Ayaw ng Lalaki sa mga Naglilingkod sa Simbahan, Isang Pagsubok ang Nagpalapit sa Kaniya sa mga Ito
“Julio! Dalian mo na! Magsisimula na ang sermon sa simbahan! Baka hindi na naman tayo makapakinig dahil sa kabagalan mong kumilos!” sigaw ni Lydia sa kaniyang asawa, isang umaga habang pilit niya itong kinakatok sa kanilang palikuran.
“Naku, Lydia, ilang beses ko nang sinabi sa iyo kagabi na hindi ako sasama sa’yo ngayon!” sagot ni Julio habang padabog na lumabas sa naturang palikuran.
“Ang asawa ko naman! Malalagutan ka na ng hininga’t lahat-lahat, mailap ka pa rin sa simbahan! Sinong demonyo ba ang nakasanib sa’yo, ha? At parang nasusunog ka sa tuwing nalalapit sa simbahan o kapag may nagyaya sa’yong magsimba?” sarkastikong tanong nito sa kaniya na labis niyang ikinainis.
“Walang demonyong nakasanib sa akin, Lydia! Sadyang ayoko lang ng mga ugali ng mga taga-simbahan! Parang mga hindi nagkakasala kung makapangaral!” tapat niyang tugon, bakas sa kaniyang mukha ang labis na pagkadismaya sa mga taong naglilingkod sa simbahan.
“Ganoon talaga, nais ka nilang…” hindi na niya pinatapos magsalita ang asawa at agad na niya itong hinila palabas ng kanilang bahay.
“Tumahik ka riyan, isa ka pa! Magpunta ka na roon sa simbahan! Naririndi na ako sa’yo, tuwing Linggo na lang gan’yan ka!” sigaw niya pa saka agad na sinarhan ang kanilang bahay.
Malaki ang galit ng matandang si Julio sa mga taong naglilingkod sa simbahan. Bukod kasi sa napakarami niyang nababalitang mga katiwaliang nagagawa ng mga taong ito sa labas ng simbahan katulad ng pagmamataas sa ibang mga tao, pakikiapid, pagnanakaw sa kaban ng simbahan at marami pang ibang kasalanan sa Panginoon, pakiramdam niya pa ay isa siyang napakasamang tao sa tuwing pupunta sa simbahan at siya’y kakausapin ng mga ito.
Wika niya pa, “Sino ba sila para bigyan ako ng leksyon sa buhay ko at sabihin na mali ang ginagawa ko? Sila ba ang Diyos para husgahan nila ako? Eh, makasalanan din naman sila katulad ko! Mga naghuhugas kamay, magkikita-kita rin naman kami sa impyerno!”
May pagkakataon pa ngang minsan siyang napilit na sumama ng kaniyang asawa sa simbahan at siya’y ipinagdasal ng isa sa mga naninilbihan doon.
“Nawa, Panginoon, patawarin Mo si Julio sa kaniyang mga pagkakasala,” panalangin ng ginoong nagdasal para sa kaniya na labis niyang ikinainis.
Kung ang iba ay natutuwa sa tuwing may magdadasal para sa kanila, siya’y nakararamdam ng pagkaliit sa tuwing may magdadasal ng ganito para sa kaniya. Palagi niyang iniisiip na siya’y hinuhusgahan ng mga ito dahilan para ganoon na lang lumayo lalo ang loob niya sa simbahan at unti-unti, sa kaniyang asawang palagi siyang niyayang magsimba.
Nang araw na ‘yon, pagkasara niya ng pintuan, sa sobrang inis niya, bahagya siyang nakaramdam ng pagkahingal. Upang mahismasmasan, agad siyang naupo at sumandal.
Ngunit imbis na umayos ang kaniyang paghinga, lalo pa siyang hiningal dahilan para pilitin niyang abutin ang kaniyang selpon at tawagan ang kaniyang asawa.
Nang marinig na niya ang pagdating nito, roon na tila sumuko ang katawan niya at siya’y nawalan na ng malay.
Nagising na lamang siyang nasa ospital na. Doon niya nalamang mayroon siyang sakit sa puso at mayroon silang kailangang bayaran na malaking halaga upang siya’y makalabas na ng ospital.
“Subukan mong manghiram ng pera sa mga kapatid ko, Lydia, para hindi na madagdagan ang bayarin natin dito. Wala naman tayong milyones para maoperahan ako,” utos niya sa kaniyang asawa.
“Sinubukan ko na kanina pa, kaso lahat sila, wala raw pera. Pati mga kapatid ko at iba nating kaanak, nilapitan ko na kaso kulang pa rin talaga ang pera natin,” tugon nito dahilan para siya’y mapabuntong-hininga na lamang.
Habang sila’y nag-iisip-isip kung saan sila kukuha ng pera, biglang tumunog ang selpon ng kaniyang asawa na agad nitong sinagot at labis siyang nagtaka kung bakit bigla itong nagtatatalon habang umiiyak.
“Nasisiraan ka na ba ng bait?” inis niyang tanong dito.
“Nasa labas ang mga taga-simbahan, Julio, binayaran nila ng buo ang bill mo! Makakalabas na tayo ngayon at handa silang maglikom ng pera mula sa buong bansa para maoperahan ka!” balita nito na labis niyang ikinagulat.
Bago pa man siya makapagsalita, dumating na sa kaniyang silid ang pastor ng naturang simbahan at hinawakan ang kaniyang kamay.
“Sa-salamat po, pastor,” mangiyakngiyak niyang sambit, tila biglang nanlambot ang kaniyang puso sa ginawa nito.
“Ang Diyos ang may gawa nito, sigurado akong ginamit Niya ang problema mong ito para bumalik ka sa Kaniya,” sambit pa nito na tuluyan niyang ikinaiyak.
Siya nga’y tuluyang nakalabas ng ospital at habang naglilikom ng pera ang mga taga-simbahan para sa operasyon niya, siya’y buong pusong naglingkod sa simbahan.
Ilang buwan lang ang lumipas, tuluyan na nga siyang naoperahan sa tulong ng iba’t ibang simbahan sa buong bansa na labis niyang ikinapasalamat sa Diyos.
“Kapag Ikaw talaga ang kumilos, lahat ng imposible, nagiging posible! Salamat sa Iyo, pangakong habang-buhay ko, maglilingkod ako Sa’yo!” iyak niya nang magtagumpay ang kaniyang operasyon.
Simula noon, pinagpatuloy niya nga ang paglilingkod hanggang sa siya naman ang makatulong sa ibang mga nangangailangan ng ispiritwal na lakas.