Inday TrendingInday Trending
Nagtaka ang Ginang na Ito sa Biglaang Pagbabago ng Anak; Dahil ba Ito sa Bago Niyang Kinakasama?

Nagtaka ang Ginang na Ito sa Biglaang Pagbabago ng Anak; Dahil ba Ito sa Bago Niyang Kinakasama?

“Erica, ano ba naman ‘yang ugali mo, ha? Ang ayos-ayos nang pakikisama sa’yo ng bago kong nobyo, hindi mo man lang iniimik! Kita mo, o, binigyan ka pa nga ng bagong make-up at damit! Hindi ka man lang nagpasalamat!” sermon ni Angie sa kaniyang anak, isang gabi nang muli nitong hindi pansinin ang bago niyang kinakasama.

“E ‘di ikaw ang magpasalamat sa kaniya, mama. Sino bang nagsabing bigyan niya ako ng mga gan’yan?” taas kilay na sagot nito habang patuloy sa paggamit ng selpon.

“Wala ka talagang modong bata ka! Manang-mana ka sa tatay mong lulong sa masamang bisyo!” sigaw niya rito na ikinataas ng dugo nito.

“Sana nga, sinama niya na lang ako sa kulungan kaysa makasama kayong dalawa ng lalaki mo sa bulok na bahay na ‘to!” bulyaw nito sa kaniya na labis niyang ikinagalit.

“Sumosobra ka nang bata ka! Kahit tito mo, hindi mo magawang magalang? Halika rito, tuturuan kita ng leksyon!” sabi niya saka agad na hinablot at tinapon ang selpon nito at sinimulan itong hampasin ng nakuha niyang sinturon.

“Tama na po, mama! Tama na po! Ayoko na po! Gagalangin ko na po si tito!” sigaw nito habang patuloy niya itong hinahagupit ng sinturon.

Hindi malaman ng ginang na si Angie ang biglaang pagbabago ng pakikitungo ng kaniyang anak sa bago niyang kasintahan. Noon nama’y maayos ang pakikitungo nito rito ngunit ngayong sa bahay na nila ito naninirahan, palagi na nitong hindi iniimik ang lalaki.

Pagsabihan man niya ito o tanungin tungkol sa maling asal na pinapakita, pabalang naman siya nitong sinasagot o kung hindi naman, pati siya, hindi iniimik nito.

May pagkakataon pa ngang napapansin niyang mugto ang mga mata nito na buong akala niya, dahil lang sa pagkakakulong ng tunay nitong ama.

Matapos niya itong bugb*gin noong gabing ‘yon, agad na rin siyang bumalik sa sariling silid kung saan naghihintay ang bago niyang kinakasama. Agad siya nitong pinakalma pagkakita sa kaniya sa pamamagitan ng yakap at mga halik. “Matulog ka na, mahal, magiging maayos din kami ng anak mo. Huwag kang mag-aalala, makapaghihintay ako,” sabi pa nito, maya maya pa, tuluyan na siyang nakatulog sa mga bisig nito.

Bandang alas tres ng umaga, siya’y naalimpungatan at laking pagtataka niya dahil wala sa tabi niya ang lalaking kinakasama.

Kaya naman, kaniya itong hinanap sa buong bahay matapos niyang magbanyo ngunit hindi niya ito makita. Wala sa kanilang banyo, kusina, o kahit sa labas ng kanilang bahay.

“Imposible namang nasa kwarto ni Erica ‘yon, eh, hindi nga sila magkasundo,” sabi niya sa sarili nang makita niyang may maliit na awang sa pintuan ng anak.

Ngunit tila ba may humihila sa kaniya na sumilip doon at nang gawin niya nga ito, halos manlambot siya sa natagpuang eksena. Sinasamantala ng naturang lalaki ang kaniyang anak na tahimik na lumuluha at nagpupumiglas!

Narinig niya pang sabi nito, “Subukan mong sumigaw o kahit magreklamo, sabay kong tatapusin ang buhay niyong mag-ina!” dahilan para siya’y magdali-daling tumawag ng pulis at bidyuhan ang ginagawa nitong kalapastanganan sa anak.

Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan na ngang dumating ang mga pulis. Sa oras na iyon, tapos na ang lalaki sa kababuyang ginagawa at bumalik na sa kanilang silid. Habang siya, nagpapanggap na tulog at nakikiramdam.

Agad na pinasok ng mga pulis ang kaniyang bahay at agad niyang sinuplong ang lalaki. Dali-dali rin siyang nagtungo sa silid ng anak at halos mawalan siya ng hininga nang makita niyang latang-lata ito at mugtong-mugto ang mga mata.

“Ngayon alam ko na kung bakit ka nagkakagan’yan, anak. Patawarin mo si mama, imbis na intindihin ka, pinagbubuhatan pa kita ng kamay,” iyak niya habang yakap-yakap ito.

At dahil nga menor de edad pa ang dalaga at siya’y may nakuhang bidyo, tuluyang nakulong nang panghabambuhay ang lalaking iyon.

Alam man niyang malaki ang tampo ng kaniyang anak sa kaniya, araw-araw niya itong sinuyo at siya’y nag-ipon upang piyansahan ang tatay nitong nasa kulungan.

Nang tuluyan na itong makalabas at bumalik sa kanilang bahay, muling bumalik ang sigla ng kaniyang anak at labis na umiyak sa kaniyang ama.

“Pakiusap po, magbalikan na kayo ni mama. Ayoko pong mabuhay nang wala ang isa sa inyo. Napapahamak po ako,” iyak nito na talaga nga namang naging daan upang sila’y magkaayos at makapagpatawaran.

Pangako ng ama sa kaniyang anak at asawa na para sa kapakanan ng dalawa at ng kanilang pamilya ay tuwid na landas na ang tatahakin niya magmula ngayon. Masayang-masaya naman ang mag-ina, lalong-lalo na si Erica, dahil sa wakas ay buo nang muli ang kanilang pamilya.

Advertisement