
Pabigat ang Turing Niya sa Kaniyang Anak-anakan; May Ginawa Siya Rito na Labis Niya ring Pinagsisihan
Agad na uminit ang ulo ni Leticia nang maabutan niyang tulog na tulog pa ang anak-anakan niya na si Julie. Aba’y ang taas-taas na ng araw!
Inis na sinipa niya ang paa ng dalagita. Agad itong napabalikwas nang bangon.
“Hoy! Tanghali na nakanganga ka pa! Gumising ka na nga at marami ka pang labada!” nakasimangot na bulyaw niya.
Tarantang niligpit nito ang hinigaan bago mabilis na naghilamos at nagmumog. Ilang sandali lang ay kaharap na nito gabundok na labahin.
“Ayoko na mag-washing machine ka, ha! Kamayin mo ‘yan, sayang ang kuryente!” paalala pa niya.
“Opo, Tita,” maamong tugon nito.
Si Julie ay anak ng namayapa niyang ikalawang asawa na si Ronaldo. Iniwan na nga siya nito ng utang, iniwan pa ang anak nitong pabigat!
Mabuti na nga lang at masipag ito. Ito ang pinagagawa niya ng lahat ng gawaing bahay.
Nang bandang alas onse na ay sinigawan niya si Julie.
“Julie! Huminto ka muna at magluto ka rito!” utos niya.
Walang salita naman itong tumalima.
Nang matapos silang magtanghalian ay binilinan niya ang mga anak.
“Dito lang kayo sa bahay, ha. Magtotong-its muna ako sa bahay nila Dina.”
Bago siya umalis ay tinapunan niya ng tingin ang anak-anakan na naglalaba.
“Ayusin mo ang paglalaba mo, ha. Malilintikan ka sa akin kapag hindi mababango ang mga damit namin,” bilin niya rito.
“Opo, Tita.”
Nang dumating siya sa bahay ni Dina ay marami nang nakapwesto at naglalaro. Ang bahay na ‘yun ang madalas niyang tambayan. Sa umaga ay pasugalan iyon, habang sa gabi naman ay nagiging isa iyong kabaret na dinadayo ng mga taong naghahanap ng panandaliang aliw.
“Mareng Leticia, tara na rito!” yaya kaagad sa kaniya ng mga kadalasan ay kalaro niya.
Nang makaupo siya ay agad na naagaw ng isang lalaki ang pansin niya. Iyon kasi ang unang beses na nakita niya ang lalaki sa lugar na iyon. Tahimik lamang ito. Gwapo ito at sa tingin ay nasa edad beinte singko pa lang ito pababa.
“Sino ‘yan?” agad na bulong niya kay Dina nang makaupo siya.
“Bagong kustomer. Naghahanap ng babae. Kaso mapili, walang gusto sa mga alaga ko,” balik bulong naman nito.
Napatango siya.
“Mare, maghanda ka. Magaling din sa baraha, gaya mo. Baka matalo ka,” muli ay bulong ni Dina habang binabalasa nito ang baraha.
Napangisi na lang si Leticia sa narinig. Kilala kasi siya bilang “Reyna ng Tong-its.” Bihirang-bihira kung matalo siya.
“Ako pa ba?” mayabang na wika niya habang mataman na nakatingin sa lalaking estranghero.
Nagsimula na ang laro. Tatlo sila sa isang mesa. Siya, si Dina, at ang estranghero.
Noong una ay sunod-sunod ang panalo niya. Ngunit nang lumaon ay tila nawala rin ang swerte niya. Maganda nga ang estratehiya ng lalaki sa paglalaro.
Sunod-sunod na ang pagkatalo niya hanggang sa masimot ang dala niyang pera. Pati ang isang buwan nilang panggastos ay naipatalo niya na rin.
“Kailangan kong bumawi. Kung hindi ay wala kaming pangkain ng isang buwan,” sa isip-isip niya.
Ngunit saan naman siya kukuha ng pera?
Noon naman dumating sa pasugalan si Julie.
