Inday TrendingInday Trending
Nagkakandawala ang mga Pagkain sa Bahay ng Mag-anak; Sino Kaya ang Salarin?

Nagkakandawala ang mga Pagkain sa Bahay ng Mag-anak; Sino Kaya ang Salarin?

“‘Ma, mayroon pa bang tirang ulam kanina?” narinig ni Annabeth na sigaw ng asawa niya.

“Mayroon pa, tingnan mo riyan sa kaserola!” sigaw niya pabalik.

Maya-maya ay muli niyang narinig ang tinig ng asawa.

“Wala akong makita!”

Napabuntong-hininga na lang siya bago tumayo para puntahan ito.

Nasanay na kasi siya sa ugali nito na hindi marunong maghanap ng mga kailangan at palagi siyang tinatawag sa lahat ng pagkakataon.

“Ubos na yata,” anito nang sumungaw siya sa kusina.

Umiling siya. “Imposible. Ako mismo ang nagtabi,” aniya bago binuksan ang tinutukoy niyang kaserola.

Nang buksan niya ang kaserola ay agad na kumunot ang noo niya nang makitang wala na nga iyong laman. Hindi niya maiwasang magtaka lalo na’t sigurado siyang tinirhan n’ya ng ulam ang asawa.

“Sabi ko sa’yo, eh. Ayaw mong maniwala,” komento ng lalaki.

Naiiling na ipinagluto niya na lang ng simpleng ulam ang asawa. Marahil ay may kumain o ‘di kaya’y aksidenteng naitapon.

Ngunit sa mga sumunod na araw ay paulit-ulit na ganoon ang nangyari. Napapansin niya na laging nawawala ang mga pagkain na natira o ‘di kaya’y nababawasan ang iba pang pagkaing nakaimbak.

Wala siyang ideya kung saan napupunta ang mga iyon. Ilang beses niya na ring tinanong ang mga anak, maging ang kanilang kasamabahay, ngunit pawang walang nakakaalam sa mga ito.

“Ma’am, ‘wag ho sana kayong magagalit pero hindi kaya si Angeli ang kumukuha ng pagkain?” isang araw ay alanganing haka-haka ng kasambahay niyang si Linda.

Napatingin tuloy siya sa direksyon ng kwarto ng bata na parating nakasara.

Si Angeli ay ang batang inampon nilang mag-asawa. Pangarap kasi nila na magkaroon ng anak na babae noon, ngunit nagkaroon siya ng problema sa pagbubuntis. Sa katunayan nga raw ay isa nang malaking himala na naipanganak niya nang ligtas ang dalawa niyang anak na lalaki.

Nang magpunta sila sa bahay-ampunan upang mag-ampon ng isang batang babae ay agad nilang napansin ang labintatlong taong gulang na si Angeli.

Tahimik ito ngunit napakagalang at napakabait. Agad na nagustuhan nilang mag-asawa ang bata. Sa huli ay legal nilang inampon ang mabait na bata.

Nang makarating ito sa kanilang bahay sa unang pagkakataon ay kitang-kita niya ang pagkamangha at paninibago nito. Naiintindihan naman nila dahil limang taon itong nanatili sa ampunan.

Wala silang masabi sa ugali ni Angeli maliban sa isang bagay. Hindi ito palasalita, at kailanman ay hindi nila nalaman ang istorya ng buhay nito bago ito napadpad sa ampunan.

Sa ngayon ay binibigyan muna nila ng oras si Angeli na masanay sa kanila. Umaasa sila na unti-unti rin nilang makikilala ang bagong miyembro ng kanilang munting pamilya.

Napabuntong-hininga na lang si Annabeth. Gusto niyang malaman ang totoo ngunit hindi niya alam kung paano kakausapin si Angeli nang hindi niya masasaktan ang damdamin nito.

“Mag-oobserba muna ako. Saka ko na siya kakausapin kapag sigurado na ako. Hindi ko naman siya pagagalitan. Kung siya talaga ang kumakain ng mga pagkain, wala namang problema iyon dahil parte siya ng pamilya. Ayaw ko lang na nagtatago ang bata, dahil wala naman siyang dapat ikatakot sa amin,” nag-aalala na turan niya sa kasambahay.

