Panlalait ang Sumalubong sa Dalagang Balikbayan; Buong Tapang Niyang Sinagot ang Kaniyang Tiyahing Mapang-api

Panlalait ang Sumalubong sa Dalagang Balikbayan; Buong Tapang Niyang Sinagot ang Kaniyang Tiyahing Mapang-api

FamilyKarmaStories

“Anak, nandito ang mga tita at mga pinsan mo sa bahay,” bungad ng ina ni Trina nang sagutin niya ang tawag nito. 

Awtomatiko siyang napangiti dahil doon. Dahil rinig niya ang masaya at maingay na boses ng mga ito mula sa cellphone, tila nasa bahay na rin siya.

“Rizza, si Trina ba ‘yan? Pwedeng makausap?” rinig niyang tanong ng isa sa mga tita niya.

Ilang sandali pa ay ibang tinig na ang narinig niya. 

“Kumusta Trina? Ang Tiya Mildred mo ito!” 

“Ayos naman po ako dito sa Singapore. Tita, kayo, kumusta po?” maligaya niyang tugon. 

“Aba’y kailan ka uuwi? Matagal-tagal ka na rin diyan.” 

Tama ito. Siguro ay nasa limang taon na rin mula ng magdesisyon siyang magtrabaho sa ibang bansa at hindi maitatangging miss niya na rin ang pamilya kaya nagpaplano rin siyang umuwi sa mga susunod na buwan para sorpresahin ang mga ito. 

“Siguro po ay kapag nakaluwag-luwag po sa trabaho. Medyo abala po kasi ako,” pagdadahilan niya. 

“Hija, baka naman pwede mo akong bilihan ng bag diyan? Balita ko maganda raw mag-shopping diyan,” maya-maya ay ungot nito. 

Inasahan niya na iyon. Madalas manghingi ng kung ano-anong pasalubong ang mga kamag-anak niya. Nasanay na rin siya dahil lagi iyong nangyayari. 

“Okay po. Sige po, Tita.” 

Ng mga sumunod na buwan na pinlano niya ang pag-uwi. Nagtipon-tipon ang lahat para sa pagdating niya. 

“Hija! Kumusta na? Ang tagal na kitang hindi nakita!” Isang mahigpit na yakap ang isinalubong sa kaniya ng bawat isa. 

Nakita niya kung paano siya sinuyod ng tingin ng mga ito bago nagpalitan ng makahulugang tingin.

“Nakakapanibago. Ang laki ng pinagbago mo,” komento ng kaniyang Tita Mildred. 

Alam niya ang tinutukoy nito. Malaki ang pinagbago ng kaniyang katawan mula noong umalis siya. Aminado siyang tumaba siya nang husto. Tambak kasi ang trabaho niya kaya nawalan na siya ng panahon para magtrabaho. 

“Ilang taon ka na ba, hija? May pag-asa pa naman siguro na bumalik ang dati mong pangangatawan kung uumpisahan mo ang pagda-diet ngayon. Para ka nang baboy niyan, eh,” susog pa nito. 

Nasaktan man siya sa sinabi nito ay hindi niya  iyon ipinahalata. Kadarating niya lang at ayaw niya na magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan. 

“Tita, binili ko ang bag na gusto mo. Naroon po,” turo niya sa kaniyang bagahe. Nais niya kasing ibahin ang usapan. 

Mukhang epektibo naman ang ginawa niya dahil sandali siyang nilubayan nito ngunit Ilang minuto lamang ay umarangkada na naman ang bibig nito. 

“Kasi hija, alam mo, kapag ‘di mo inalagaan ang katawan mo, walang manliligaw sa’yo? Ilang taon ka na ba? Dapat nga ay may asawa ka na at anak. Ganyang edad ako may asawa’t anak na ako. Pati na rin ang pinsan mong si Jess…” tukoy nito  sa anak nito na kaedaran niya. 

“Tita, bata pa po ako. 29 pa lang. Wala pa po akong plano mag-asawa,” malumanay na sagot niya, pilit na pinipigilan ang iritasyon.  

Sa sinabi niya ay agad itong napabaling sa kaniyang ina. 

“Rizza, tingnan mo ang anak mo. Wala raw planong mag-asawa,” tila pagsusumbong nito. 

Nagkatinginan silang mag-ina. Alam nitong hindi siya natutuwa sa mga sinasabi ng kaniyang tiyahin kaya agad itong sumaklolo para sawayin ang kapatid.

“Ano ka ba naman, Ate Mildred. Bata pa naman ang anak ko at kung ayaw niya pa ay bakit naman pipilitin?” marahang saway nito sa nakatatanda. 

Agad na umasim ang mukha ni Mildred. 

“Kaya lumalaking sutil ang anak mo kasi kinukunsinti mo. Kung ako sa’yo, pag sasabihan ko siya para naman hindi ganyan. Ang mga babae dapat lang na mag-asawa at mag-anak hangga’t bata pa kaysa tumandang dalaga. Kasi balang araw, walang mag-aalaga sa’yo at hindi ka magiging masaya sa buhay,” naiiling na litanya nito. 

Hindi niya na napigilan pa ang sarili na magsalita lalo pa’t dinamay nito pati ang paraan ng pagpapalaki ng kaniyang ina. 

“Tita, hindi naman tayo magkapareho ng panahon. Iba yung sa inyo, iba pa rin yung sa amin. Iba-iba rin tayo ng pag-iisip at depinisyon ng kasiyahan sa buhay. Kung kayo po ay masaya na mag-asawa at magkaanak, ako po ay masaya dahil maganda ang trabaho ko at marami akong ipon sa bangko. Nabibigyan ko ng sapat na pera ang magulang ko at unti-unti kong natutupad ang pangarap ko,” direkta ngunit magalang niyang pagtatanggol sa sarili.

“Isa pa, kung mag-aanak man po ako, ‘yun po ay dahil gusto ko at hindi para may mag-alaga sa akin pagtanda ko dahil hindi sila ipinanganak para alagaan ako.”

Balak pa sana nitong kumontra ngunit agad niya itong inunahan at nagpatuloy.

“Sana rin po ay bawas-bawasan natin ang pagkokomento sa katawan ng ibang tao dahil hindi natin alam kung may pinagdadaanan man sila kaya ganoon ang katawan nila. Hindi naman nakatutulong ang mga komento na ‘yan sa kanila dahil kung minsan ay nakaka-offend. Nirerespeto ko po kayo at ang mga paniniwala niyo, pero sana po ay ‘wag niyong ipilit ang opinyon niyo sa akin, at sana po ay ‘wag niyong masamain ang opinyon ko,” dagdag pa niya. 

Natahimik naman ang ito, tila pinagninilayan ang mga saloobin niya. 

Nakita niyang nakangiti ang kaniyang mga magulang, halatang proud ang mga ito dahil ipinahayag niya ang kaniyang opinyon nang maaayos at sa magalang na paraan.

Bago matapos ang araw ay agad rin naman na humingi ng paumanhin ang tiyahin sa kaniya. Hindi raw nito naisip na nakakasakit ito dahil ngayon lang ang unang pagkakataon na may kumontra rito.

Masaya rin siya at proud sa sarili dahil sa kaniyang ginawa. 

Naisip niya na mainam ngang ipahayag ang damdamin kaysa sarilinin ang mga mga saloobin. Ang hindi pag-uusap ay pag-uugatan lamang ng samaan ng loob. Basta’t hindi lang natin makakalimutan na galangin ang kung sinumang may salungat na opinyon.

More Stories