Inday TrendingInday Trending
Napalayas ang Binatilyo sa Sarili Niyang Tahanan; Ano ang Magiging Buhay Niya sa Kalye?

Napalayas ang Binatilyo sa Sarili Niyang Tahanan; Ano ang Magiging Buhay Niya sa Kalye?

“Lumayas ka na rito! Magnanakaw ka! Layas! Wala na ang ama mo, kaya wala na ring magtatanggol sa’yo!”

Walang magawa ang binatilyong si Ismael kundi ang umiyak habang isa-isang pinupulot ang mga damit niya na inihagis ng kaniyang madrasta sa kalsada.

“Tita, ‘wag naman pong ganito! Wala po akong mapupuntahan!” pagmamakaawa niya.

Tuloy-tuloy lamang ito sa pagtalak, tila hindi naririnig ang pakiusap niya.

“Hindi ko naman po talaga pinakialaman ang pera niyo! Maniwala po kayo si Kuya Manny ‘yun, nakita ko kanina!” paliwanag niya pa.

Imbes na maawa at makinig ay nagtaas lamang ito ng kilay.

“‘Wag na ‘wag mong palalabasing sinungaling ang anak ko, dahil hindi ko siya pinalaki na ganyan! Wala rin akong pakialam kung saan ka man pulutin, basta’t ‘wag na ‘wag ka nang babalik dito!” galit nitong utas.

Wala na siyang nagawa nang isarado nito ang pintuan ng bahay. Ang bahay na ipinundar ng sarili niyang ama.

Hindi siya makapaniwala na siya pa ngayon ang napatalsik sa bahay na dapat ay pagmamay-ari niya.

Nang araw na iyon, napagtanto niya kung gaano kahirap ang buhay. Natulog siya sa gilid ng kalsada sa unang pagkakataon, yakap-yakap ang bag niya na naglalaman ng mga tanging gamit na nadala niya sa pag-alis.

Nasa kalagitnaan ng gabi nang magising siya dahil tila may gumagalaw sa bagay na yakap niya.

Nang imulat niya ang mga mata ay kitang-kita niya ang tatlong batang lalaki na pilit ipinupuslit ang kaniyang bag. Nang mapagtanto niya ang ginagawa ng tatlo ay pilit niyang hinila ang kaniyang gamit. Ngunit dahil mas malakas ang tatlo ay naagaw din ng mga ito ang gamit niya bago nagtatakbo.

“Hoy! Akin ‘yan! Bumalik kayo rito!” sigaw niya ngunit nakalayo na ang mga ito.

Para siyang nawalan ng lakas nang maalalang nandoon ang lahat ng mga iniingatan niyang gamit, kasama na ang mga gamit na bigay ng Papa niya noong nabubuhay pa ito.

Nakasalampak siya gilid nang isang lalaki ang dumating. Sa tingin niya ay kaedaran niya lang din ito.

“Tulong! Tulungan mo ‘ko! ‘Yung gamit ko, tinangay nung tatlong bata. Mahalaga ‘yun sa akin,” mangiyak-ngiyak niyang pakiusap sa lalaki.

“Naku, sila Bugoy na naman siguro? Sandali at hahanapin ko,” maagap na sagot nito bago tumakbo paalis.

Habang hinihintay ang pagbabalik ng lalaki ay humapdi ang sikmura ni Ismael. Noon niya lang naalala na hindi pa siya kumakain.

Muling tumulo ang luha niya nang maalala kung paano siyang pinagtabuyan ng kaniyang madrasta kanina. Gusto man niyang bumalik, alam niyang hindi na siya tatanggapin nito.

“Mas ayos na rin ‘yun, para hindi na nila ako masaktan,” bulong niya.

Napapitlag siya nang may magsalita.

“‘Wag ka nang umiyak. Heto, nakuha ko na ang bag mo.”

Nang tingalain niya ang nagsalita ay nakita niya ang lalaki kanina. Inilapag nito sa tabi niya ang bag na tinangay ng tatlong bata.

“Ang bag ko! Mabuti naman at nakuha mo! Salamat!” natutuwang bulalas niya.

Isang tipid na ngiti ang isinukli ng lalaki.

“Pagpasensyahan mo na ang mga bata. Hindi naman talaga nila gusto magnakaw pero syempre, dahil sa hirap ng buhay, minsan hindi nila mapigilan ang sarili nila,” paliwanag nito.

Tumango siya dahil kahit papaano ay naiintindihan niya naman. Isang araw pa lang siya sa kalye ay alam niya nang mahirap ang buhay.

