Inday TrendingInday Trending
Ilang Buwan pa Bago Magpasko ngunit Nangangaroling na ang Magkakapatid na Ito; May Malalim palang Dahilan kung Bakit Nila Ginagawa Iyon

Ilang Buwan pa Bago Magpasko ngunit Nangangaroling na ang Magkakapatid na Ito; May Malalim palang Dahilan kung Bakit Nila Ginagawa Iyon

“Thank you! Thank you! Ang babait ninyo, thank you! Merry Christmas po!” masayang panapos ng tatlong magkakapatid na Jack, Joshua, at Jenny matapos mag-abot ng barya bilang aguinaldo ang may-ari ng bahay na siya nilang hinandugan ng karoling nang gabing iyon. Ang totoo ay medyo nakakarami na sila kaya naman tuwang-tuwa ang tatlong bata. Tuwang-tuwa rin naman ang mga nanonood sa kanila dahil bukod sa pagkanta ay hinahaluan din nila ng sayaw ang kanilang pagtatanghal. Bibong-bibo ang tatlo kaya’t ni hindi kababakasan ng kalungkutan ang mga ito. Pawang nakangiti kasi sila at nakakahawa iyon. Pinagkukumpulan tuloy sila ng mga tao sa compound na iyon.

“Ang gagaling naman ninyo, mga bata. Kaya lang ay napakaaga naman ninyong mangaroling. Kauumpisa pa lang ng Setyembre, a?” tatawa-tawa namang komento ng mabait na ale sa kanila na katabi ang iba pa nitong mga kapitbahay na nakinood at naaliw rin sa kanilang pagkanta.

“Kailangan po kasi para makarami, e,” sagot naman ni Jenny, na siyang bunso sa magkakapatid, sa mga ito.

“Bakit? Saan n’yo ba gagamitin ang pera?” puno ng kyuryosidad ang tanong na iyong muli ng mabait na ale.

Hindi naman agad nakasagot ang magkakapatid. Bukod doon ay bahagya pang nabawasan ang mga ngiti sa kanilang mga mukha kaya naman lalong nasabik ang ale na malaman ang kanilang dahilan.

“N-nasa ospital po kasi ang mama namin. May sakit po siya—malubha. Dahil po doon ay nagpasya kaming mangaroling nang maaga upang makaipon ng pambayad sa ospital,” maya-maya ay nagawang sabihin ni Joshua, ang panganay sa tatlo, na siyang ikinagulat naman ng mga nakikinig.

“Naku, talaga?!” gulat na bulalas ng ale na nagpakilalang si Aling Linda. “Kaawa-awa naman ang mga batang ito,” maluha-luha pang sabi niya.

Matapos iyon ay tinanong pa ng mabait na ale kung saang ospital nakalagak ang kanilang ina upang personal itong makapagpaabot ng tulong. Agad namang itinuro ng magkakapatid kung nasaan ang kanilang ina. Nang makumpirmang nagsasabi nga ng totoo ang mga bata ay nagpasya si Aling Linda na hikayatin ang kaniyang mga kapitbahay na tulungan ang tatlong bata sa pangangaroling upang makakuha sila ng mas malaking aguinaldo. Agad namang pumayag ang mga ito.

Nagpunta pa sila sa tanggapan ng barangay upang kumuha ng permit na makapasok sa ilang magagandang subdibisyon at dahil sa rason kung bakit nila ito gagawin ay agad naman silang pinahintulutan ng kanilang kapitan. Sa katunayan ay nagbigay din ito ng tulong at nagpasyang sumama sa kanilang munting pangangaroling bilang pagsuporta sa pagtulong sa tatlong mababait na batang umantig sa kanilang puso.

Nagsimulang mangaroling ang mga bata kasama ang mga taong nagpasyang magparamdam sa kanila ng tunay na diwa ng Pasko. Sila ang nagpatotoo sa kwento ng tatlo kaya naman sa maikling panahon lamang ng pangangaroling nila ay nakaipon sila ng perang gagamitin upang mapaoperahan na nila ang kanilang ina sa lalong madaling panahon.

Halos maiyak sina Jack, Joshua, at Jenny sa napakaraming biyayang natatanggap nila mula sa ibang tao kaya naman labis ang kanilang pasasalamat sa mga ito. “Hulog po kayo ng langit lahat, lalong-lalo ka na po, Aling Linda. Hinding-hindi po namin makakalimutan ang kabutihang ipinakita ninyo sa amin at pangakong balang araw ay ibabalik din po namin sa iba ito,” sabi pa Jack na punong-puno ng luha sa mga mata dulot ng kasiyahan matapos nilang mabayaran ang operasyon ng kaniyang ina.

“Kayo ang hulog ng langit, mga anak. Kayo ang suwerte ng inyong ina. Hindi kami magsasawang tulungan kayo nang paulit-ulit dahil napakabuti ninyong mga bata. Nawa’y patnubayan pa kayong lalo ng panginoon,” sagot naman ni Aling Linda na niyakap pa ang tatlo.

Naging matagumpay naman ang operasyon ng kanilang ina na noon ay lubos din ang naging pasasalamat sa mga tumulong sa kanila. Ang natirang pera naman galing sa napamaskuhan ng mga bata ay ginamit nila sa kanilang pag-aaral.

Lumipas ang mga taon at dahil sa pagiging mababait, masisipag, at madidiskarte nilang tatlo ay pawang mga nakatapos sila ng kolehiyo. Ang isa ay nagtapos bilang isang inhiniyero. Ang isa naman ay naging pulis habang ang isa ay naging guro. Baon nila ang aral na natutunan nila noong sila ay mga bata pa kaya naman nang maging maalwan na ang buhay nila ay nagpasya silang tumulong din sa mahihirap.

Iyon ang kahalagahan ng pagpapakita ng kabutihan sa mga bata, dahil babaunin nila iyon hanggang sa kanilang pagtanda.

Advertisement