Inday TrendingInday Trending
Inagaw ng Kapatid ng Binatang Ito ang Pinamanang Kumpanya sa Kaniya; Makabangon Pa Kaya Siya?

Inagaw ng Kapatid ng Binatang Ito ang Pinamanang Kumpanya sa Kaniya; Makabangon Pa Kaya Siya?

“Diyos ko naman, Anton! Sigurado ka bang ikaw ang hahawak sa iniwang kumpanya ni Papa? Simpleng dokumentong inatas sa’yo, hindi mo magawa nang ayos at nasa oras! Paano ka nagawang pagkatiwalaan ng Papa noong nabuhuhay pa siya?” sigaw ni Kiko sa nakababatang kapatid, isang umaga nang mapagtanto niyang hindi pa nito natatapos ang dokumentong pinapagawa niya.

“Ah, eh, kuya, sabi ko naman sa’yo kagabi, hindi ko ‘yan matatapos dahil sa dami ng dapat kong gawin para sa nalalapit na pagdiriwang ng kumpanya,” katwiran ni Anton habang tarantang nagtitipa sa kaniyang laptop.

“Iyon ang rason mo? Tingin mo mabuting irason ‘yon? Kapag ikaw na ang tuluyang humawak sa kumpanyang ito, magsasabay-sabay talaga ang mga gawain mo!” sermon pa nito saka sinabog ang lahat ng dokumentong nasa kaniyang lamesa.

“Bigyan mo ako ng ilang oras, kuya, tatapusin ko lang ‘yan,” malumanay niyang sabi na lalong ikinagalit nito.

“Ilang oras pa? Ngayon ko na ‘to kailangan dahil makikipag-usap ako sa isang negosiyante! Alam mo, manang-mana ka talaga sa nanay mong sumira ng pamilya namin, eh, dapat sa’yo, tinatanggalan ng pwesto rito sa kumpanya!” bulyaw pa nito saka padabog na umalis sa kaniyang opisina.

Anak sa labas ng kaniyang ama ang binatang si Anton. Sa puder man siya nito lumaki kasama ang mga anak nito sa legal na asawa, hindi niya pa rin nagawang makasundo ang mga ito.

Siya kasi ang paborito ng kaniyang ama simula pa lang noong mga bata pa sila. Bukod kasi sa siya ang pinakagwapo at mabait sa kanilang magkakapatid, siya pa ang palaging nakakakuha ng parangal sa paaralan. Malayong-malayo sa tatlo pang anak nito na pawang mga laki sa layaw at walang galang.

Kaya naman, nang pumanaw ang kaniyang ama dahil sa isang malubhang sakit, sa kaniya ipinama ang kumpanyang pinaghirapan nito na nagbebenta ng mga mamahaling damit na labis na ikinagalit ng iba niya pang mga kapatid, lalo na ang panganay na si Kiko na siyang nagpalakad nito noong mga panahong nasa ospital ang kaniyang ama at siya’y nag-aaral pa lamang.

At dahil nga makapangyarihan ang kapatid niyang ito, agad siya nitong tinanggal sa kumpanya nang araw na iyon. Labag man ito sa iniwang utos ng kanilang ama, wala siyang nagawa dahil napabago na pala nito sa isang magaling na abogado ang lahat ng papeles na nagpapatunay na siya ang tagapagmana ng kumpanya.

“Hayaan mo, bibigyan kita ng tatlong milyon, para naman, hindi ka kawawa,” nakangisi pa nitong sabi saka inihagis sa kaniya ang tsekeng naglalaman ng pera.

Mangiyakngiyak niya itong tinanggap saka agad na iniayos ang mga gamit niya sa kumpanyang iyon. Pagkauwi niya, nakita niya na ring nasa labas na ang kaniyang mga gamit dahilan para siya’y lalong maiyak at kausapin sa isip ang yumaong ama.

“Papa, bakit sila ganito kagahaman?” iyak niya.

Habang naglalakad-lakad siya, nagpag-isip-isip niyang walang magagawa ang mga luhang nilalabas niya dahilan para siya’y mag-isip ng paraan upang mapalago ang perang mayroon siya.

Doon niya napagdesisyunang bumuo ng sarili niyang kumpanya na kakalaban sa inagaw na kumpanya sa kaniya. Bahagya man siyang natatakot sa maaaring mangyari, siya’y nagkaroon ng lakas ng loob nang maalala kung gaano kasaya ang kaniyang ama sa tuwing siya’y nagtatagumpay.

“Muli kitang papasiyahin, papa, kahit nasa langit ka na,” sabi niya pa saka agad na tinawagan ang mga magagaling at matatalino niyang kaklase noong kolehiyo.

Laking tuwa niya nang sumang-ayon lahat ng mga ito sa alok niyang trabaho kahit na maliit pa lamang ang maibibigay niyang sahod.

Wala na nga siyang sinayang na oras at naglakad na ng mga papeles na kailangan upang maparehistro ang kumpanya niya habang inaasikaso na ng iba ang maliit na gusaling gusto niyang ipatayo katapat ng inagaw na kumpanya sa kaniya.

Pagkalipas ng isang buwan, tuluyan na nga silang nakapagtrabaho roon at dahil sa ganda ng mga inilabas nilang disenyo ng mga damit na swak sa bulsa ng masa, agad na dumami ang mga negosiyanteng gustong makisosyo sa kaniya.

Nakatanggap man siya ng balita na kahibangan daw ang kaniyang ginagawa sabi ng kaniyang mga kapatid, siya’y nagpatuloy na lumaban hanggang sa tuluyang sumikat ang produkto niya at kaniyang naungusan ang mga kapatid niya.

Halos araw-araw, maraming tagapagbalita ang naghihintay sa labas ng kaniyang kumpanya habang ang kumpanyang hinahawakan kaniyang mga kapatid, patuloy nang nilalangaw dahil nagsilipatan pa sa kaniya ang mga empleyadong inis sa ugali at pamamalakad ng mga ito.

Hanggang sa isang araw, nagulat na lang siya nang nais ng kapatid niyang si Kiko na humingi ng tulong sa kaniya upang maibalik ang sigla sa kumpanyang hawak nito.

Hindi niya ito tinanggihan dahil hindi niya rin kayang makitang bumagsak ang pinaghirapan ng kaniyang ama ngunit siya’y humingi ng isang kondisyon dito, “Ibalik mo sa pangalan ko ang kumpanyang ‘yan kagaya ng gusto ng Papa,” at dahil nga walang-wala na itong pag-asa, sumunod ito sa kaniya.

Nang simulan niyang hawakan ang naturang kumpanya, muling bumalik ang sigla nito na talaga nga namang ikinatuwa niya.

“Alam kong ikaw ang pinakamasayang nilalang d’yan sa langit, Papa, para sa’yo ang lahat ng ‘to!” sabi niya nang maipabalita sa buong mundo ang produktong mayroon sila.

Nang dahil sa mga nangyari ay natutunan na ng kaniyang mga kapatid na siya ay galangin at bigyan ng importansya. Matapos makita ang pagbabago sa mga ito ay hindi na siya nagdalawang-isip na bigyan ng matataas na posisyon ang mga ito sa kumpanya, at sila ngayon ay tulong-tulong na sa pagpapalago pa nito. Siguradong-sigurado siya na masaya na ang kanilang ama na nakikita silang nagkakasundo-sundo at nagtutulong-tulong na mapayabong pa ang negosyong sinimulan nito noon.

Advertisement