Isang Estranghero ang Bumisita sa Burol ng Kaniyang Lola; Ano ang Tunay na Katauhan Nito?

Isang Estranghero ang Bumisita sa Burol ng Kaniyang Lola; Ano ang Tunay na Katauhan Nito?

FamilyMysteryStories

Pinunasan ni Maya ang tumulo na luha mula sa mata niya bago pa iyon pumatak sa kabaong na kinalalagyan ng kaniyang Lola. Iyon na ang huling araw na ibuburol ito. 

Ngayong wala na ito ay isa na siyang ulilang lubos. Lumaki kasi siya sa kaniyang Lola. Bata pa siya nang pumanaw ang kaniyang ina, habang hindi niya naman nakilala ang kaniyang ama. 

Alam niya na kung nasaan man ang Lola niya ngayon ay alalang-alala ito sa kaniya, dahil sa edad na labing walong taong gulang ay mag-isa na lamang siya sa buhay. 

Ngunit alam niya rin na kahit na wala na ito ay hindi siya nito pababayaan at patuloy siyang gagabayan nito. 

“Mami-miss kita, Lola ko…” bulong niya sa nakahimlay na matanda. 

Dahil kilalang mabait na tao ang kaniyang Lola ay marami ang nagsipunta at nakiramay. May kaingayan sa burol dahil iba’t iba ang ginagawa ng mga nakikipaglamay. May mga nagsusugal, habang may mga nagkukwentuhan. May iilan din naman na tahimik na nakaupo habang tila inaalala ang naging buhay ng kaniyang Lola.

Ang pinaka-umagaw ng atensyon niya ay ang lalaking nakasuot ng itim na T-shirt na napapatungan ng itim na jacket. Nakasuot din ang lalaki ng itim na sumbrero.

Iniisip niya kung sino ang lalaki. Sa lahat kasi ng bumisita at nakipaglamay, ito lamang ang hindi pamilyar sa kaniya.

Tahimik lamang itong nagkakape, habang palinga-linga na tila may hinahanap.

Nang mga bandang alas dos ay unti-unti na ring nagsiuwian ang mga nakipaglamay. 

“Hija, uuwi na muna kami, ha? Bukas ay makikipaglibing kami,” paalam ni Aling Sita, isa sa mga kapitbahay nila. 

Isang oras pa ang lumipas at isang bisita na lamang ang naiwan. Ang lalaking estranghero. 

Nahihiya siyang lapitan at usisain ang lalaki kaya naman inabala niya ang sarili sa pagpupulot ng kalat.

Ngunit maya-maya ay lumapit ito sa kaniya at tinulungan siya sa paglilinis. 

“Salamat po,” nahihiyang wika niya sa lalaki nang matapos silang magdampot ng mga basura. 

Tipid na ngumiti ito. 

“Gusto niyo pa po ng kape?” sa kawalan ng masasabi ay alok niya. 

“Oo sana, hija. Salamat,” nakangiting tugon nito. 

Nahihiya na ngumit siya habang nagtitimpla ng kape para sa estranghero. 

Matagal na katahimikan ang namayani sa pagitan nilang dalawa bago siya nagkalakas ng loob na mag-usisa. 

“Kaano-ano niyo po si Lola? Sorry po, tinatanong ko, kasi hindi ko po kayo kilala,” aniya sa lalaki. 

“Ah, kakilala ko ang Lola mo noong mga kabataan ko. Ang totoo ay halos dalawampung tao na simula noong huli ko siyang makita,” sagot ng lalaki. 

Napakunot noo siya. 

“Paano niyo po nalaman na namat*y na si Lola?”

Napangiwi ito. 

“Sa totoo lang, kakaiba rin. Napanaginipan ko ang Lola mo. Sabi niya bisitahin ko raw siya, may mahalaga raw siyang sasabihin sa akin. Natuwa nga ako nang malaman na dito pa rin siya nakatira. Pero nagulat na lang ako nang malaman ko na wala na pala siya. Kasi bakit siya nagpakita sa’kin sa panaginip, ‘di ba?” tila natatakot na kwento nito. 

“Hala, ano naman po kaya ‘yung sasabihin ni Lola sa inyo?”

Maging siya ay nakaramdam ng bahagyang takot. 

Umiling lamang ang lalaki, at sinabi na wala itong kaide-ideya. 

Maya-maya ay ito naman ang nagtanong. 

“Hija, bakit ikaw lang ang nandito? Nasaan ang tatay mo? Wala ba ang Mama mo? Gusto ko sana siyang kumustahin. Matagal na rin kasi simula noong huli kaming nagkita,” sunod-sunod na tanong ng lalaki. 

“Ulilang lubos na po ako. Hindi ko po kahit minsan nakilala ang Papa ko. Si Mama naman po, hindi niyo po pala alam? Matagal na pong pat*y si Mama,” sagot niya. 

Kitang-kita niya ang pagkabiglang bumakas sa mukha ng lalaki. 

“H-hindi ko alam na pat*y na pala si Marites. Kailan pa?” Bakas sa mukha nito ang lungkot. 

“2008 pa po. 5 years old pa lang po ako noon,” kwento niya. 

Muling nanlaki ang mata ng lalaki. Nakita niya ang tila pagbibilang nito gamit ang sariling daliri. 

“Hija, kung 2008 pumanaw ang Mama mo, ibig sabihin, 2003 ka ipinanganak?” usisa nito. 

Tumango siya. 

“At hindi mo nakilala ang Papa mo?” muli ay tanong nito. 

“Opo.”

Nagtaka siya dahil hindi na ito sumagot. Nang lingunin niya ang lalaki ay nakita niya ang pagpupunas nito ng luha. 

“Hala, bakit po?” naaalarma niyang bulalas. 

“Parang alam ko na kung anong gustong sabihin sa akin ng Lola mo…” 

“Ano po?” 

Hindi niya inaasahan ang narinig mula sa lalaki. 

“May palagay ako na ako ang ama mo.”

Ayon sa paliwanag na lalaki na nagpakilalang si “Ranilo,” ito raw ang kasintahan ng kaniyang ina noong hayskul pa lamang ang dalawa.

Dahil lubhang mga bata pa ay pinaghiwalay ang dalawa at dinala ito ng mga magulang sa ibang bansa. Simula raw noon ay doon na nanirahan ang lalaki at doon na rin nagkapamilya. 

Hindi pala siya iniwan ng ama. Sadyang hindi lang nito alam na nabuntis pala nito ang kaniyang Mama. 

Bagaman may alinlangan pa rin sa sinabi ng lalaki ay may pakiramdam siya na totoo ang sinasabi nito. 

Dahil kung hindi, bakit magpaparamdam dito ang kaniyang Lola makalipas ang mahabang panahon? Sa tingin niya ay gusto ng kaniyang Lola na may gumabay sa kaniya ngayong wala na ito. 

Nang mailibing ang kaniyang Lola ay nagpa-DNA test sila, at napatunayan ni Maya na si Renato nga ang kaniyang ama. 

Walang pagsidlan ang saya ni Maya, lalo pa’t mainit ang naging pagtanggap sa kaniya ng pamilya ng kaniyang Papa. 

Nagkaroon siya ng ina sa katauhan ng mabait nitong asawa na si Tita Olivia at nagkaroon siya ng mas batang kapatid— ang cute na cute na si Aliya. 

Araw-araw ay pinapasalamatan ni Maya ang kaniyang mabait na Lola. Dahil dito ay nagkaroon siya ng panibagong pamilya.

Tinupad nito ang pangako na patuloy siya nitong gagabayan kahit pa wala na ito sa mundong ibabaw.

More Stories