“Tita, nagpaalam po si Ate Ezra, aalis daw po siya…” anito.
Isang malamig na tango lang ang isinukli niya sa dalagita bago ito inutusang umuwi na.
Nagsalita ang estranghero.
“Kung wala ka nang pera, aalis na ako,” anito, habang matamang nakatitig kay Julie.
Isang ideya ang kumislap sa isip niya dahil sa desperasyon.
Lumapit siya kay Julie at hinigit ito palapit sa estranghero.
“Sandali! Wala akong pera, pero may iba akong pwedeng ipambayad… Balita ko naghahanap ka raw ng babae,” aniya sa lalaki.
Kumunot ang noo ng lalaki. Tila hindi agad naunawaan ang sinabi niya.
Bumulong naman sa kaniya si Dina.
“Nababaliw ka na ba? Hindi naman babaeng bayaran si Julie! ‘Wag mo siyang ibenta sa kustomer gaya ng mga babae ko rito!” mariing sabi ni Dina.
“Hayaan mo na! Hindi ko naman anak ‘yan! Saka para mabawasan na ng palamunin sa bahay! Para naman mapakinabangan ko ‘to!” katwiran niya.
Marami pang sinabi si Dina ngunit wala nang pakialam si Leticia. Ang nais niya lang ay mabawi ang lahat ng natalo niya.
“Kapag natalo ka, ang ibabayad mo, ‘yung batang babae?” paninigurado ng lalaki.
Nang um-oo siya ay nagpaalam ang lalaki. May tatawagan daw itong mahalagang tao.
Napakabilis ng mga sumunod na pangyayari. Bigla-bigla na lang na sumugod ang mga pulis sa loob ng pasugalan.
Agad-agad na hinuli si Dina, kasabay ng pagsugod ng mga pulis sa loob ng bahay kung saan nananatili ang mga babaeng “alaga” ni Dina.
Si Leticia naman ay tila natulos sa kaniyang kinatatayuan. Maya-maya ay lumapit ang estranghero sa kaniya. Mula sa likod nito ay nanlaki ang mata niya nang kunin nito ang posas at ikabit iyon sa kaniya.
“A-anong ibig s-sabihin nito?” bulalas niya.
“Isa akong asset ng pulisya. Matagal na naming alam na nagkakabentahan ng babae rito sa lugar na ‘to. Pero hindi ko inakala na makakakita ako na nanay mismo ang magbebenta ng sarili niyang anak!” dismayadong utas ng lalaki.
“H-hindi ko naman anak si J-julie! Hindi ko siya kaano-ano!” katwiran niya sa pulis na noon ay kausap na si Julie.
Sa sumbong na rin ng dalagita ay napag-alaman ng mga ito ang ginawa niyang pagmamaltrato rito.
“Dagdag pa sa kaso mo ‘yan, maliban sa pagbebenta mo sa anak-anakan mo,” sabi ng tamad na abogado niya na tila wala namang balak ipanalo ang kaso niya.
Sa huli ay nahatulan si Leticia ng sampung taon sa kulungan. Kahit anong pakiusap niya kay Julie ay hindi nito iniurong ang kaso laban sa kaniya.
“Gusto ko nang makaalis sa impyernong bahay mo, Tita Leticia,” matigas na sabi pa nito.
Sising-sisi man siya ay wala siyang magawa, dahil kailangan niyang bayaran ang mga kasalanang nagawa niya.
Ngayon ay nasa piling na ng mayamang mag-asawa si Julie na siyang mga umampon sa kaniya matapos mabalitaan ang kaawa-awang sitwasyon ng dalagita. Kung noon ay tila alipin ang turing sa kaniya ng mga kasama niya sa bahay, ngayon ay animo prinsesa kung alagaan si Julie ng bago niyang pamilya. Abot langit ang kaniyang pasasalamat sa mga ito sa pangalawang pagkakataon na naibigay sa kaniya upang makapamuhay nang masaya at maginhawa.