pagiipunan ang sarili nating bahay.” Pangako niya.

“Sige anak, para kung may mangyari man sa amin ng nanay mo ay panatag kaming mayron kang tahanan.” Sagot ng kaniyang ama.

Image courtesy of www.google.com

“Ano ka ba Tay wag kang nagsasalita ng ganyan.”

Kumakayod ang kaniyang ama bilang construction worker at ang kaniyang ina ay nagtitinda ng mga tinapa at tuyo sa palengke, minsan ay tumatanggap din ito ng labada kung saan ay tinutulungan siya ng anak.

“Wala ka bang mga dapat aralin, kaunti lang naman itong labada, kaya ko na ‘tong mag-isa.”

“Mas mabilis tong matatapos ‘Nay kung tutulungan kita, kaunti lang naman ang aking takdang aralin, mamaya ko na lang gagawin.” Wika ng anak.

Image courtesy of www.google.com

Labis na nagpapasalamat ang mag-asawa sa kanilang napakabuting anak. Bukod sa masipag itong mag-aral ay palagi pa silang tinutulungan sa mga gawaing bahay.

Masaya, payapa at kuntento na sila sa kanilang simpleng pamumuhay ngunit sa isang di inaasahang pagkakataon ay naaksidente ang kaniyang ama habang nasa trabaho.

Nakatanggap man ang mag-ina ng pinansyal na tulong ay hindi ito sapat para sa kanilang mga gastusin.

“Hindi ko matanggap ang nangyari sa tatay mo, napakabuti niyang tao para mangyari ito.” Umiiyak na wika ng kaniyang ina.

“Sa dinami-rami ng masasamang tao bakit si tatay pa?!” Hinagpis ni Lalyn.

Image courtesy of www.google.com

Labis na dinamdam ng mag-ina ang pagkawala ng padre de pamilya. Halos gumuho ang mundo nila at tila naglahong parang bula ang mga pangarap ni Lalyn para sa pamilya.

Nawalan na siya ng ganang pumasok at mag-aral, maghapon siyang nagkukulong sa kanilang bahay na ikinabahala na ng kaniyang ina.

“Anak, dalawang linggo ka nang lumiliban sa klase, mahuhuli ka na sa inyong mga aralin.”

“Para ‘san pa ‘Nay? Wala na si tatay, paano natin kakayaning mabuhay na wala siya?”

Batid ng kaniyang ina ang kaniyang paghihinagpis, binigyan siya nito ng ilang araw upang mag dalamhati pagtapos ay muli siyang kinausap.

“Lalyn, mawala man ang papa mo, o kahit ako, napakarami pa rin naming pangarap para sa iyo.”

“Wala na kong gana Nay.”

“Paano na yung pinangako mo sa aming bahay? Di mo ba ako patitirahin doon? Andito pa ako anak, at hanggat andito ako ay hindi ko hahayaang itapon mo ang mga pangarap mo.”

Natauhan si Lalyn sa mga pangaral ng ina. Hindi niya naisip na may isa pa siyang magulang na maaring paghugutan ng lakas at inspirasyon. Nang sumunod na linggo ay pumasok na siya sa paaralan at agad na hinabol ang mga aralin ng mga nakalipas na araw.

Sa sipag at tiyaga ay nakapagtapos siya sa kolehiyo bilang isang Magna Cum Laude, sa kaniyang talumpati sa kanilang pagtatapos ay pinasalamatan niya ang mga magulang at inialay sa ama ang nakamit na tagumpay.

“Nay, marami pong salamat sa hindi mo pagsuko sa akin sa mga panahong ako’y nalulugmok at malapit nang sumuko, ikaw ang nagsilbing ilaw sa madilim na daan na aking tinahak.”

“Sa aking pumanaw na tatay, inaalay ko po sa iyo ang aking medalya, lahat ng karangalang aking natanggap sa araw na ito ay para sa inyo ni nanay. Miss na miss na kita tay, huwag kang mag-alala, itutuloy ko ang pagtupad sa aking mga pangarap.”

Image courtesy of www.google.com

Naantig ang mga guro at mag-aaral sa kaniyang maiksing mensahe, batid nila ang hirap na pinagdaanan ng pamilya ni Lalyn lalo na nang pumanaw ang kaniyang ama. Nagtayuan ang lahat at dumagundong ang malakas na pinalakpakan para sa mag-inang nakatayo sa entablado.

“Congrats, anak! Napakasaya ko para sa iyo, kung andito ang tatay mo sigurado akong proud siya sa iyo.” Wika ng kaniyang nanay.

“Salamat Nay, kundi dahil sa pagsisikap mo ay hindi ko maipagpapatuloy ang pag-aaral ko. Sisimulan na natin ang pagbuo ng mga pangarap natin ni Tatay.”

Nagyakap ang mag-ina sa labis na kagalakan. Alam ni Lalyn na sa bagong yugto ng kaniyang buhay ay haharap siya sa mas mahihirap pang pagsubok, ngunit baon ang pangaral at pagmamahal ng kaniyang magulang ay matapang niyang haharapin ang mundo ng realidad.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

More Stories