
Nagpaawa ang Babae sa Kaibigan Upang Makapasok sa Trabaho; Sising-Sisi Siya Nang Magkatotoo ang Lahat ng Kaniyang Inimbentong Kuwento
“Bes, hindi na naman ako makakapag-ipon. Napakarami ko kasing responsibilidad sa bahay. ‘Yong nanay, tatay, at mga kapatid ko ay umaasa pa rin sa akin dahil lahat sila’y wala nang trabaho nang dahil sa pandemya. May sakit pa ang lolo ko at napakamahal ng mga gamot niya. Ipasok mo naman ako diyan sa pinagtratrabahuhan mo, patutunayan kong karapat-dapat ako. Hiyang-hiya na rin kasi ako sa aking asawa,” pagmamakaawa ni Jilah, ang matalik na kaibigan ni Lyn.
“O sige, ikaw na ang uunahin kong ipasok. Tutal ay kailangang-kailangan mo naman. Ihuhuli ko na ang iba kong mga kaibigan. Siguro naman ay maiintindihan nila ang sitwasyon mo,” sagot ni Lyn na tila awang-awa sa kaibigan.
“Oo nga pala, bes… Huwag ka na lamang maingay sa mga kabarkada natin. Ayoko naman kasing malaman pa nila ang tungkol sa bagay na ito at masyado na ring personal,” nagpapa-awa pang lalong pakiusap ni Jilah.
Lingid sa kaalaman ni Lyn ay may sapat namang ipon si Jilah at paraan niya lamang ito upang agarang makapasok sa trabaho nang hindi na maghihintay pa nang matagal. Bukod doon ay may maayos nang trabaho ang mga kapatid nito at wala ring sakit ang lolo niya. Sa katunaya’y nakabili pa silang mag-asawa ng bagong motorsiklo na pinalalabas naman ni Jilah na bigay lamang ng kapatid ng asawang si Rod.
“Mars, pasensiya ka na. Alam kong single mom ka at wala nang ibang aasahan pero mas kailangan kong unahin ang bestfriend kong si Jilah. Iba na rin ang tagal ng pinagsamahan namin,” pakiusap ni Jilah sa kaibigang si Mae.
“Ang yaman-yaman naman niyang babaeng iyan mars, bakit kailangan mong unahin? Hindi mo ba alam, nakabili sila ng bagong mamahaling motor. Cash pa nga nilang binili. Ang ahente ay kumpare ko rin. Marami na ‘yan silang ipong mag-asawa,” sagot ni Mae.
Hindi na lamang inintindi ni Jilah ang sinabi ni Mae ngunit napaisip din siya sa sitwasyon ng kaibigan sapagkat malaki naman ang suweldo ng asawa nito at may negosyong bigasan din namang pinatatakbo ang mag-asawa.
“Hay naku, mahal. Alam mo ba 8,000 pesos lang ang sahod sa pinagpasukang trabaho sa akin ni Lyn? Imaginin mo, nagpapakahirap s’ya eh ganoon lamang palang kaliit ang sahod. Akala ko pa naman ay yayamanin na yong bff ko. Pihado yong mister niyang si Albert, maliit lang din ang sahod. Kaya hanggang ngayon ay nagtitiis silang tumira sa luma nilang apartment. Suwerte talaga natin at namana mo kela mommy at daddy ang magarang bahay na ito at wala ka pang kapatid,” pangmamaliit ni Lyn sa kaibigan.
Napakamot na lamang ng ulo ang asawa nitong si Rod.
“Mahal, huwag mong hahamakin yong tao. Ugali mo na talaga iyang magkumpara ng sarili sa iba, lalo na sa bestfriend mong si Jilah. Maaaring marami na silang naipundar ngunit hindi nila iyon pinopost sa social media at pinagmamalaki kung kani-kanino. Kaya huwag kang manghuhusga ng kapwa mo lalo na matalik mo pang kaibigan si Jilah.”
“O sige, purihin mo na naman si Jilah! Palibhasa binasted ka lang niya kaya ako ang sunod mong niligawan. Sino ang mas maganda?! Ako o siya?” parang batang saad ni Lyn.
Nanlaki ang mga mata ni Rod sa inasal ng asawa ngunit hindi nito maitatanggi na talaga namang ‘di hamak na mas maganda at mas mabait si Jilah kaysa sa asawa. Kaya naman inabot din ng taon bago niya ito nakalimutan. Huli na lamang nang matuto niyang mahalin si Lyn dahil sa pangit na ugali nito.
“Ano na?! Sumagot ka! Hoy, Ro—,”
Naputol ang pangungulit ni Lyn nang mag-ring ang kaniyang cellphone.
“Ate, kailangan namin ng tulong mo. Si lolo, inatake sa puso. Hindi lamang namin masabi ‘yong totoo sa iyo pero lahat kami ay nawalan na ng raket dahil sa pandemic… Simot na kami, ate… Tulungan mo kami at si lolo… Si tatay ay lubog na rin sa utang,” umiiyak na daing ng bunsong kapatid ni Lyn na si Anna.
Nanlaki ang ulo ni Lyn sa narinig. Tila lahat ng palusot niya kay Jilah ay nagkatotoo. Para siyang sinampal ng tadhana.
Lumipas ang ilang buwan ay naubos ang ipon ng mag-asawa. Dahil sanay sa marangyang buhay ay palaging mainit ang ulo ni Lyn. Natuto rin siyang magsugal upang magbakasakaling susuwertihin at mapapalago ang natitirang pera. Ngunit kabaligtaran ang nangyari. Nalubog pa siya sa utang. Dahilan upang hiwalayan siya ng asawa. Bukod kasi sa hindi pagpayag ni Lyn na magkaanak ay nananakit din ito noon pa at talagang napuno na rin si Rod sa misis.
“Bes, baka puwede mo akong hanapan ng trabahong malaki ang sahod. Hindi ko kayang maging kagaya mo na nagtitiis lamang sa kakarampot na sahod ninyong mag-asawa at nagsusumiksik sa mabaho at maliit ninyong apartment,” matabil pa rin ang dila maski nakikiusap si Lyn.
“Alam mo Lyn, nagsimula rin ako sa mababang sahod. Ngayon ay malaki-laki na rin naman iyon. Sa katunayan, nabili na naming mag-asawa ang lahat ng units doon sa sinasabi mong maliit, mabaho, at luma naming apartment. Pauupahan na rin namin ‘yong tinitirhan namin sa kasalukuyan. Ano ba’ng nangyari sa iyo, bes? Hindi mo ba alam? Binenta na sa amin ni Rod ang bahay ninyo. Akala ko’y alam mo. Tinatawagan kita pero hindi mo sinasagot. Hiwalay na ba kayo ni Rod? Kung anuman ang pinagdadaanan mo ngayon, ipinagdadasal ka namin ni Albert.”
Nagsasalita pa rin si Jilah ngunit tila nabingi si Lyn sa mga narinig.
Malaki man o maliit ang kinikita, kung marunong kang magpahalaga sa pera ay tiyak na mapapalago mo ito. Sumasang-ayon ba kayo rito?