Inday TrendingInday Trending
Pinaalis ng Dalaga ang Mag-lolang Kasambahay sa Isang Mamahaling Restawran, Sising-Sisi Siya Kung Bakit Niya Ito Ginawa

Pinaalis ng Dalaga ang Mag-lolang Kasambahay sa Isang Mamahaling Restawran, Sising-Sisi Siya Kung Bakit Niya Ito Ginawa

“Manang, bakit kayo nandito? Hindi ba’t ang sabi ko sa inyo, maghintay na lang kayo roon sa kwarto? Padadalhan naman kayo ng pagkain pagkatapos naming kumain dito sa restawran, nagpunta pa talaga kayo rito!” bulyaw ni Emma sa mag-lolang kasambahay, isang gabi nang makita niya itong nakaupo sa lamesang kanilang kakainan sa isang mamahaling restawran sa loob ng hotel na kanilang pinaglagian.

“Ah, eh, ma’am, pinasunod po kasi kami ni…” hindi na niya pinatapos magpaliwanag ang matanda at agad na niya itong pinagsalitaan.

“Hindi ba kayo nahihiya? Mga matataas na tao ang mga narito, tapos ipapagsiksikan niyo ang sarili niyo rito! Baka nakakalimutan niyo, ha, katulong lang kayo! Kaya wala kayong lugar dito sa selebrasyong ito!” sigaw niya sa mga ito dahilan para sila’y pagtinginan na ng ilang mga matataas na taong naroon.

“Opo, ma’am, pasensya na po kayo, huwag na po kayong magalit, nakakahiya po sa mga taong nakakakita. Aalis na po kami,” nakatungong wika ng matanda habang unti-unting natayo sa upuang kinauupuan.

“Kung hindi niyo kasi pinairal ang kagustuhan niyong makapantay sa aming mga VIP, hindi sana kayo mapapahiya! Alis na!” bulyaw niya pa.

“Opo, pasensya na po,” sambit pa nito saka agad na hinila ang apong kasama, “Halika na, apo,” mahinang sambit nito saka agad nang umalis sa lugar na iyon.

“Pasensya na kayo, ha,” sambit niya sa mga taong nakakita ng naturang eksena.

Bagong nobya ng isa sa pinakamayamang negosiyante sa buong bansa ang dalagang si Emma. Pakiramdam niya, siya na ang pinakaswerteng dalaga sa buong mundo dahil sa laki ng perang mayroon ang bago niyang nobyo.

May mga anak man itong halos kasing edad niya, wala siyang pakialam basta’t makalikom lang siya ng pera at makasama sa mga mamahaling hotel na pinupuntahan nito sa tuwing mayroon itong pagtitipong dinadaluhan.

Ni singko, wala siyang ginagastos sa tuwing isasama siya ng naturang lalaki. Sa katunayan, siya pa ang may naiuuwing pera, pagkain at kung ano pa mang gamit dahilan para ganoon na lang siya makaramdam ng labis na kasiyahan.

At wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang pinayagan na siya nitong manirahan sa napakalaki nitong mansyon sa Maynila kung saan niya nakilala ang mag-lolang labis na nagpapainit ng dugo niya.

Kasambahay ng kaniyang nobyo ang naturang mag-lola, naiinis siya sa mga ito sa tuwing aali-aligid sa kaniyang nobyo at makikipagkwentuhan habang siya, nagiging parang alikabok kapag naroon ang dalawa.

Ito ang dahilan upang hindi niya ito palabasin sa silid na inupahan ng kaniyang nobyo sa isang mamahaling hotel nang dumalo ito sa isang malaking pagpupulong. Wika niya pa noon, “Bakit ba kasi kailangang kasama pa ang mag-lolang ito sa mga ganitong klaseng selebrasyon? Nakakainis, hindi ko masolo ang nobyo ko!”

Kaya naman, ganoon na lang ang inis niya nang makitang nauna pang maupo sa kaniya ang dalawang ito sa restawrang paggaganapan ng naturang selebrasyon.

Kaya lang, pagkalipas ng ilang minuto matapos niyang pabalikin sa silid ang mag-lola, bigla siyang hinila palabas ng naturang restawran ng kaniyang nobyo.

“Teka, anong problema? Hindi na ba tayo dadalo sa pagdiriwang na iyon?” pagtataka niya.

“Alam mo, pinalalampas ko lahat ng pagmamaldita mo kila lola, pero itong ginawa mo ngayon, hindi ko na kayang tiisin. Pinahiya at minaliit mo lang naman sila sa harap ng mga kasosyo ko sa negosyo at hindi ko iyon kayang palampasin. Kaya kong mabuhay wala ka, pero hindi ko kayang mabuhay nang wala si lola sa tabi ko! Kaya kung hindi mo kayang pakitunguhan sila nang mabuti, umuwi ka na sa probinsya mo!” bulyaw nito sa kaniya na labis niyang ikinagulat.

“Ano bang sinasabi mo? Hindi naman talaga sila bagay sa restawrang iyon,” katwiran niya pa na lalong ikinagalit nito.

“Maghiwalay na tayo!” sigaw nito saka siya iniwan doon.

Tila desidido na nga ang lalaking iyon na hiwalayan siya dahil maya-maya lang, sinalubong na siya ng mga bodyguard nito bitbit-bitbit ang mga maleta niya at siya’y pinapauwi na.

Magmakaawa man siya at humingi ng tawad sa mag-lola, wala itong naging epekto sa galit na negosiyante at siya’y tuluyan nang pinauwi sa kaniyang probinsya.

Iyak lamang siya nang iyak habang nasa biyahe. Labis siyang nagsisi sa ugaling pinakita niya na talagang nagpataboy sa swerteng mayroon siya.

Simula noon, hindi man niya muling maibalik ang lalaking nagbigay sa kaniya ng magaan na buhay, desidido naman siyang magbago ng ugali para sa kaniyang kinabukasan.

Advertisement