Siniraan Niya ang Katrabaho Dahil sa Tagpong Nasaksihan; Napahiya Siya nang Magharap Sila ng Taong Itsinismis Niya

Siniraan Niya ang Katrabaho Dahil sa Tagpong Nasaksihan; Napahiya Siya nang Magharap Sila ng Taong Itsinismis Niya

InspiringKarmaStories

“Sandy, ang sarap ng tapsilog mo, bukas ulit ha!” 

Inis na niligpit ni Alyana ang mga tira niyang paninda. Mukha kasing hindi mauubos ang pansit niya dahil gustong-gusto ng mga ito ang luto ni Sandy. 

Si Sandy ay isang binabae. Noong una ay gusto niya pa ito, dahil mabait ito at masayang kasama. Ngunit nabago ang lahat nang maging kakompetisyon niya ito sa pagtitinda ng kung ano-anong pagkain sa opisina. 

Siya ang nauna ngunit mas nagustuhan ng mga kaopisina nila ang mga pagkaing itinitinda ni Sandy! 

Sayang at maganda pa naman sanang extra income ang pagtitinda. 

“Grabe, siguro ang yaman-yaman na ni Sandy! Ang laki ng kita niya sa atin pa lang!” narinig niyang komento ni Luigi, isa sa mga kaopisina nila.

“Hindi. Ang dami-dami kong pinagkakagastusan, kung alam niyo lang!” nakangiting tugon ni Sandy. 

“Baka naman may pinapaaral. May boyfriend ka siguro, Sandy?” nakangising tanong niya sa katrabaho. 

Natahimik ang lahat, tila hindi inaasahan ang sinabi niya. 

“Hoy, Alyana! ‘Wag ka ngang ganyan! Walang personalan. ‘Wag kang bitter, porke’t mas masarap ang luto ni Sandy sa’yo!” pabirong pambubuska ng kanilang boss, tila nais mabawasan ang namuong tensyon. 

“Grabe naman kayo! Nagbibiro lang ako!” tumatawang bawi niya sa sinabi, kahit ang totoo ay may maruming hinala na nabuo sa kaniyang isipan. 

Kaya naman laking tuwa niya nang bandang uwian ay namataan niya si Sandy na sinundo ng isang binatilyo. 

Halata na malapit ang dalawa sa isa’t isa, lalo pa’t malaki ang pagkakangiti ng binatilyo, na siya pang may bitbit ng mabigat na bag ni Sandy.

Agad-agad niyang kinunan ng litrato ang nasaksihan, bilang pruweba na magpapabagsak sa kaniyang nag-iisang kakompetisyon. 

“‘Yan, ‘yan siguro ang pinagkakagastusan ni Sandy! Mukhang menor de edad pa! Susuportahan niyo pa ‘yan?” nanlalaki ang matang turan niya sa mga kasama habang ipinakikita sa mga ito ang litrato na nakuha niya noong nagdaang araw. 

Napangiti siya nang makita ang bakas ng pagkadismaya sa mukha ng mga kaopisina. Marahil ay hindi rin inaasahan ng mga ito ang natuklasan tungkol sa pagkatao ni Sandy. 

Nang tanghaling iyon ay inaasahan niya na marami ang bibili ng niluto niyang ulam kaya naman bahagya siyang nadismaya nang ipatawag siya sa opisina ng kanilang boss. 

“Boss, bakit po?” nagmamadaling usisa niya. 

Ipinakita nito ang mga larawan na kinunan niya. 

“Ano itong nabalitaan ko na may sinasabi ka raw tungkol kay Sandy?” taas kilay na usisa nito. 

Agad niyang ibinahagi rito ang nasagap niyang tsismis. 

“Ay, totoo pa ‘yun! May sumundo po kay Sandy kahapon na lalaki, batang-bata pa. Menor de edad pa nga yata. Siya pa ang nagdala ng bag ni Sandy,” pagkukwento niya. 

Inaasahan niya na madidismaya ito kay Sandy kaya naman nagulat siya sa sinabi nito. 

“Alam mo ba na pwede kang mawalan ng trabaho sa ginagawa mo?”

“Ano po? Bakit?” gulat na tanong niya. 

“Paninirang puri ang ginagawa mo, eh. May pruweba ka ba na may malisyosong relasyon nga si Sandy lalaking nakita mo?” seryosong usisa nito. 

“Meron po.” Ipinakita niya ang mga larawan. 

“Paano naging pruweba ito? Eh wala naman silang ginagawa, naglalakad lang?” muli ay tanong nito. 

Napaisip siya. Maaari nga na walang ginagawa ang mga ito, subalit sino nga ba ang binatilyo?

Upang klaruhin ang isyu ay iniharap sa kaniya si Sandy. Nang ipinakita niya rito ang mga larawan na basehan ng kaniyang paratang ay tawa ang isinagot nito. 

“Si Denver ba? Ampon ko ‘yan. May dalawa pang kapatid ‘yan, mga babae. Sila ang mga ampon ko na itinuturing kong anak. Kaya naman todo kayod ako, para sa kanila,” paliwanag nito, bago ipinakita sa kaniya ang mga larawan nito kasama ang tatlo nitong ampon. 

Labis ang pagkapahiya ni Alyana. Hindi niya inaasahan na iyon pala ang kinapupuntahan ng pera ni Sandy! Muntik pa niyang masira ang magandang hangarin nito nang dahil lamang sa kaniyang inggit. 

“Sandy, itong si Alyana, ipinakalat ang tsismis na may relasyon kayo ng ampon mo. Gusto mo bang ireklamo?” narinig niyang tanong ng kaniyang boss. 

Walang pagdadalawang-isip na umiling si Sandy. 

“Hindi na, Boss. Ayaw kong may mawalan ng kabuhayan dahil sa akin,” umiiling pang wika nito. 

Sinsero siyang humingi ng pauamanhin sa katrabaho. Inamin niya na hindi niya gusto na mas nagustuhan ng mga katrabaho nila ang luto nito. 

“Naku, pasensiya ka na. Gusto ko lang talaga kumita para sa mga ampon ko. Pero kung ayaw mo ng kompentensya, ako na lang ang magpaparaya. Ikaw naman ang nauna,” buong pampapakumbabang bulalas nito. 

Mas lalo lamang siyang napahiya sa tinuran ng katrabaho. 

“Hindi, hindi na. Nakakahiya sa’yo, Sandy. Ang ganda-ganda ng hangarin mo, nabahiran ng dumi dahil sa kamalditahan ko,” muli niyang paghingi ng paumanhin, na tinanggap naman nito. 

Mula noong araw na iyon ay tuluyan niya nang ihininto ang pagtitinda. Marami naman siyang ibang maaring pagkakitaan. Ibinalato niya kay Sandy ang pagbebenta ng pagkain dahil masarap naman talaga itong magluto, bilang pasasalamat din dito na hindi na nito pinalaki pa ang isyu. 

Napahiya man si Alyana dahil sa pangyayaring iyon ay natutunan niya na una, mali ang humusga. Ikalawa, may mga magagandang bagay na maaaring masira ng inggit!

More Stories