Inday TrendingInday Trending
Matagal na Niyang Kaibigan ang Lalaking May Pusong Babae; Paano Kung sa Isang Iglap ay Magbago ang Tingin Niya Rito?

Matagal na Niyang Kaibigan ang Lalaking May Pusong Babae; Paano Kung sa Isang Iglap ay Magbago ang Tingin Niya Rito?

“Bilisan mo naman, Elle! Ang tagal-tagal magbihis, akala mo naman maganda!”

Natawa na lamang si Elle sa pabirong panlalait ng kaibigan niyang beki na si Johnny. Madalas talaga siya nitong okrayin, bagay na nakasanayan niya na.

Dadalo sila sa kanilang company party. Dahil wala naman silang mga jowa na maaari nilang isama sa party, napagdesisyunan nilang sila na lang ang sabay na pupunta.

Limang taon na rin simula noong makilala niya ito sa unang kompanya kung saan siya nag-apply matapos siyang makatapos ng kolehiyo.

Kabadong-kabado siya noon para sa interview niya, pero dahil sa kadaldalan nito ay hindi niya maiwasang matawa, dahilan para mawala ang kaba niya.

Napalapit sila sa isa’t isa dahil pareho silang natanggap sa trabaho. Mas lalong gumaan ang loob niya nang malaman na may isa pa pala silang pagkakapareho—pareho silang ilag sa mga lalaki.

Sa totoo lang, iyon ang dahilan kung bakit niya agad na nalaman na pusong babae si Johnny. Magaan kasi ang loob niya rito, una pa lang. Hindi ito kagaya ng karaniwang lalaki na kinaiilangan niya.

Tandang-tanda niya pa noong araw na nagladlad ito sa kaniya.

“B*kla ka, hindi ba?” aniya sa kaibigan habang naglalakad sila papunta sa istasyon ng tren.

Napahinto ito sa paglalakad.

“Ano? Saan mo naman nakuha ‘yan?” natatawang tanong nito pabalik.

Napangiti siya sa reaksyon nito. Aba’t may plano pa itong magkaila!

“Kasi magaan ang loob ko sa’yo. Kasi kung totoo kang lalaki, maiilang ako sa’yo. Baka nga hindi kita kausapin,” siguradong-siguradong katwiran niya.

“Hindi mo ako kakausapin kung tunay na lalaki ako?” nanlalaki ang matang usisa nito.

“Oo. Ayaw ko sa mga lalaki. Sakit sa ulo,” aniya bago ikinuwento rito ang kaniyang ina na sinasaktan ng kaniyang ama noong nabubuhay pa ito. Ang tanging kasangga lang ng kaniyang ina noon ay ang kaniyang Ninong Roger, na isa ring beki.

Matapos siyang magkwento ay mataman lamang itong nakatitig sa kaniya. Bakas ang awa sa mukha nito.

“Oo. Hindi ko naman pala maitatago sa’yo. B*kla nga ako. ‘Wag kang mag-aalala, magiging mabait akong kaibigan,” nakangiting pangako nito bago marahang tinapik ang balikat niya.

Tinupad naman ni Johnny ang pangako nito. Nanatili ito sa tabi niya, parating nakasuporta at nakaalalay.

Kaya naman kahit na limang taon pa lang silang magkakilala ay ito na ang itinuturing niya na matalik na kaibigan.

Nang matapos siyang magwisik ng pabango ay sinilip niya ang itsura niya sa salamin.

“Pwede na. Hindi na ako matatalbugan ni b*kla,” natatawang bulong niya.

Nang lumabas siya ng silid ay nakita niya nang nakataas kilay ang kaibigan habang nakatitig sa selpon nito.

Gwapong-gwapo ito sa suot nitong itim na suit.

“Ready na ako, tara na!” aniya upang agawin ang atensyon nito.

“Ang tagal mo naman! Kanina pa ‘yung taxi driver sa–”

Naputol ang sasabihin nito nang mapatitig ito sa suot niya. Ngunit agad din itong nakabawi.