Kinausap niya ang asawa at noon sila nagpasya na magkabit ng CCTV sa loob ng bahay. Ilang araw lang ay nakumpirma agad niya ang hinala ni Linda. Si Angeli nga ang pasikretong kumukuha ng pagkain!

Pagkatapos nilang kumain ay agad na nagkukulong sa kwarto ang bata. Ngunit kapag wala nang tao sa paligid ay bumababa ito para kunin ang mga pagkaing natira sa kusina.

Ang lubos na pinag-aalala ng mag-asawa ay ang paglabas ni Angeli dala ang pagkain. Saan nagpupunta ang anak nila?

Dahil nag-aalala ay minabuti nilang alamin ang ginagawa ni Angeli. Isang gabi ay binantayan nila sa CCTV ang bata. Nang lumabas ito ng bahay ay palihim nila itong sinundan.

Dire-diretso ang lakad nito, mayroong tiyak na paroroonan. Kumakabog ang dibdib ni Annabeth. Hindi niya alam kung ano ang matutuklasan nilang mag-asawa.

Maya-maya pa ay huminto ito at pumasok sa isang luma at sira-sirang establisyemento. Maingat silang sumilip at noon nila natuklasan ang lihim ni Angeli. Masaya itong sinalubong ng mga batang kalye na tila hinihintay ang pagdating nito.

Ang mga pagkain pala na ipinupuslit ng bata ay hindi para sa sarili nito, kundi para sa mga batang mas nangangailangan.

Tumulo ang luha ni Annabeth sa nasaksihan. Hindi na siya nagdalawang-isip na lapitan ang anak-anakan.

Nanigas ito sa gulat. Kita niya sa mga mata nito na natatakot itong mapagalitan. Kumirot ang dibdib niya nang makita ang pag-iyak nito dahil sa takot sa sasabihin nilang mag-asawa.

“Sorry po! Gusto ko lang naman po silang tulungan!” katwiran nito.

Niyakap niya ang bata.

“Bakit ka nagso-sorry? Hindi kami galit. Napakaganda nga ng ginagawa mo. Hindi ko akalain na ito pala ang kwento sa likod ng misteryosong pagkawala ng mga pagkain sa bahay,” natatawang wika niya habang hinahaplos ang buhok ng anak.

“Hindi po kayo galit?” takang tanong nito.

“Hindi kami galit. Gusto lang naman namin malaman kung bakit mo naisipang gawin ang bagay na ito.”

Sa mahinang boses ay sumagot ito. “Alam ko po kasi ang pakiramdam ng nagugutom dahil minsan ko na po ‘yung naranasan.”

Natigagal ang mag-asawa. Iyon kasi ang unang beses na narinig nila ang kwentong iyon.

“Ulilang lubos na po kasi ako. Nang mawala si Nanay, wala na rin po akong pambayad sa renta kaya’t pinalayas ako ng may-ari. Walong taong gulang lang po ako noon. Napilitan akong manirahan sa kalye sa loob ng limang taon. Bata pa po ako noon at walang kayang gawin kaya nabuhay ako sa panlilimos. Minsan, wala talagang nagbibigay kaya natutulog na lang akong walang laman ang sikmura. Nagdadasal na lang po ako na kinabukasan ay may maawa naman sa akin.”

Nadurog ang puso ni Annabeth sa narinig. Hindi niya maiwasang maiyak nang maisip niya ang hirap na dinanas ng bata.

“‘Wag kang mag-alala, Angeli. Nandito na kami para sa’yo, kaya hindi mo na ‘yun mararanasan ulit. Hahanap din tayo ng mga taong tutulong sa mga batang tinutulungan mo,” pangako niya.

Nanlaki ang mata ni Angeli. Sa unang pagkakataon, simula noong inampon nila ang bata ay nakita nila na sumilay ang matamis na ngiti mula sa labi nito. Sa gulat niya ay yumakap ito nang mahigpit sa kanilang mag-asawa.

“Salamat po, Mama, Papa,” ngiting-ngiting pahayag nito. Sa mukha ng bata ay kitang-kita nila ang sinseridad.

Nangilid ang luha sa mga mata ng mag-asawa. Iyon ang unang beses na tinawag sila nang ganoon ni Angeli!

Sa wakas, mukhang dumating na ang araw na kay tagal nilang hinintay, binuksan na nito ang puso para sa kanila na bago nitong pamilya.

Advertisement