Pinagtaksilan Siya ng Dalawang Tao na Mahalaga sa Kaniya; Matuto pa Kaya Siyang Magpatawad?

Kinakabahan si Maine ngunit nasasabik siya. Niyaya kasi siya ng kaniyang nobyo na mag-date sa lugar kung saan sila unang nagkakilala. 

Tinext niya ang bestfriend niya na si Marj upang kahit papaano ay maibsan ang kaba niya.

“Marj, feeling ko magpo-propose na si Jeff!”

May pakiramdam siya na iyon na ang araw na pinakahihintay niya. Ang araw na yayayain siya nitong magpakasal.

Limang taon niya nang nobyo si Jeffrey. Ito rin ang unang-unang nobyo niya. Kaya naman hindi niya maiwasang umasa na ito na ang una at huli.

Napasimangot siya nang mapagtanto na hindi pa nagrereply si Marj sa text niya. Ngunit agad na napalitan ng ngiti ang kaniyang simangot nang mamataan niya si Jeffrey na kapapasok lamang ng restawran.

Mas lalong kumabog ang dibdib ni Maine nang matanaw niya na may bitbit itong isang pumpon ng puting orchids. Ang paborito niyang bulaklak.

Sinalubong niya ng yakap ang nobyo.

Advertisement

Ilang sandali lamang ay masigla na siyang nagkukwento habang kumakain sila.

Naudlot ang pagkukwento ni Maine nang mapagtanto niya na tila balisa ang kaniyang nobyo. Halos hindi rin nito nagalaw ang pagkain nito, gayong alam niya kung gaano nito ka-paborito ang in-order nitong pagkain.

“May problema ba?” nagtatakang usisa niya sa nobyo.

Huminga ito nang malalim bago hinawakan nang mahigpit ang kamay niyang nakapatong sa mesa.

“May sasabihin sana ako.”

Agad na nagningning ang mata ni Maine. Tila kasi alam niya na ang sasabihin nito. Mukhang tapos na ang matagal niyang paghihintay. Magiging misis na siya.

“Sabihin mo na, nang hindi ka mukhang kinakabahan diyan,” natatawang udyok niya sa nobyo.

“I’m sorry, Maine. Maghiwalay na tayo. Nagbago na ang nararamdaman ko, at may ibang babae na akong mahal.”

Advertisement

Natulala siya. Pakiramdam niya ay pansamantalang tumigil ang inog ng mundo. Nang mahimasmasan siya ay nakita niya na lamang si Jeffrey na umiiyak, habang mahigpit pa rin ang hawak nito sa kamay niya.

“Hindi ko gustong saktan ka. Ang totoo ay matagal ko nang pinipigilan ang damdamin ko para sa kaniya dahil ayaw ko na masaktan ka. Pero Maine, gusto ko nang kumawala at makasama ang babae na tunay na nilalaman ng puso ko,” paliwanag nito.

Kumirot ang dibdib ng dalaga. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na magagawa ni Jeffrey na magmahal ng iba, habang sila pa.

“Sino ang babae?” tanong niya sa nanginginig na tinig.

“S-si M-marj.”

Tuluyan nang gumuho ang mundo niya. Naging doble ang sakit na dulot noon sa puso niya. Paano nagawa ni Jeffrey at ng bestfriend niyang si Marj na saktan siya?

“Sana ay mapatawad mo kami, Maine. Hindi namin gusto na saktan ka. Talaga lang siguro na hindi natin matututuruan ang puso na magmahal ng kung sinong hindi naman itinitibok nito,” malungkot na turan ni Jeffrey bago siya nito iniwang nag-iisa sa mesa kung saan niya ito unang nakilala. 

Noong tumunog ang kaniyang cellphone. Napangiti siya nang mapait nang makita ang nagpadala noon. Si Marj.

Advertisement

“I’m sorry, Maine. Sana ay mapatawad mo kami ni Jeffrey.”

Ang kapal ng mukha ng dalawa para umasa na mapapatawad niya ang kataksilan na ginawa ng mga ito sa kanila!

Sumagot siya sa mensahe ni Marj.

“Simula ngayon, kakalimutan ko na na ikaw ang matalik kong kaibigan. Sa ating dalawa, ikaw naman ang naunang lumimot noon.”

Nang mga sumunod na araw ay panay ay tawag sa kaniya ni Marj. Nais ng babae na mag-usap. Ngunit nunca niyang sinagot ito.

Paulit-ulit din itong pumunta sa bahay niya upang humingi ng tawad ngunit hindi niya ito hinaharap. Noong huli ay galit na galit niya itong pinagtabuyan paalis.

Sa totoo lang ay napakasakit para sa kaniya na bigla-bigla na lang alisin sa buhay niya si Marj. Mula kasi pagkabata ay ito na ang matalik niyang kaibigan. Kaya naman hindi niya inakala na ito pa pala ang aahas sa kaniya.

Mas lalong lumawak ang pagitan nila nang malaman na magpapakasal na pala sina Marj at Jeffrey.