“Ang pangit mo,” pang-aasar nito.

“Mas maganda pa rin sa’yo!” ganting pang-aasar niya, na nauwi sa malutong nilang halakhakan.

“Joke lang. Ang ganda mo! Pagkakaguluhan ka na naman ng mga lalaki doon,” puri nito habang bahagyang may ngiti.

Nahihiyang pabirong hinampas niya ang balikat nito bago ito hinila palabas ng bahay.

Pagdating pa lang nila sa lugar na pagdarausan ng party ay agad na silang inulan ng kantyaw. Wala naman kasi sa mga ito ang nakakaalam ng lihim ni Johnny.

“Bagay talaga kayo!”

“Bakit ba naman kasi hindi na lang kayo, eh!”

Tinawanan na lamang nila ni Johnny ang mga ito. Nasanay na sila sa kanilang mga katrabaho na hanggang ngayon ay umaasa pa rin na magiging sila.

“Kung alam lang nila ang mga type mo!” humahagikhik na bulong niya sa kaibigan.

Masaya ang party. Maraming pagkain, inumin, at mga papremyo sa mga empleyado. Habang lumalalim ang gabi ay parami nang parami ang lumalapit kay Elle upang makipagsayaw, kahit na ni isa ay wala siyang pinaunlakan.

Ngunit may isa siyang makulit na manliligaw. Si Kyle. Pabalik-balik ito sa mesa nila at halos pilitin na siya nito. Sa ikaapat na yaya nito ay nagsalita na si Johnny.

“Pare, ayaw ni Elle sumayaw. ‘Wag mong pilitin, dahil hindi siya komportable,” malumanay na paalala nito kay Kyle.

Inis na nilingon ito ni Kyle. Namumula ang mukha ng lalaki dahil sa kalasingan.

“Johnny, bantay na bantay ka kay Elle, pero hindi mo naman pinopormahan. Hindi mo siya matitikman kapag ganyan ka kabagal, pare!” tila nang-iinis na bwelta ni Kyle.

Nanlaki ang mata ni Elle sa kabastusan na narinig mula sa katrabaho. Ngunit bago pa siya makapagsalita ay tumayo na si Johnny at walang pag-aalinlangang sinuntok si Kyle sa mukha.

Mabuti na lamang at agad niya itong napigilan.

“‘Wag na ‘wag mong babastusin ang kaibigan ko!” galit na sigaw nito.

Agad namang humingi ng paumanhin si Kyle sa sinabi nito.

“Elle, sorry talaga, nademonyo na dahil siguro sa alak. Hindi na mauulit,” hiyang-hiyang wika nito nang sa wakas ay mahimasmasan.

Pauwi na sila ay galit na galit pa rin si Johnny.

“‘Wag ka nang lalapit sa Kyle na ‘yun, ha, babangasan ko na ‘yun sa susunod,” babala pa nito habang mahigpit ang hawak sa kaniyang kamay.

Si Elle naman ay pilit na kinakalma ang malakas na tibok ng kaniyang dibdib.

Sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay nag-iba ang tingin niya kay Johnny. Hindi na ito ang beki niyang kaibigan. Isa na itong lalaki na pinagtanggol siya sa nambastos sa kaniya.

Pasimple niyang inagaw ang kamay sa kaibigan at lumayo rito. Natatakot siya na baka marinig nito ang malakas na tibok ng puso niya.

Nang sumunod na araw ay halos hindi niya magawang harapin si Johnny. Hindi niya kasi magawang tumingin dito nang hindi dumadagundong ang dibdib niya.

Pinakaiwas-iwasan niya ang lalaki. Hindi na siya sumasabay rito sa pagkain, at lalong hindi na siya sumasabay rito sa pag-uwi. Sa t’wing makakasalubong niya ito ay agad siyang umiiwas ng tingin sa kaibigan.

