Nagtataka ang Binata sa Palagiang Pagtahol ng Maamong Aso ng Yumao Niyang Kapatid sa Kaibigan Nito, Mayroon Palang Dahilan

Nagtataka ang Binata sa Palagiang Pagtahol ng Maamong Aso ng Yumao Niyang Kapatid sa Kaibigan Nito, Mayroon Palang Dahilan

FamilyMysteryStories

“Tingnan mo ‘yang si Whitey, mama, noong nabubuhay si Kuya hindi niya tinatahulan si Kuya Bert. Nakikipaglaro pa nga siya, hindi ba? Pero ngayong wala na si kuya, palagi na niyang tinatahulan ‘yang si Kuya Bert,” sabi ni Jomari habang pinagmamasdan ang naiwang aso ng kaniyang kapatid na panay ang tahol pagkadating ng isa nitong kaibigan. 

“Baka naman namimiss niya lang ‘yong kuya mo. Alam mo naman ang mga aso, sobra kung magmahal sa kaniyang amo. Mahirap para sa kaniya ang biglaang pagkawala ng kuya mo kaya siguro siya naging matapang at palatahol,” tugon ng kaniyang ina habang panay ang pagsandok sa lugaw na niluto. 

“Iba ang kutob ko, mama, eh. Kasi si Kuya Bert lang naman ang palagi niyang tinatahulan. Mabait at nakikipaglaro siya kahit papaano sa ibang kaibigan ni kuya,” wika niya pa habang pinagmamasdang biglang kumalma ang aso nang ito’y himasin ng isa pa sa mga kaibigan ng kapatid. 

“Naku, ikaw bata ka, imbis na kung anu-anong isipin mo, tumulong ka na lang sa akin sa pag-aasikaso ng mga nakikiramay. Dali na! Pati aso pinoproblema mo, eh!” sigaw sa kaniya nito dahilan para siya’y agad na mapakilos at ipamigay ang mga naihanda nitong lugaw. 

Walang mapagsidlan ang kalungkutang nararamdaman ng binatang si Jomari sa biglaang pagkawala ng kaniyang kapatid sa isang hindi malamang dahilan. Dahil nga wala naman silang malaking pera para paimbestigahan ang pangyayari at walang alam ang kanilang mga magulang tungkol sa mga kaso ng aksidente, tinanggap na lang ng kanilang pamilya ang pagkawala nito. 

Hindi pa rin niya mawaglit sa isipan kung paano niya nalamang wala nang buhay ang kaniyang kapatid. Tandang-tanda niya pa kung paano siya pilit na hinihila ng alaga nitong aso sa kagubatan sa likod ng kanilang bahay at nang sundan niya ito, roon niya nakita ang duguan niyang kapatid na nakatusok sa isang sanga.

Pilit man niyang kumbinsihin ang sarili na isa itong aksidente dahil mahilig itong umakyat ng mga puno, hindi pa rin siya makampante.

Nang gabing iyon, pagkabigay niya ng lugaw sa kaibigan ng kaniyang kapatid na si Bert, nakita niyang puro sugat ang kamay at braso nito dahilan para usisain niya ito. 

“Ah, eh, nabangga kasi ako riyan sa kanto niyo kanina,” katwiran nito na lalo niyang pinagtaka dahilan para kaniyang tawagan ang kaibigan niyang nagbabantay sa CCTV ng kanilang barangay.

 “May nangyari bang banggaan sa may kanto kanina?” tanong niya rito. 

“Wala naman, magdamag akong nakatutok dito, maayos naman ang pagpasok at paglabas ng mga sasakyan,” sagot nito dahilan para siya’y mapailing. 

“Pupwede ba akong magpunta riyan? May titingnan lang sana ako,” sabi niya rito. 

“Walang problema, dalian mo lang, ha? Sikreto lang natin ‘to,” agad nitong sagot dahilan para siya’y dali-daling pumuslit ang magtungo sa kanilang barangay. 

Pagkarating niya roon, agad niyang tinignan ang mga bidyo mula sa CCTV noong araw na sumakabilang buhay ang kapatid niya. Kitang-kita rito na sabay na naglalakad patungo sa kanilang bahay ang kapatid niya at kaibigan nitong si Bert kasama ang asong si Whitey. 

“Hanggang d’yan lang ang nakuhanan ng bidyo, eh, may CCTV ba ‘yong kapitbahay niyo?” sabi ng kaibigan niya kaya siya’y nagdali-daling umuwi upang tingnan kung mayroong CCTV ang kanilang kapitbahay. 

At siya’y halos mapatalon nang makita niyang may CCTV na nakatutok sa kagubatan. Agad siyang nakiusap sa matandang may-ari nito at laking tuwa niya nang siya’y payagan. 

Doon kitang-kita kung paano pumasok sa kagubatan ang kuya niya at kaibigan nito kasama ang naturang aso na may nilalaro-laro pang bola. 

Malabo man ang kuha dahil malayo-layo ito sa kagubatan, naaninag niyang nasa puno ang dalawa habang naghihintay sa baba ang aso nang biglang mahulog ang kaniyang kuya dahil sa pagkakatulak ng kaibigan nito. 

“Diyos ko!” tangi nilang sambit ng matanda nang sabay nila itong mapanuod. 

“Kumilos ka na, hijo, magsumbong ka sa pulis bago pa makagawa ng hindi maganda ‘yan sa pamilya niyo!” payo ng matanda dahilan para dali-dali siyang kumuha ng kopya ng bidyo at magtungo sa pulisya. 

At dahil nga siya’y may hawak na proweba, siya’y agad na sinamahan pauwi ng mga pulis. Doon pinanuod ng mga ito sa binatang si Bert ang nakuha niyang bidyo. “Naku, hindi po!” tangi nito. 

“O, bakit may mga sugat ka na halatang mula sa mga sanga ng puno?” sabat niya dahilan para mapatungo na lang ito. 

Todo tahol pa rin ang aso ng kaniyang kuya at tila ba gustong-gusto na itong sakmalin. 

“Paano mapapaliwanag ang galit ni Whitey sa’yo, ha?” mangiyakngiyak niyang tanong dito. 

“Patawarin niyo ako, simula kasi nang maisama ko sa trabaho ang kuya mo, siya na ang palaging bida,” pagdadahilan nito. Sa labis na galit ay hindi na napigilan pa ng binata na suntukin ito sa mukha.

Doon din ay agad nang umawat ang mga pulis at tuluyang dinala sa kulungan ang lalaki. Lalo mang kumirot ang puso niya sa nalamang katotohanan, masaya siyang makuha ang hustisya ng kuya niyang nawala dahil lang sa inggit. 

Simula noon, muling bumalik sa pagiging maamo ang naiwang aso ng kaniyang kapatid na ngayo’y siya na ang nag-aalaga. 

“Salamat, Whitey, ikaw ang isa sa mga nagbigay hustisya sa pagkawala ni kuya,” sabi niya sa aso habang ito’y pinapasyal sa kanilang lugar. Sigurado siyang kahit papaano’y masaya na sa langit ang kaniyang kapatid sa pagkamit nila sa hustisya sa pagkawala nito.

More Stories