Inday TrendingInday Trending
Pinaakit ng Binata sa Kasintahan ang mga Gwardiya para Siya’y Makapasok sa Resort, Maging Masaya kaya Siya sa Utos Niyang Ito?

Pinaakit ng Binata sa Kasintahan ang mga Gwardiya para Siya’y Makapasok sa Resort, Maging Masaya kaya Siya sa Utos Niyang Ito?

“Hindi ba’t gusto mong makapag-swimming tayo sa loob ng magandang resort na ‘yan, babe?” malambing na sabi ni Jobel sa kaniyang kasintahan, isang hapon nang mapadaan sila sa isang sikat na resort sa kanilang lugar.

“Oo naman! Matagal ko nang sinasabi sa’yo ‘yan, eh, hanggang ngayon, hindi ka makapag-ipon para makapasok tayo riyan!” nguso nito habang iirap-irap sa kaniya. “Ito na nga, eh, makakapasok na tayo riyan basta sundin mo lang kung anong sasabihin ko!” sagot niya rito.

“O, ano bang naiisip mong paraan? Wala ka na namang pera, ‘no?” masungit na sabi nito habang iiling-iling.

“Hindi na natin kailangan ng pera! Ibaba mo lang ‘yang damit mo at ipakita mo ang dibdib mo sa matandang bantay at panigurado, makakalusot tayo nang hindi nagbabayad!” sabi niya pa rito habang unti-unting hinihila pababa ang damit ng kaniyang kasintahan.

“Diyos ko, Jobel! Nahihibang ka na ba? Gagamitin mo ang katawan ko para lang makapasok tayo sa resort na ‘yan?” sigaw nito sa kaniya matapos tapikin ang kamay niyang patuloy sa paghila ng damit para lumabas ang dibdib nito.

“Ayaw mo? Kung ayaw mo, maghahanap na lang ako ng dalagang pwede kong magamit dahil gustong-gusto ko nang makapasok d’yan!” bulyaw niya rito saka agad itong iniwan doon.

Kahit na maglilimang taon na ang binatang si Jobel at ang kinakasama niyang nakilala niya sa isang sugalan, ni isang beses, hindi niya pa ito nadadala sa isang magandang lugar, lalo na sa gustong-gusto resort nito hindi kalayuan sa kanilang lugar dahil wala siyang sapat na pera para rito.

May kamahalan kasi ang bayad para makapasok sa resort na iyon at kahit ilang beses man niya itong subukang pag-ipunan, hindi niya magawa-gawa dahil sapat lang ang kinikita niya sa pagtitinda ng sorbetes para sa pagkain nilang magkasintahan.

Sa pagtagal ng panahon, ginusto niya na ring makapasok sa resort na iyon dahil ‘ika ng ibang mga nakapasok na roon, napakarami raw naggagandahan at nagseseksihang babae ang palaging nagpupunta roon dahilan para siya’y mag-isip ng paraan para makapasok doon.

Nang araw na ‘yon, tumalab ang plano niyang pag-iwan sa kaniyang nobya dahil siya’y agad na hinabol nito at sinabing, “Gagawin ko na! Ayos na ba itong damit ko?” saka nito pinakita ang dibdib na kaunti na lang, luluwa na. Agad siyang napangiti at dinala sa entrada ng resort na iyon ang seksing kasintahan.

Nang magsimula na ang kaniyang nobya sa pag-akit sa mga gwardiya roon, siya’y pasimpleng pumuslit. Hindi na niya nahintay na sabay silang pumasok dito nang libre nang makahanap siya ng tiyempong makapasok.

Pagkapasok niya roon, talaga nga namang nabusog ang kaniyang mata sa mga babaeng pagala-gala na nakasuot ng bikini. “Kapag sinuswerte ka nga naman!” pangisi-ngisi niyang sabi habang todo masid sa mga babae.

Maya maya, may magkasintahang lumapit sa kaniya upang magpakuha ng litrato. Matapos niyang kuhanan ang mga ito, roon niya lang naalala ang kasintahan niyang hanggang ngayon, hindi pa rin nakakasunod sa kaniya.

Kaya naman, siya’y nagdali-daling bumalik sa entrada kung saan niya ‘yon iniwan. Ngunit wala na roon ang kaniyang kasintahan at ang dalawang gwardiya dahilan kaya siya’y nagpasiyang libutin ang resort na iyon.

Hanggang sa nakarating siya sa isang tagong palikuran sa resort na iyon at doon niya narinig ang malakas na sigaw ng kaniyang minamahal. Dali-dali siyang pumasok doon, nakita niyang wala itong damit at tila nahihibang na.

“Anong nangyari, babe?” pag-aalala niya rito. “Ginamit nila ako, ginamit nila ako, ginamit nila ako!” paulit-ulit na sabi nito habang nakatulala.

Agad niyang binalikan ang dalawang gwardiya na ngayo’y nagbabantay na. Sinapok niya ang mga ito at sinabing sila’y magbabayad sa ginawang kababuyan sa kaniyang nobya. Ngunit imbis na matakot, ngumisi lang ang dalawa at sinabing, “Wala kang proweba, hijo. Baka gusto mong ikaw ang ipakulong namin? Trespassing ‘tong ginawa mo, hindi ka naman nagbayad sa amin, eh,” saka siya pinagtawanan ng mga ito.

Dahil doon, minabuti niya munang iuwi sa kanilang bahay ang kasintahang hanggang ngayon, tuliro at hindi nagsasalita. Humingi na rin siya ng tulong sa mga pulis ngunit dahil nga wala siyang mailabas na proweba, hindi siya pinakinggan ng mga ito.

“Huwag ka nang magsinungaling, hijo. Kaibigan namin ang mga iyon. Hindi nila magagawa ‘yang binibintang mo. Baka sadyang baliw na ang kasintahan mo,” sabi pa ng isang pulis sa kaniya na talagang ikinawala ng pag-asa niya.

Sising-sisi siyang umuwi sa kanilang bahay. Hindi niya lubos akalaing ang kagustuhan niyang makapasok sa resort na iyon ay ang makakapagbigay trauma sa kaniyang kasintahan.

Paulit-ulit na pasensya man ang hingin niya sa dalaga, nakatitig lang ito sa kaniya habang paulit-ulit na sinasabing, “Ginamit nila ako!”

Wala man siyang pinanghahawakang ebidensya ngayon at pera upang makapagsampa ng kaso, pinangako niya sa sariling balang araw, maibibigay niya ang hustisyang para sa minamahal niya.

Habang wala pa siyang sapat na pera, napagdesisyonan niyang aliw-aliwin muna ang dalaga at dalhin sa malayong probinsya upang makalimot.

“Aayon din sa’ting mahihirap ang tadhana at hustisya,” sabi niya rito nang unti-unti na itong makapag-isip nang ayos.

Ilang buwan pa ang lumipas, sa tulong ng ilan niyang kaibigan na nagpumilit pumasok doon, nakakuha sila ng kopya ng CCTV at doon napatunayan ang kasalanan ng dalawang gwardiya na agad na natanggal sa trabaho at nakulong. Kitang-kita niya ang sayang mayroon sa mga mata ng kaniyang kasintahan noong mga oras na ‘yon kaya siya’y nangako rito na kahit kailanman, hindi na niya ito ipapain sa masamang gawain. Ngayon ay magsisikap na siya sa buhay upang maipalasap dito ang maginhawang buhay.

Advertisement