Subalit isang gabi ay naabutan niya itong naghihintay sa tapat ng bahay nila.

“Elle…” marahang tawag nito.

Nais niya mang umatras ay nakita na siya nito. Pilit ang ngiting hinarap niya ang kaibigan at pinapasok ito sa loob ng bahay niya.

“Galit ka ba sa akin? Bakit parang iniiwasan mo ako?” walang paligoy-ligoy na bulalas ni Johnny.

Pilit niyang pinasigla ang tinig at iniiwas ang tingin sa mga mata ng binata.

“Anong bang sinasabi mo? Marami lang trabaho kaya hindi mo ako nakikita…” paliwanag niya.

“Kilala kita, Elle. Alam kong nagsisinungaling ka. May problema ba?” Bumakas ang pag-aalala sa gwapong mukha nito.

Tuluyan na siyang napaiyak. Hindi niya kayang magsinungaling sa kaibigan.

Pero malamang ay pagtawanan lang nito ang nararamdaman niya!

“Nakakainis ka! Dahil sa pagtatanggol mo sa’kin, nag-iba ang tingin ko sa’yo. Naging lalaki ka sa paningin ko. Ngayon, sa t’wing nakikita kita, bumibilis ang tibok ng dibdib ko…” pag-amin niya.

Hinintay niya ang malutong nitong halakhak, kasabay ng katakot-takot nitong pambubuska, ngunit hindi iyon dumating.

Nang lingunin niya ito ay mulagat lang itong nakatingin sa kaniya, laglag ang panga.

“Alam ko namang hindi mo ako type!” umiiyak na dagdag niya. Hindi siya makapaniwala na nagkagusto siya sa kaibigan niyang beki!

“G-gusto mo ako? Bilang isang lalaki, hindi bilang isang kaibigang beki?” tila naninigurong tanong nito.

Tumango siya.

Nagulat na lang siya nang yakapin siya nang mahigpit ni Johnny.

“Akala ko hanggang pangarap na lang ako…” bulong nito.

“Ano?” gulong-gulong tanong niya sa lalaki.

Hinawakan nito ang balikat niya.

“Elle, hindi ako beki. Gusto kita. Natakot lang akong umamin dahil baka lumayo ka sa akin, lalo na’t nalaman ko na takot sa mga lalaki,” paliwanag nito.

Siya naman ay gulat na gulat.

Kaya naman pala sa limang taon nilang pagkakaibigan, hindi man lang ito nagkaroon ng interes sa ibang lalaki.

“G-gusto mo ako?”

Natawa ito.

“Matagal na. Limang taon na. Simula pa noong una kitang makausap,” pag-amin nito.

Hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Johnny. Gusto rin pala siya nito, at matagal na.

“B-bakit hindi mo sinabi sa’kin? Paano kung hindi ako umamin?” takang tanong niya.

‘E ‘di mananatili ako sa tabi mo. Bilang isang kaibigan,” anito.

Niyakap ni Elle ang lalaki.

“Salamat. Salamat sa pananatili sa tabi ko,” sagot niya.

“Ang manhid mo. Kinailangan ko pang aralin kung paano magsalita ang mga beki!” pabirong reklamo nito, dahilan para magkatawanan sila.

Ilang buwan matapos silang magkaaminan ay opisyal nang naging magkasintahan ang dalawa. Kung mabuti itong kaibigan, mas lalong itong mabuti bilang isang boyfriend!

Gaya ng inaasahan ay inulan sila ng kantiyaw mula sa kanilang mga katrabaho at kaibigan.

“Sa wakas, nagkaaminan din!” wika pa ng mga ito.

Makalipas ang isang taon ay nagpakasal sina Elle at Johnny. ‘Yun na ang araw na pinakamasaya sila. Dahil alam nila na ang pagmamahalan nila ay mayroong maganda at matibay na pundasyon—ang kanilang malalim na pagkakaibigan.

Advertisement