Inday TrendingInday Trending
Balak Makikain ng Pulubing Ito sa Isang Handaang Nadaanan Niya sa Kanilang Barangay; Ikagugulat ng Lahat ang Gagawin ng May-ari sa Kaniya

Balak Makikain ng Pulubing Ito sa Isang Handaang Nadaanan Niya sa Kanilang Barangay; Ikagugulat ng Lahat ang Gagawin ng May-ari sa Kaniya

Kanina pa kumakalam ang sikmura ni Joseph. Sapo niya ang kaniyang tiyan habang naglalakad sa kalsadang iyon kahit ang totoo ay hindi niya alam ang kaniyang patutunguhan. Si Joseph kasi ay isang pulubing walang permanenteng tinitirhan. Wala rin siyang tahanan dahil lumaki siyang mag-isa buhat nang tumakas siya sa pinanggalingang bahay-ampunan noong siya ay bata pa.

Napakapayat ni Joseph at kung titingnan ay halos buto’t balat na. Lumaki man siya sa kalye at maagang namulat sa reyalidad at kasamaan ng buhay ay hindi naman siya naging katulad ng ibang pulubi o batang kalye riyan. Itinatak kasi ni Joseph sa kaniyang isip na masamang maging masamang tao, kaya naman dahil doon ay palagi na lang siyang gutom. Hindi kasi kailan man naging gawain ni Joseph ang kumuha ng hindi kaniya katulad ng ginagawang pangkabuhayan ng ilan sa mga kapwa niya pulubi. Simula noon ay nagkakasya lamang siya sa pagkain ng mga tira-tira sa basurahan o panghihingi sa mga taong nagdaraan sa kalsada.

“Gusto kong maging mabuting tao, upang kapag nawala na ako sa mundo, kahit sa langit ay magkaroon man lamang ako ng maganda at maalwang buhay,” pangako niya sa sarili. Palagi rin kasi siyang bumibisita sa simbahan kaya naman pamilyar siya sa Diyos at sa bibiliya. Iyon ang aral na kaniyang pinanghahawakan kaya naman pinili niyang maging matuwid sa kabila ng kahirapan.

Ngunit talagang traydor ang kagutuman. Dahil halos mawalan na siya ng ulirat nang mga sandaling iyon dahil sa gutom ay halos matukso na siyang gumawa nang masama para lang maibsan ang kaniyang gutom. Nakakita kasi siya ng isang aleng nag-ce-cellphone sa may daan. Kung tutuusin ay kayang-kaya niyang hablutin ang hawak nitong aparato at tumakbo upang siya ay may maibenta’t may maipambili ng kaniyang kakainin.

Mabuti na lamang at talagang mas matibay ang kaniyang prinsipyo kaya naman nagawa niya pa ring pumikit na lamang at ibaling sa ibang direksyon ang kaniyang tingin… at doon ay saka siya nakakita ng mas magandang oportunidad upang makakain.

May nagaganap na isang birthday celebration sa isa sa mga bahay na kaniyang nadaanan. Mula sa kaniyang puwesto ay kitang-kita niya ang maraming pagkaing nakahain sa isang malaking lamesa na siyang nilalantakan ng mga bisita. Nakagat ni Joseph ang nanunuyot niyang labi bago siya nagpasyang maglakas-loob at manghingi ng pagkain sa may-ari ng bahay.

Kumatok si Joseph sa gate. “Tao po! Pasensiya na po sa abala, pero p’wede po ba akong makahingi ng kahit kaunting pagkain sa inyo? Kahit ’yong mga tira-tira lang po, pakiusap. Dito lang din po ako kakain sa labas. Gutom na gutom na po kasi ako, tatlong araw na po akong kumakain ng mga tira-tira sa basurahan,” mangiyak-ngiyak niyang sabi na halos maglumuhod na sa harap ng mga tao sa loob ng bakuran ng may-ari ng handaan.

“Naku, bakit naman diyan ka sa labas kakain at bakit naman tira-tira ang hinihingi mo? Pagkain ito, hijo, at hindi dapat ipinagdadamot. Halika’t pumasok ka. Ako’ng bahala sa ’yo,” nakangiting sagot naman sa kaniya ng may-ari na agad pa siyang nilapitan upang akayin sa loob. Ikinagulat naman ng mga bisita ang ginawa ni Aling Conchita, ang birthday celebrant.

Halos maiyak sa tuwa si Joseph. Salamat sa Diyos at wakas ay makakakain na siya! “Napakabait n’yo po! Maraming salamat po!” sabi niya pa na puno ng pagpapasalamat.

“Hindi ako mabait, hijo. Ikaw ang mabait. Alam mo bang palagi tayong nagkikita sa simbahan? Hindi mo lang siguro ako natatandaan pero isa ako sa mga taong napakitaan mo na rin ng iyong kabutihan. Minsan na kasi akong nalaglagan ng pitaka sa loob ng simbahan at ikaw ang nakakuha. Pero imbes na kunin mo ’yon ay isinauli mo iyon sa akin. Hanga ako sa kabutihan mo, anak,” sabi pa ni Aling Conchita na siyang nakapagpaantig naman sa mga nakarinig.

“Aba, napakabait pala ng batang ’yan, mare! Aba’y dapat sa kaniya, tinutulungan! Naku, hijo, mamaya ay mag-usap tayo. Ako’y may kakilalang naghahanap ng pwedeng maging scholar. Baka maaari kitang ipasok doon,” singit ng isa sa mga bisita ni Aling Conchita.

“Ako rin! Gusto kong tumulong sa mga ganiyang bata, Conchita, kaya ako na ang sasagot sa kaniyang school supplies kung sakali!” bulalas naman ng isa pa.

Halos hindi makapaniwala si Joseph sa bilis ng mga pangyayari. Hindi niya akalaing mabilis ang magandang karmang babalik sa kaniya! At hindi lang ’yon, dahil sa muling pagsasalita ni Aling Conchita ay halos tumalon ang puso ni Joseph sa tuwa.

“Alam kong mag-isa ka na lang sa buhay, Joseph, at alam kong sa kalye ka nakatira. Kaya naman matagal ko na itong pinag-isipan. Tutal ay pareho naman tayong nag-iisa sa buhay, bakit kaya hindi na lang kita ampunin?”

At tinupad nga ni Aling Conchita ang sinabi nitong iyon na siyang nagbigay ng masagana at maalwang buhay kay Joseph simula noon. Tunay ngang napakabuti ng Diyos sa lahat, lalo na sa mga naniniwala sa Kaniya. Kaya naman lalo pang tumibay ang pananampalataya ni Joseph pagkatapos n’on na siya niyang nadala hanggang sa kaniyang pagtanda.

Advertisement