Inday TrendingInday Trending
Nilait ng Babaeng Ito ang Bagong Kapitbahay na Aniya’y Mukhang Mahirap; Hindi Niya Akalaing Pagsisisihan Niya Ito sa Huli

Nilait ng Babaeng Ito ang Bagong Kapitbahay na Aniya’y Mukhang Mahirap; Hindi Niya Akalaing Pagsisisihan Niya Ito sa Huli

Nakahalukipkip na lumabas ng kaniyang bahay si Aling Angie habang tatawa-tawa pang nakatingin sa bago nilang kapitbahay na ngayon ay nagdidilig ng halaman sa hardin nito. Talagang ipinagtataka niya kung papaano nitong nakayanang umupa ng bahay sa subdibisyong kanila ring tinitirhan, gayong puro may mga kaya lamang sa buhay ang mga nakatira doon. Wala naman kasi sa hitsura ng kapitbahay nilang ito na ‘may kaya sa buhay’ ang kanilang pamilya. Sa katunayan nga ay mukha pa itong mahirap at marumi para kay Aling Angie.

“Hay naku! Kailangan na siguro naming maglagay ng mas maraming CCTV dito sa bahay namin, dahil mukhang pinapasok na ng mga hampaslupa ang subdibisyong ito!” umiikot pa ang mga matang pagpaparinig ni Aling Angie sa may edad nang lalaking nagdidilig ng halaman sa kabilang bahay.

Dahil doon ay agad niyang nakuha ang atensyon ng nasabing lalaki. Luminga-linga pa ito sa paligid upang kumpirmahing dadalawa lang silang tao roon sa labas ngayon. Maya-maya pa ay nagsalita ito at kinausap si Aling Angie.

“Mawalang galang na ho, ma’am… ako ba ang pinariringgan n’yo?” tanong ng lalaki kay Aling Angie.

“Aba, sino pa ba sa palagay mo? Tayo lang naman ang tao rito, hindi ba?” sabi pa niya at pinanlakihan ng mata ang lalaki.

Natawa naman ang kaniyang kausap matapos nitong bahagyang magulat sa kaniyang sinabi. “Mawalang galang na ho, ma’am, pero hindi naman ho ako magnanakaw,” paliwanag nito. “Masama hong mambintang ng kapwa. Huwag kayong ganiyan,” sabi pa nito sa mahinahong tinig.

“Malamang, hindi mo aaminin sa akin ’yon! Sino ba namang kawatan ang aaming kawatan siya?” ngunit pabalang pa ring sagot ni Aling Angie. Napailing na lang ang lalaki. Masiyado itong nainsulto sa sinabi niya ngunit mas pinili nitong tumahimik na lang at ipagpatuloy ang ginagawang pagdidilig. Ngunit tila hindi pa rin nakukuntento ang matapobreng ale! Matapos kasi iyon ay muli siyang sumigaw at nagbanta sa lalaki!

“Ito ang tatandaan mo, mister! Oras na mayroong mawala sa amin o sa iba pang tagarito ay ikaw agad ang ituturo ko!” sabi pa niya na hindi na binigyan pa ng pagkakataong makasagot ang kausap. Tinalikuran niya ito at pumasok na siya sa loob ng bahay.

Napailing na lang muli ang bagong lipat na si Mang Fidel. Bagama’t hindi siya makapaniwalang may ganitong kapitbahay siyang matitiyempuhan sa bagong bahay na kaniyang nilipatan ay mas pinili na lamang niya itong ipagsawalang bahala. Ang akala niya kasi ay hindi naman ito gagawa ng kahit anong gulo maliban sa pambibintang sa kaniya at pang-iinsulto…

Ngunit doon siya nagkakamali. Makalipas lang kasi ang ilang araw ay hindi inaasahang pinuntahan siya ng mga pulis sa kaniyang bahay dahil mayroon daw nag-report ng nakawan sa lugar na iyon at siya ang itinuturong may sala! Pinagbibintangan kasi siya nitong nagnakaw ng kaniyang nawawalang selpon!

“Anong kalokohan ho ito, misis? Hindi naman ho yata tamang basta na lamang ninyo akong pagbintangan dahil lang ’tulad ng sinasabi n’yo ay mukha akong mahirap!” katuwiran ni Mang Fidel kay Aling Angie na may galit na sa tono. “Maaari ko ho kayong ireklamo ng paninirang puri d’yan sa ginagawa n’yo!” sabi pa niya.

“Binabantaan mo ba ako?!” paghihisterikal naman ni Aling Angie bilang tugon sa kaniyang sinabi. Dahil doon ay nasapo na lang ni Mang Fidel ang kaniyang ulo.

Nasa ganoong sitwasyon sila nang bigla na lang dumating ang anak ni Aling Angie na si Nathan galing sa unang araw nito sa trabaho bilang isang fresh graduate sa kursong Culinary Arts. Agad na rumehistro sa mukha nito ang pagtataka nang makitang nakatayo sa harapan ng kanilang bahay ang dalawang pulis na nakauniporme pa.

“Mama, ano’ng nangyayari dito?” tanong ng lalaki sa kaniyang ina.

“Anak, ito kasing bago nating kapitbahay ninakawan ako! Ngayon lang ako nawalan ng gamit, at nangyari ito nang dumating ang lalaking ’yan dito sa lugar natin!” sumbong naman niya sa anak.

Nilingon ni Nathan ang ‘magnanakaw’ na tinutukoy ng kaniyang ina at ganoon na lang ang gulat niya nang makilala ang kaharap. “Sir?!” bulalas nito bago muling binalingan ang ina. “Paano ka niyang nanakawan, mama, gayong siya ang boss ko sa trabaho? Siya ho ang may-ari ng five star restaurant na pinagtatrabahuhan ko ngayon! Saka, hindi ho ba at hiniram ko sa inyo kaninang umaga ang cellphone n’yo dahil nasira nga ’yong akin?”

Gulat na gulat si Aling Angie sa isiniwalat ng kaniyang anak. Halos manlumo siya sa nalaman. Maging ang mga pulis na rumesponde sa kaniyang sumbong ay napailing. Nahiling na lang ni Aling Angie na sana ay lamunin siya ng lupa nang mga sandaling ’yon.

“Pasensiya na po kayo, sir. Sana po ay mapatawad n’yo ang mama ko,” hiyang-hiyang anang kaniyang anak kay Mang Fidel na noon ay mabilis naman silang pinatawad.

Isang napakalaking leksyon ang natutunan ni Aling Angie sa nangyari. Dahil doon, simula nang araw na ’yon ay hindi na halos siya makalabas ng bahay dahil napagtanto niyang mali nga ang kaniyang ginawa. Kahit pagkatapos niyang humingi ng sinserong tawad kay Mang Fidel ay kinakain pa rin siya ng hiya. Sana pala ay hindi na lang niya ito hinusgahan dahil lamang sa panlabas nitong kaanyuan.

Advertisement