Advertisement

Kumuyom ang kamao niya nang makita ang mensahe na ipinadala ni Marj.

“Sana ay makapunta ka, Maine. Alam mo naman na ikaw na lang ang itinuturing kong pamilya.”

Alam niya iyon. Ulilang lubos na ito, at halos kapatid na ang turingan nila.

“Umaasa pa rin ako na mabigyan mo ng basbas ang pagmamahalan namin ni Jeffrey, Maine. Ikaw pa rin ang matalik kong kaibigan. Sasaya lang ako nang totoo kapag nalaman ko na kaya mong maging masaya para sa aming dalawa,” sabi ng mensahe nito.

Nagtipa siya ng mensahe para sa dating kaibigan.

“Puwes, hinding-hindi ka sasaya.”

Dumating ang araw ng kasal nina Jeffrey at Marj.

Akala ni Maine ay handa na siya at galit na lamang ang natitirang damdamin niya para sa dalawa ngunit hindi niya napaghandaan ang sakit na naramdaman niya. Hindi niya inakala na matapos ang ginawang panloloko sa kaniya ng dalawang taong malapit sa kaniya ay makakaramdam pa rin siya ng panghihinayang.

Advertisement

Umiiyak na nagtungo siya sa parke na nakasaksi ng pagkakaibigan nila ni Marj. Doon ay lumaki silang magkasama. Ang lugar na iyon ang nakasaksi ng kanilang mga pag-aaway, pagbabati, at hindi mabilang na memorya nilang magkaibigan na kasama.

Doon napagtanto ni Maine na miss na miss niya na pala ang kaniyang matalik na kaibigan.

“Napakaiyakin mo talaga,” ani ng isang pamilyar na tinig.

Nang iangat niya ang tingin ay nakita niya ang matalik na kaibigan, na magandang-maganda sa suot nitong traje de boda. Ngunit tulad niya ay basa rin ng luha ang magandang mukha ng babae.

Nanlaki ang mata niya. Bakit ito naroon sa araw ng kasal nito?

“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya sa babae. 

Umupo ito sa tabi niya.

“Hindi ko rin alam. Imbes na sa simbahan ay dito ako dinala ng puso ko. Siguro ay hindi ko talaga kayang pakasalan si Jeffrey kung ikakadurog naman ‘yun ng puso mo…” anito.

Advertisement

Hindi siya umimik.

“Sorry, Maine. Alam ko kung gaano kasakit ‘to sa’yo. Sa labis na kagustuhan kong sumaya, naisantabi ko ang kaligayahan mo.”

Hindi siya umimik. Ngunit nakaukit sa isip niya ang sinabi ng kaibigan.

“Naalala mo ba nung mga bata pa tayo? May ibinaon tayong kahon sa puno ng mangga?” maya-maya ay tanong nito.

Kumunot ang noo niya. Luminaw rin ang memorya niya sa alaala na binanggit nito, ngunit hindi niya na maalala kung ano ang laman ng kahon.

“Gusto mong tingnan natin?” anito.Dahil interesado ay tumango siya. Gusto niya ring malaman kung ano ang laman ng kahon na iyon.

Ilang minuto rin silang naghukay sa ilalim ng puno bago nila nakuha ang pakay.

Nang buksan nila ang kahon ay awtomatikong muling tumulo ang luha ni Maine.

Advertisement

Nakalagay roon ang maraming larawan nilang magkaibigan. Simula noong sabay silang ipanganak sa ospital, sabay silang pumasok sa elementarya.

Kasama ng mga litrato ay ang mga simpleng kataga na noon ay naalala ni Maine na isinulat niya.

“Masaya ako kapag masaya ka. Best friends forever!”

Noon niya napagtanto na dahil nasaktan siya ay ninais niya rin saktan ang kaniyang kaibigan. Nakalimutan niya ang pangako niya rito na parati niyang hahangarin ang ikasasaya nito. Nilingon niya si Marj. Nakita niya ang pagpupunas nito ng luha habang iniisa-isa ang mga larawan nila.

Hinawakan niya ang balikat nito bago siya nagsalita. Nang mga sandaling iyon ay handa na siyang magparaya. 

“Halika na at may kasal ka pang pupuntahan. ‘Wag ka nang umiyak dahil huhulas ang make up mo,” nakangiting wika niya sa kaibigan.

Sa narinig ay mas lalong napaiyak ito.

Sa huli, dahil wala nang kapamilya si Marj ay siya ang naghatid dito sa altar. Hinatid niya ito patungo sa lalaking minsan niyang minahal.

Advertisement

Inakala niya na magiging masakit iyon, ngunit ang tangi niyang naramdaman ay saya at kapayapaan.

Habang pinapanood ang seremonya ng kasal ay nakangiti lamang si Maine. Naisip niya na may mga pagmamahalan talaga na hindi itinadhana at hindi maaaring ipilit dahil magdudulot iyon ng sakit sa marami.

Ang tangi niya na lamang magagawa ay maghintay na dumating ang lalaki na tunay na para sa kaniya.