“Ako nga pala si Ryan. Ikaw, anong pangalan mo?” anito.

“Ismael,” sagot niya.

“Mukhang bago ka, ngayon lang kasi kita nakita rito. Bakit ka napadpad dito?”

Magaan ang loob niya sa kausap kaya naman walang pag-aalinlangan niyang kinuwento rito ang lahat. Mula sa pagkawala ng ama niya, pagmamaltr*to sa kaniya ng ikalawang asawa ng kaniyang Papa, at ang pagpapalayas sa kaniya.

Nang matapos siya ay ito naman ang nagkwento.

“Ako naman lumaki sa may-kayang pamilya. ‘Yung mga kapatid ko pare-parehong nakatapos ng pag-aaral, at pawang magagaling. Pero ako, wala akong interes sa pag-aaral. Siguro mahina lang talaga ang ulo ko kaya’t laging mababa ang grado ko.”

Bakas sa mukha ni Ryan ang lungkot habang nagkukwento.

“Hindi ‘yun matanggap nila Mama, sanay kasi sila sa iba kong kapatid na matatalino. Tingin nila kulang lang ako sa disiplina. Dumating sila sa puntong sinasaktan na nila ako nang pisikal. Paulit-ulit, araw-araw, para raw ayusin ko ang pag-aaral. Hanggang sa ‘di ko na kinaya. Isang araw, lumayas na lang ako. Walang ‘kong dalang kahit na ano kundi sarili ko.”

Hindi maiwasan ni Ismael na magtanong.

“Ryan, hindi ka ba nalulungkot? Wala ka nang pamilya. Saka ang hirap-hirap dito sa kalye,” komento niya.

May pait sa ngiti nito nang magsalita.

“Mas ayos nang mamuhay sa kalsada. Kaysa naman may bahay nga ako, pero kung ituring naman ako parang hindi ako tao,” naiiling na tugon nito.

“Ayos na ako ngayon. Isa pa, nakahanap din ako ng pamilya dito. ‘Yung mga bata kanina at marami pang batang kagaya natin, pamilya na ang turing ko sa kanila. Mahirap ang buhay, pero dahil sa kanila, gumagaan kahit papaano,” nakangiting pahayag nito.

Ng mga sumunod na araw ay napatunayan ni Ismael na tama ang sinabi ni Ryan. Ang mga batang kalye ay tila nga isang malaking pamilya. Tulong-tulong ang lahat para maitaguyod ang pagkain ng bawat isa sa araw-araw.

Kaya naman naging malapit talaga ang loob niya sa lahat.

Pero mukhang hindi laging ganoon dahil isang araw ay isang grupo ng social worker ang dumating.

Kukunin daw ng mga ito ang mga batang menor de edad. Sila lamang ni Ryan ang maiiwan doon.

“Kuya Ryan, Kuya Ismael! Ayaw namin sumama sa kanila! Dito lang kami!” umiiyak na pakiusap ni Bugoy, isa sa mga batang napalapit na sa kaniya.

Nagkatinginan silang magkaibigan ngunit alam din nila pareho na iyon ang makabubuti para sa mga bata. Mas mabibigyan sila ng magandang buhay at oportunidad na makahanap ng pamilya na kukupkop sa kanila.

Nang makaalis ang mga bata, malungkot man ay pinilit ng magkaibigan na magpatuloy sa buhay.

Dahil dalawa na lang sila, mas madali para sa kanilang makapag-ipon para mapaaral ang kanilang mga sarili.

‘Di rin naman nagtagal ay nakapagtapos sila ng kursong bokasyonal. Pagkatapos ay nag-ipon sila ng pera na siyang inilaan nila sa pagsisimula ng kanilang munting negosyo.

Noong una ay isa lamang iyong simple at maliit na restawran. Ngunit tinangkilik ng tao ang lugar nang malaman ng marami na malaking porsyento ng kinikita nila ay napupunta sa pagpapakain ng mga batang kalye na nagugutom.

Marami ang sumuporta sa maganda nilang layunin, dahilan upang lumago ang restawran at mas lalong lumaki ang kanilang kita.

Dahil sa paglago ng negosyo nila, mayroon na rin silang nabiling mga bahay na kumukupkop sa mga batang kalye.

Lumipas ang mahabang panahon, ngunit ni minsan ay hindi nalimot nina Ismael at Ryan kung saan sila nanggaling.

Patuloy lamang ang magiging layunin nila sa buhay—ang maging sandalan ng mga batang gaya nila na inapi at inalisan ng pagkakataong magkaroon ng masayang pamilya.

Advertisement